Sa Pagakyat Sa Langit ni Hesus!

Pagbasa ng Ebanghelyo Ayon kay San Lukas, 24: 44-53

Luwalhati sa Iyo Panginoon.

Pagkatapos ay sinabi niya sa mga alagad, "Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasama-sama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises sa mga aklat ng mga propeta at sa aklat ng mga Awit. At binuksan niya ang kanilang mga pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya sa kanila, "Ganito ang nasusulat: kinakailangang magbata ng hirap at mamatay ang Mesias at muling mabuhay sa ikatlong araw. Sa kaniyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, mugmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. Tandaan ninyo: susuguin ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama. Kayat huwag kayong aalis sa lunsod hanggang hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihan mula sa itaas."

Pagkatapos, sila’y isinama ni Jesus sa labas ng lunsod. Pagdating sa Betaniya, itinaas niya ang kanyang mga kamay at pinagpala sila. Samantalang iginagawad niya ito, siya nama’y lumalayo (paakyat sa langit).

Siya’y sinamba nila pagkatapos; sila’y nagbalik sa Jerusalem, taglay ang malaking kagalakan. Palagi sila sa templo; at doo’y nagpupuri sa Diyos.

Ang Evangelio ng Panginoon.

Papuri sa iyo Panginoong Hesukristo.

Bilang panimula ng aking Reflections on the Gospel, heto ang aking hiram na homily.

"Tandaan ninyo: susuguin ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama. Kayat huwag kayong aalis sa lunsod hanggang hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihan mula sa itaas."

Ilang taong nakakaraan sa Nueva York ay mayroong isang Ina na nangangarap na maging dalubhasa sa musika ang kaniyang mga anak. Mayroon siyang apat na anak. Isinuong niya silang lahat tungo sa daan ng pagkahilig sa musika, pag-ibig sa musika, at sa pagiging mahusay o magaling sa musika. Sa madaling sabi, ay naging walang katuturan sa unang tatlong anak ang pagpupunyagi niyang ihilig sila sa musika. Subalit itong bunso ay nagpapakita sa Ina ng mgagandang tanda at kahiligan sa musika. Kayat pamula talibata ay pinag-aral niya ng musika, pinaturuan ng piano. Minsan ay may dumating sa Nueva York ng sikat na musikero/pianista mula sa Poland: si Pedorovski (hindi ko gaanong segurado ang pangalan). Kayat kagyat ang Inang bumili ng dalawang tiket sa broadway, isa para sa kaniyang anak at isa para sa kaniya. KAILANGANG maaga pa lamang ay makapakinig na ang kaniyang anak na pagdadalubhasain niya sa musika sa tunay na dalubhasang musikero. Dumating sila ng teatro, naupo sa pinakaunang upuan;

nang duoy may nakita ang Ina ng isang kaibigan o kapitbahay na manunuod din pala. Una, sapagkat kaibigan ay gusto niyang batiin, at pangalawa, marahil, ay gusto nga niyang ipamaralita na dinadala niya ang kaniyang anak sa ganitong mamahaling musical broadway show. Sabi niya sa anak: DITO KA lang; huwag kang malikot, hintayin mo ako at sandali akong babati sa ating kapitbahay. Sabi ng bata, "Opo!" ?Subalit pagkatalikod ng Ina ay nagsimula nang mag-apuhap sa hindi makali itong bata. Alam ninyo na, kapag anim na taong gulang pa lang, sadyang malikot ang bata. Heto na nga; tumindig sa upuan at umakyat sa hagdan. Ito namang si Nanay, ay di bumalik na sa kinauupuan ng kaniyang anak. Aba, ay diyaskeng bata, saan na baga nagparoon si anak? Sinabi ko nang huwag aalis! ABAY nangagsindihan na ang mga ilaw ng entablado, at heto nagbukas na ang kurtina ng palabas. Heto na nga po si Pedorovski lumalakad patungo sa harapan ng entablado; at sa upuan ng piano ay naroon naman itong si munting anak na nagdu-du-dut-dut sa piano. "Twinkle-twinkle little star.. How I wonder where you are ....." Ay di siyempre tawanan ang mga tao. Sino kayang pabayang Ina ang napakawalan ang anak, at naroon sa entablado ng broadway show na nagdu-du-dut-dot ng piano? Subalit si Pedrovski’y naupo sa tabi ng bata; sinabayan niya ng bass keys ang simple keys ng bata, habang naka-akbay sa bata na binubulungang mahinayon, "Sige, okay kang tumugtog; patuloy kang magpiano. Huwag mong tutuntunan, huwag mong ititigil ha; at dalawa tayong magpipiano. Sa una marahil ay mabagal lang ang tupa ng bata; kaya kaalinsabay na binabagalan din ni Pedrovski ang bass keys. Samantala’y patuloy din na bumubulong si Pedrovski sa taynga ng bata: "Okay ka, sige, huwag mong titigilan; basta patuloy ang tugtog nating dalawa. Narito ako, katabi mo ako, at sabay tayo sa pagpipiano. Eh ginanahan na ang bata; bumibilis na ang kaniyang tipa; sabat bilis din si Pedorovski. Hanggang sa nagpabago-bago na silang dalawa ng tiempo, mapabilis, mapabagal — pero tama sa kumpas at puno ng expresyon ng musika. At ang mga tao, na kanina marahil ay pinagkakatuwaan ang naligaw na bata sa entablado, ngayon ay tunay na buong katuwaang pinapakinggan ang magandang duweto sa musika ng munting bata at ng maestrong Pedrovski.

Sa araw na ito na inaalaala natin ang Pagakyat sa langit ng ating Panginoong Hesukristo, ay madali nating masakyan ang kalungkutan marahil, at pagkalumo ng mga alagad ni Kristo nang iwanan Niya sila pagkalisan Niya patungo sa Kalangitan.

Nitong nakaraang apatnapung araw ay masaya sila sa piling ng kanilang Maestro na nabuhay mula sa kamatayan. Una naging mga saksi nga sila sa mga katakut-takut na himalang ginawa ni Hesus nitong mga nakaraang 40 araw, pati na noong bago pa si Kristo namatay. At siyempre sa kanilang kasiyahan sa piling ng Panginoon ay natural na kagustuhan nilang huwag nang mawalay sa piling nila ang kanilang maestrong Panginoon. Subalit ngayon ay lumisan si Hesus.Sa isip nila’y tapos na ang maligayang araw. Ika nga’y tapos na ang ligaya.

Ngayong araw na ito ng Pagakyat ni Hesus, katulad ng mga alagad ni Hesus, sila

at tayo ay nararapat na laging pakinggan ang salita ng Panginoon: " ..susuguin ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama;....huwag kayong aalis... hanggang hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihan mula sa itaas." Katulad nang sa munting bata, ay patuloy na ibinubulong sa atin ng Panginoon, bagamat maghihintay pa sila ng sampung araw pa, na mayroong pipiling sa inyo tulad ng pagkapiling ko sa inyo: Ang Espiritu Santo ay paparito, at papasa-inyo. Kaya magpatuloy kayo sa inyong pananabik; at wala kayong dapat ikabahala.

Ano ba ang kahulugan ng gawi dito ng Panginoon? Ibig niyang sabihin, ginagarantiya ko sa inyo, matutuwa kayo, liligaya kayo, at magiging matapang kayo; pero maghintay lang kayong umaasa. Ang Pagakyat ni Hesus ay hindi nangangahulugan ng pagiging malungkot o takot. Ang Pagakyat ni Hesus ay tanda ng pangakong Pagbaba, pagparito, at patuloy na pasasa-piling ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

....................................

Sa Ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo.