(Speaking About the Faith in the Native/Pilipino Language)
Pagpapahayag ng Pananampalataya Sa Sariling Wika
By Aurelio Cagahastian, Amor Kagahastian,
Raul Roque, Noel Cadayona, etc...
BalikSaPanginoon.org/(BacktoGod)
"Turn Our Ways Back To God"
In Memoriam:
Para sa kaalaman ng lahat ng masugid na tagahanga ni Aurelio Cagahastian,
si "Batang Patio", na mangangatha ng karamihan ng mga tula dito sa
BalikSaPanginoon.org:
Ang atin pong si "Batang Patio"/Aurel Cagahastian ay pumanaw na
nitong nakaraang Abril 24, 2006. Sumalangit po ang kaniyang kaluluwa!
Renato C Valdellon
Halaw sa libro ng "Mga Tula ni Kaka" ni Ka Noel
NASAAN ANG DIYOS?
May isang pulubi sakbibi ng hapis,
Balat nya’y galisin walang makalapit,
Mata niya’y bulag, kamay ay pilipit,
At kahoy na paa ang s’yang nakakabit.
Nabubuhay siya sa konteng barya,
Kalansing sa latang musika sa tenga.
Bigay na biyayang kaloob sa kanya.
Sa maghamaghapong panglilimus nya.
Malimit sumala pagkain sa mesa,
Gutom at pighati ang laging kasama.
Ang sama ng loob ay mas maantak pa,
Sa hapdi ng tiya’t hungkag na bituka.
Sa kabilang dako’y may isang mayaman,
Mga gintong plato ang kinakainan.
Dami ng utusan ay hindi mabilang,
Sa palasyong garing ay naninirahan.
Lahat ng ibigi’y napapasakanya,
Anopa’t ang mundo’y laruan lang niya.
Ang mga hapin n’ya kapagka hinila,
Naglulundagan ng lahat at balana.
Siya ay hari ng mga kriminal,
Walang pakundangan kung siya’y pumatay.
Batas ng salapi ang pinaiiral,
Baril at ginto ang Diyos n’yang tunay.
Pulubing nasabi’y isang madasalin,
Inialay sa Diyos ang mga hilahil.
Mga pagkukulang sa buhay na siil,
Pinupunan niya ng mga dalangin.
At paminsan-minsan ay umuukilkil,
Sa isip ng pobre’y hindi maitakwil,
Hanggang kelan kaya ako susubukin,
Wari ba’y ang Diyos ay nabulag na rin.
Ang mayaman naman na isang pusakal,
Ay di tumatawag sa Poong maykapal.
Ang mga biyayang kanyang kinakamal,
Nanggaling na lahat sa karumaldumal.
Minsan isang araw doon sa simbahan,
Nagpakitang tao itong si mayaman.
Malaking halaga ang kanyang iniwan,
Sa harap ng altar pinakitang alay.
Itong si pulubi ay naroroon din,
Laman ng lata niya ay daladala rin.
Hila n’ya ang paa, sakit ay di pansin,
At pakapa-kapang naghandog, naghain.
Alay ng mayaman kung ikukumpara,
Sa laman ng banko at dami ng pera,
Parang kinalos lang ang bigas na sobra,
Mistulang sinsilyo at mga bariya.
Ang handog naman nitong si pulubi,
Ay lahat-lahat na sa kanyang sarili.
Di baling magtiis ng gutom sa gabi,
Basta’t naibigay ang kanyang papuri.
Sa mata ng tao ay waring taliwas,
Bakit ang matuwid ang siyang naghihirap.
Bakit ang pusakal biyaya’y talamak,
Nasaan ang Diyos, katarungang hawak.
Panay ang hinampo at mga hinaing,
Nating mahihirap sa dusang inangkin.
Diyos ba’y nagtutulog at wari’y di pansin,
Mga karaingang malaon ng hain.
Nasaan ang Diyos, siya ba’y bingi na?
Mga panalangi’y ‘di na alintana.
Nasaan ang Diyos, siya ba’y bulag na?
At di nakikita ang nangag durusa.
Nasan ang pangakong kung sinong lalapit,
Magaan ang krus na ipabibitbit.
Nasan ang pangakong kung ika’y pagod na,
Pumunta sa kanya’t ika’y magpahinga.
Subali’t sino ka na para husgahan,
At para tanungin ang Diyos na maylalang?
Sino na taong kang isang yagit lamang
At isang alabok ang pinanggalingan.
Itong si pulubi, itong si mayaman,
Sabay na kinuha ng Diyos na may lalang.
Isa-isa silang nag-ulat, naghanay,
Ng mga ginawa nakaraang buhay.
Unang nag-ulat itong si mayaman,
Mga kawang gawa kanyang pinagyabang.
Ang dami ng tao’ng kanyang natulungan,
Salaping binigay sa mga simbahan.
Sumunod nag-ulat itong si pulubi,
Mahina ang boses na kanyag sinabi:
“ako po ay walang taong natulungan,
bagkus ako pa nga ang nangailangan.
“Subali’t ako ma’y walang ipaghambog,
Ang lahat-lahat po’y aking inihandog,
Pulubi kong buhay Kayo ang nagbigay,
Ay tinanggap ko po’t sa ‘yoy inialay.
At nagsalita na ang Poong lumikha:
“Ikaw na mayama’y aking pinagpala,
sa balat ng lupa’y ika’y nagtamasa.
Yaman ni Pulubi ang mismis mong likha.”
“Subali’t ano ang iyong ginawa?
Ako’y niyurakan at iyong dinusta,
Mga pakitang tao ang iyong ginawa,
Marami sa iyo ang kaawa-awa.”
Kaya’t mula ngayo’t magpakailan man,
Buhay ni pulubi’y iyong daranasan.
Ang kaluluwa mo ay magpapalahaw,
Sulabli’t awa Ko’y di mo makakamtan!
“At ikaw pulubi, nagtiis ng dusa,
mga alipusta’y hindi alintana.
Mga dalangin mo’t sa aki’y pagsinta,
Di ko nalilimot, laging ala-ala.”
“Kaya’t mula ngayon, butihin kong anak,
May dakilang puso’t hindi mapanghamak,
Ikaw na nagtiis, sa dusa’y nasadlak,
Ang gantimpala mo’y langit na busilak.”
Nasaan ang Diyos, itatanong mo pa?
Hintayin mo na lang na Siya’y makita.
Saka mo itanong kung siya’y tulog pa’t
Kung ang mga tenga Niya ay bingi na.
Hindi pa ba natin kayang intindihin,
Ang mahalagang habilin sa atin,
Isang talinhagang kay hirap arukin,
At hindi maabot ng isipan natin.
Butas ng karayom kay daling pasukin
Ng isang kamelyo kung ipaghahambing
Sa isang mayaman na naghahangad ding
Ang pinto ng langit ay kanyang marating.
Di pa makatulog laging atubili,
Mahapdi ang tiyan ng isang pulubi,
Ni wala s’yang bubong, at diyario ang katre,
Namamaluktot s’ya sa lamig ng gabi.
Nasaan ang Diyos? Malambing na usal,
Luha’y namalisbis at nangag unahan,
Subali’t ang hindi niya namalayan,
Ang hinahanap n’yay nasa tabi lamang.
Handog ko po aking mga kaibigan. Merry Christmas po!
KAIBIGAN Ni Ka Noel
Kung pakiramdam mo ika'y nagiisa,
at pinagsakluban ng pomyang na dusa.
Pahirin ang luha sa 'yong mga mata,
lumingon ka't may kaibigan ka pa.
At kung nangangapa sa gitna ng dilim,
hakbang ay di tiyak at baka ma lalim,
Kamay ko'y hawakan wag ka ng manimdim,
tiyak ang landas nating tatahakin.
Wag kang mag-alala kung ika'y malasing,
sa sobrang ligaya ay pasiring siring.
Akbayan mo ako't ika’y papasanin,
aalalayan ka saan man magdating.
Kung mawawala ka sa iyong sarili,
di matagpuan kung anong maigi,
ngalan ko'y tawagin at hindi tatanggi,
patakbong dadating sa iyong tabi.
Sa pagmamadali't ikaw ay nadapa,
walang pumapansin at kumakalinga,
dasdas mo sa tuhod at sugat sa mukha'y
aking hahaplusin ng pagaaruga.
Sa lamig ng gabing walang masilungan,
Kayakap na irog ay di masumpungan,
hanapin mo ako't kapag natagpuan,
sa pagmamahal ko kita'y kukumutan.
Kung mapariwara sa pagpapabaya,
sa sapot ng dusa'y hindi makawala,
sa ambang panganib ay nakatunganga,
akong si Superman ang siyang bahala!
Basta din lamang at sa 'yong kapakanan,
ibibigay ko rin pati na ang buhay,
isang kaibigang di matutularan,
kahit na sa komiks di matutunghayan.
Kung sakasakaling ikaw ay palarin,
naging isang tala na ubod ng ningning,
'wag mong kalimutan na ako'y sulyapin,
sa lihim na sulok sa 'yoy nakatingin.
At sa initan kung maglalakad ka,
o sa intablado ay papanhik ka na,
ika'y papayungan, may hahawakan ka,
ang 'yong kaibigang super alalay pa.
Ngayon ang lakad mo ay napakatublis,
naiwan na ako sa 'yong paghagibis,
nakapag-isa na matibay mong bagwis,
na pumaimbulog sa rurok ng langit.
Di man naghahangad na iyong mapansin,
ang kaibigan mong naiwan sa dilim,
kung nalulungkot ka sa 'yong pag-iisa,
lumingon ka't may kaibigan ka pa.Halaw sa libro ni Ka Noel - "Mga Tula ni Kaka"
Handog ko po sa lahat ng OFW at sa lahat ng naghahangad maging OFW.
BALAGTASAN SA USAP, Ni Ka Noel
(Bakit ka aalis?)
Ng aking marinig magkabilang panig,
Hindi nakatiis na basta makinig.
Pluma ay umiktad, umandar ang isip,
At sa balagtasan ay ibig humirit.
Walang taong normal ang basta’t lilisan,
At sadyang tiisin ang mga iiwan.
Kahit na ang munting ibong layang-layang,
Hindi umaalis sa pinag pugaran.
Liban na nga lamang kung ang yung asawa’y
Laging nakakabit sa iyong biyanan.
At ang mukha niya ay mukhang tadtaran,
At ang bunganga ay parang masinggan.
Subali’t ano man ang maging itsura,
Pag-ibig pa rin ang siyang mangunguna,
Haharapin mo nga ang lahat ng dusa,
Basta’t lumigaya ang irog na sinta.
Tama si Ka Ruben sa kaniyang pita,
Dapat kung aalis matutong magbata.
Tibayan ang dibdib sa tukso at sala,
Pag-ibig na tunay ang gawing sandata.
Kung puso ng isa’y mahina’t marupok,
Salaping kakamti’y siyang mag-uudyok.
Damdaming mahinhin magiging mapusok,
Sa bangin ng sala ay mabubulusok.
Ang paghihiwalay ay sa pagmamahal,
At ang hangin nama’y apoy ang katambal.
Ang sadyang maliit kanyang pinapatay,
Ang malaki nama’y lalong binubuhay.
Sang-ayon ako na ika’y lumisan,
Kung ang puso’y moog at bato sa tibay.
Sapagka’t kung hindi’y walang kayamanan,
Ang makakatumbas ng paghihiwalay.
Salamat Aurel sa ‘yong paanyaya,
Na syang pumagitna at magpaalala.
Kay hirap gampanan ng ibig mo’t pita,
Galing ng katuwiran dapat na sandata.
Ang isang aalis dapat mapagtanto,
Lahat ng katwiran ay hinihinuho.
Magkabilang panig timbangin at puno,
Pag-pinag sama na’y hindi mo mabuo.
Ang sinasabi ko’y ang paiwang sulit,
Suriing mabuti’t linawin ang guhit.
Ginto at yaman ba ay maipagpapalit,
Sa sirang pamilyang di na mababalik?
Di lang mag-asawa ang syang magdurusa,
Pati mga anak taglay sa parusa.
Hindi nga malayong malulong sa droga,
Kung walang magulang na magpapaalala.
At ang tagubilin ng Poon sa atin,
Pinagsama ng Dios, wag paghiwalayin,
Kung inaakalang dulot ay hilahil,
Bakit ka lilisan kung ipagtataksil?
Sa kabilang dako kung ang puso’y moog,
Tibay ng pag-ibig di kayang madurog.
Pagpapakasakit ay bukal sa loob,
At handang magtiis para lang sa irog.
Ang pakakalayo ay hindi sagabal,
Kaya mong batahin ang lahat ng bagay.
Lagablab ng apoy na hindi mapatay,
Ng lamig ng hangin at gabing mapanglaw.
Kung damdaming ito ang syang nasa puso,
Ng isang iiwan at isang lalayo,
Sigi humayo ka at iyong hanapin,
Pangarap na buhay sa ibang lupain.
Uulitin ko una kong tinuran:
“Sang-ayon ako na ika’y lumisan,
Kung ang puso’y moog at bato sa tibay,
Sapagka’t kung hindi’y walang kayamanan,
Ang makakatumbas ng paghihiwalay.”
Gusto mo bang magbago? Lumapit ka sa Diyos, siya lang ang makakagawa sa yo nito.
Halaw sa libro ng "Mga Tula ni Kaka"
KATILAS AT PARUPARO, Ni Ka Noel
A
ng mga dahon ay mauubos na,
Perwisyung katilas masibang talaga.
Makati sa balat kapag nadikit ka,
Ang pangit na hayop kadiring makita.
Wala ni sino mang matino ang isip,
Ang mahahalinang dito ay lumapit.
Agad papatayin bago makakapit,
Kung hindi’y sa kati ay mamimilipit.
Ano pa’t ito’y parang isinumpa,
Munting halimaw ang makakamukha.
Pinandidirihan, kinasusuklaman,
Pinanginginigan ng mga kalamnan.
Isang dapit hapon itong si KATILAS,
May biglang napansing magandang bulaklak.
Kay tingkad ng kulay amoy ay busilak,
Haplos ng talulot ay waring kay dulas.
Ng madaling araw na’y siya’y nagsiyasat,
Hindi makatulog sa kanyang namalas.
Dinilig ng hamog ang magandang rosas,
Puso nya’y tumibok ng napakadalas!
Ang samyo ng nektar ay nanggagayuma,
Sa dahong kay pakla ay sawang –sawa na.
Dapat ng matikman itong naiiba,
At siya’y kumilos patungo sa kanya.
Ang nilalakbay nya’y sing layo ng buwan,
Pagod at hirap’ay walang katapusan.
Ang dilim ng gabi at init ng araw,
Ang tinik sa landas ay hindi sagabal.
Ilang dangkal na lang ang tanging pagitan,
Abot kamay na nya ang mithing tagumpay.
Ng biglang pumasok sa kanyang isipan,
Na silang dalawa ay di nababagay.
Biglang tumalikod at nagmuni-muni,
Nakinikita ‘nya ang kanyang sarili.
Munting halimaw na nakapandidiri,
Sa harap ng diyosang maganda’t mabini.
At mula nga noon siya ay nag-isip,
Kelangang mabago ang anyong kay pangit.
Kay Amang Bathala siya ay lumapit,
Taos na dalangin kanyang iginiit.
At sya’y tinuruan ng Poong Maykapal,
“Gumawa ka ng kukon na iyong himlayan,
Pumasok ka dito’t iyong pagmunian,
Ang pangit na buhay na pinagdaanan.”
“At manatili ka ng ilang panahon,
Huwag kainipan oras mong ginugol.
Sa dilim ng kukoon mababanaagan,
Mapanglaw na kulay ng ‘yong nakaraan.”
At sya’y tumalima sa pinag-uutos,
Sa loob ng kukoon siya ay pumasok.
Mga kasalanan ay pinagsisihan,
Mga kamalian ay pinagtikahan.
Ng isang umaga tinig ay narinig,
“Lumabas ka na’t sumagap ng init,
Budhi mong marumi’y akin ng nilinis,
Ika’y nilikha kong pinakamarikit!”
At si PARU-PARU ay dito’y lumabas,
Ang kagandahan nya’y kagilagilalas.
Si Rosas na irog agad ay hinanap,
At ang nektar nito ay kanyang nilasap.
Ang dating KATILAS na ubod ng pangit,
Naging PARU-PARU na ubod ng rikit.
Isang himala na walang kaparis,
Ginawa ng Diyos na galing sa langit!
At tayo’y ganyan din kung mamarapatin,
Pangit na itsura’y mapagaganda rin.
Madilim na buhay ay ating baguhin,
Ang kukoon ng budhi’y atin ng pasukin.
Tayo nga’y KATILAS sa mortal na buhay,
May pangit na budhi’t mga salang taglay.
Paglabas sa kukon sa mundong ibabaw
Pangit nating anyo ay ating iiwan,
Tayo’y nilikha ‘Nya sa sariling wangis,
May taglay na ganda na kaakit-akit.
Busilak na anyo’y ating makakamit,
Parang PARU-PARU na ubod ng rikit!
Napapanahong tula. Halaw sa libro ni Ka Noel- "Mga Tula ni Kaka"
XV. TALAKAYAN
Matamis, mapait, lasang tsokolate.
Matamis, maasim, tsampoy naman ire.
Kailangan natin ay kaunting sili,
Sibuyas at bawang na napakarami.
Kompleto rekados itong talakayan,
Ang kailangan lang ikaw ay magsanay.
Kung balat sibuyas, ‘wag ng makialam,
Siguradong sabog ang balun-balunan.
Ang siling nabanggit, dapat kaunti lang,
Panggising ng dugo wag lang di ganahan.
Pag ang bunganga mo ay sobra ang anghang,
Apoy na lalabas ay nakakadarang.
At huwag pigilin simbuyo ng dibdib,
Ibulalas mo ang lahat ng hilig.
Sa mangangantiyaw huwag padadaig,
At ‘wag maglalagay ng busal sa bibig.
“At ang balang bibig na binubukalan,
Ng sabing magaling at katotohanan,
Agad binibiyak at sinisikangan
Ng kalis ng lalong dustang kamatayan.”
Katulad ng sabi nitong si Balagtas,
Ang karapatan mo’y huwag payuyurak.
Magsabi ng tumpak , totoo at tapat,
Lalaya ang diwa’t ika’y magagalak. Ang sabi ng Beatles "all you need is love"!
Halaw sa libro ni Ka Noel - "Mga Tula ni Kaka".
Ang tula ko pong ito’y inihahandog ko sa
lahat ng “in love”:
“I love you…”
“Yo te amo…”
“ Watasiwa anata o eisimas…”
“ Nahigugma ako sa imo…”
“ Iniibig kita…”
“…Iisa ang wika na alam ng puso,
Pag-ibig ay ‘di na kailangang ituro.
Kusang tumutubo, kusang lumalago,
Kusang namamatay sa mga siphayo…”
II PAGIBIG
Walang kahulilip na kaligayahan,
Parang isang sanggol sa tabi ng nanay.
Puso’y lumulukso’t may nagaawitan,
Rosas ang paligid mandi’y walang hanggan.
Di na makakain, di pa makatulog,
Ang kawawang puso’y natutong umirog.
Ang buntong hininga’y sing haba ng ilog,
Sing lalim ng dagat, bundok ang sing tayog.
Mga kapintasan ay di alintana,
Walang pakiaalam sa puna ng iba.
Sa paningin niya’y pinakamaganda,
Ihahalintulad sa mabining dyosa.
Diwa’y nangangarap sa gabi’t umaga,
Laging hinahanap ang irog na sinta.
Kapag di kapiling at di nakikita,
Waring mapapatid pati ang hininga.
Maging sa pagtulog puso’y nagpupuyos,
Duyan ka sa bisig nitong si “Morpheus”.
At pagkagising ko di pa naghilamos,
Pangalan mo’y sambit panalanging taos.
Ang iyong pangalan ay gintong kampana,
Na sa aking puso ay nakadambana.
Pag naisip kita ako’y nanginginig,
Tunog ng kampana ay nakakatulig.
Bayaang, mong ito’y mamugad sa puso,
lakas ng pag-ibig na di maigupo.
Bayaan mong ito ay kusang manlamig,
Kung hindi pa ukol ang sigaw ng dibdib.
Huwag mong ipilit ang damdaming mali,
Ang tibuk ng pusong mandi’y wari-wari.
Kay daming nasaktan, kay daming nasawi,
Pusong sinungaling sa pagkukunwari.
Sa kabilang dako ay ‘wag mong siilin,
Tunay na damdamin ay ‘wag mong kimkimin.
Tukiki mong puso’y huwag pairalin,
Luha ang katumbas, pag – ibig na lihim.
Lumipas ang araw, buwan, mga taon,
Ang punlang pag-ibig sa puso’y umusbong.
Dinilig ng luhang may pasumpong-sumpong,
Lalong lumalago’t lalong yumayabong.
Tulad ng winika ng dakilang pantas,
Iyong mababasa sa magandang aklat.
Isang halimbawang kanyang pinamalas,
Ang pag-ibig ang siyang pinakamataas:
“O, pagsintang labis ang kapangyarihan,
Sampung magaama’y iyong sinasaklaw.
Pag ikaw ang nasok sa puso nino man,
Hahamaking lahat masunod ka lamang.”
“At yuyurakan na ang lalong dakila,
Bait katuwira’y ipanganganyaya,
Pati katungkula’y wawaling bahala,
Sampu ng hininga’y ipauubaya...”
Iisa ang wika na alam ng puso,
Pag-ibig ay ‘di na kailangang ituro.
Kusang tumutubo, kusang lumalago,
Kusang namamatay sa mga siphayo.
Oh! dagok marahil nitong kapalaran,
Ang mahal ko’t ako ay nagkahiwalay.
Ako ay naghanap ng magandang buhay,
At siya’y naiwang may luha ng lumbay.
Ang paghihiwalay ay sa pagmamahal,
At ang hangin nama’y apoy ang katambal.
Ang sadyang maliit kanyang pinapatay,
Ang malaki nama’y lalong binubuhay.
Umagang mabanas ako ay nagising,
Ang pakiramdam ko’y hindi mailihim.
Ako’y nagtataka’t wari’y naninimdim,
Init ng damdami’y wala na sa akin.
Ano ang kumitil sa magandang buhay,
Ng pag-iibigan at pagsusuyuan,
Panibugho kaya ang lasong tinaglay,
Palasong tumimo sa pusong maylumbay.
O pag-ibig nga ba’y katulad ng rosas,
Pag bago’y mabango’t humahalimuyak.
Pag tagal-tagal na sa pagkakapitas,
Ang talolot nito’y kusang nanlalagas.
Dahil sa pag-ibig umikot ang mundo,
Handog at pamana ng Diyos sa tao.
Pag ito’y nawala tayo’y maglililo,
Ang mundo’y babagsak sa kamay ng diablo.
Panatilihin mong pag-ibig ay buhay,
Alagang sa puso’y huwag mamamatay.
Ito’y tanging susing siyang naghihintay,
Upang mundo nati’y maging matiwasay.
XIII. WAG NA LANG PANSININ, ni Ka Noel
Marami sa atin na kapag natangko,
Lalo na sa parteng may ipagdurugo,
Ang dagling reaksyon ay agad pairing,
Di ba mas maigi’y wag na lang pansinin?
Mata sa mata at ngipin sa ngipin,
Pag ako’y binato ay mambabato rin.
Hindi magtatapos sa maiging hangin,
Mabuti pa kaya’y wag na lang pansinin.
Mang-uupasala’t may pusong maitim,
Lalong gumagarbo’t lalong gumagaling.
Sila’y mga sadyang kulang lang sa pansin,
Kaya’t ang dapat ay wag na lang pansinin.
Masakit, mahapdi, mauro’t malagim,
Kay dami ng dugo’t sugat na malalim,
Susunod na ulos at tagang madiin,
Iyo ng ilaga’t wag na lang pansinin.
Sa mga uslua’t biruang-totoo,
Laging sinasabing ang pikon ay talo.
Kung aayaw mong maibsan ng hangin,
Ang pantog na iya’y wag na lang pansinin!
“Sa loob at labas ng bayan kong sawi,
Kaliluha’y siyang nangyayaring hari.
Kagalinga’t bait ay nilulugami,
Ininis sa hukay ng dusa’t pighati.”
Aba’y bakit biglang pumasok ang pantas,
Na mga winika nitong si Balagtas.
Kung ang aking tula ay naging pasaring,
Pakiusap kaka wag na lang pansinin.
Para kay Jerwin Coladilla, na naghahanap ng mga salitang Paete.
(Halaw sa libro ng "Mga Tula ni Kaka")
IX. USAP PAETE, ni Ka Noel
Sayang Ka- Purod di mo mawawari,
Ang ilang salitang dito’y nasisipi.
Ang salitang Paete’y malalim at pili,
Taga Paete lamang may uwidong lahi.
Isang umaga, na manghihimagas,
Bunete’t pamblanco’y may kara-kara’t apanas.
Kung di lang masama ang magpakarahas,
Pupunitihin ko at iaarangas.
Ito ngang si kaka ay biglang nagtaka,
Minsang bumibili dito sa baraka.
Akura nga ika ganang isang tingga,
Tindera’y umiling ang sagot ay wala.
Minsan si katoto’y naalinsanganan,
Umastang maligo o magbimpo man lang.
Hinanap ang lumbo sa may banggerahan,
Nang damputin ito’y merong atang-atang.
Iwinaras niya ang lumbong dinampot,
Palirit ang hiyaw nagpaikot-ikot.
Adyong parang matsing sa tangga-tanggang lapok,
Nabulid si tutu sa pagkakatakot.
Pantalon mo kaka ay guyaguyagot,
Para bagang ito’y galing sa kuyukot.
Kumuha ng dahon ng saging na tuyo’t,
Pipirinsahin ko ang mga kulubot.
Meron ka na bagang naiintindihan,
Sa mga salitang pangpalaisipan.
Kung inaakalang ito’y haka lamang,
Wag kang magtataka’t ito’y totohanan.
Ang mga salitang aking tuturan,
Ay sikapin mo nga itong mahulaan.
Banas, daplag, buot at bayakan,
Tapilok, sisaw, ipulid at babahan.
Nang ikaw katuto ay hindi mabigla,
Gagamitin ko na ang mga salita.
Ito pong si kakang bibika-bikaka
Paipuipulid at paika-ika.
Natapilok siya at ito’y nadaplag,
Banas ng katawan dito’y nabanaag.
Sisaw ang sigawan mga taong bangag,
Ingay nila’y tila kampanaryong basag.
Bunga ng ibuli’y pinagaagawan,
Nitong mga boot at mga bayakan.
Ako’y tuwang-tuwang sila’y pinagmasdan,
Nangangalumbaba dito sa babahan.
Itong si kumareng malaki ang pig-i,
Kung magsalita ay napakalang-i.
Laging binabadya ang usap ni Bali
Ang mukha naman ‘nya ay korteng tampipi.
Kami ni kaka’y minsa’y nangaingin,
Balak ay magmura’t kumain ng saging.
Murang Siniloan ng aming hatiin,
Ay partidang Pakil ang kanyang inangkin.
Hapyug kang talaga kung di mo pa alam,
Ahas na nagdaa’y balat ng limuran.
Kundi sa limatik ako’y nagtatarang,
Ahas na mahaba’y iyong natapakan.
Baling-bali kaka ang iyong ginawa,
Amoy limpi ka na at amoy manusya.
Mga mamimigtas ay di alintana,
Pag kabug ni dada’y nagkakandarapa.
Isang araw siya’y nagdampal ng taka,
Upang idiliber doon sa Maynila.
Pagdating sa Intsik ay reject at sira,
Huwag kang magtaka’t syupot ang paggawa.
Ito pong si Bali ang anak ay pito,
Pitong langkay-langkay puro kahihilo.
Naisip mangyabat ng pamipi nito,
Pero meron siyang talaga sa ulo.
Putusin mo’t agad gapusin ng kawad,
Ang baboy ramo mong pabali-baliktad.
Pagsutsut ko kaka ikaw ay umiktad,
At baka ikaw ay putukan ng tangad.
Litung-lito ka na Ka- Purod kong mahal,
Nguni’t ito’y binabasa lamang.
Umuwi ka dito’t magiistoryahan,
Mga usap Paete dito sa tayantang.
ANG MAGNANAKAW, ni Ka Noel
Bato-bato sa langit wag sanang magalit
Tatamaay tiyak na mamimilipit
Sa laki ng bukol na napakasakit
Di na maitagot bantad na sa isip.
Sa sampong mahalagang utos ng Dios
Dalawa ang tunay na niyurakang lubos
Pang pitot pangsampong ipinaguutos
Walang pitagan nya itong binusabos.
Maraming uri iisa ang gawi
Kumuha't mangumit ng di niya ari.
Maitim ang puso ulikba ang budhi
Ang pagkatao niyay galing sa pusali.
Merong ninanakaw ang isip ng iba
Hindi naman kanyay pinagiigaya
Siyang umaani at syang kumikita
Sa pinaghirapat inisip ng iba.
Meron namang kinkuhay oras
Sweldong tinatanggap ay hindi katapat
Papasok ng hulit maagang lalabas
Ayaw magtrabaho ng tapat at patas.
Ang iba namay nagamit ng dahas
Sukdulang pumatay sobra ng marahas
Ang konsyensia niyay naagnas ng lahat
Wala na itong kinikilalang batas.
Merong maliitan kung siyay magnakaw
Pakupit kupit lang sa bulsa ni Nanay
Meron namang milyong milyong yaman
Ang dinarambong sa kaban ng bayan.
Ano man ang uri nitong magnanakaw
Di lamang yaman ang pinagiimbutan
Kapangyarihan man kanyang ninanankaw
Sa pandaraya sa tuwing halalan.
Pag ikay nagnakaw ang iyong kinuha
Di lang pagaari't salapi ng iba
Pagsisinop nilay may ligayang dala
Masarap na bunga ay ninakaw mo pa.
Itong si Batuti kapatid ni Bato
Magnakaw sa Bayan ang siyang opisyo
Pag hindi natigil ang gawaing ito
Baka maganap na ay isang delubyo.
Si "BY" ang palayaw na bansag sa kanya
Biglang Yaman, biglang dumami ang pera
Sa mga barkaday ibinibida pa
Gawang pagnanakaw normal lang sa kanya.
Hoy Ka Batuting kapatid ni Bato
Mulat na ang tao sa kasalanan mo!
Taghoy ng mahirap di mo pinakinggan
Ang iyong inuna'y pangsarili lamang.
Mga hinanakit nitong mahihirap
Ay hindi mo pansin sa yong "pagkorap"
Di mo namalayan bayan ay nasadlak
Ang pagdurusa ay lubha ng talamak.
Ang mabansagan kang isang magnanakaw
Maitim na batik sa yong kataohan
Itoy parusa ng kasuklamsuklam
Na dala dala mo habang nabubuhay.
Nakatatak ito sa iyong pangalan
Tataglayin ito ng buo mong angkan
Ang yong mga anak at pinag-apuhan
Mamanahing bansag - lahing MAGNANAKAW!
Bato-bato sa langit wag sanang magalit
Wag ng mangatuwirat wag na ring ipilit
Wag naring pagtakpan ang mga nabangit
Ng mga gawaing sa mata lang marikit.
Para sa yo Randy: Halaw sa libro ng "Mga Tula ni Kaka"
XXV ANG PAROLA, ni Ka Noel
Ang liwanag nito’y nagsisilbing tanaw,
Sa mangag daragat, ay nagiging gabay.
Lalo’t kung talamak itong kadiliman,
Kay daling marating ng dalampasigan.
Sa bayan ng Paros, sa bansang Ehipto,
Ang unang PAROLA ay natayo dito.
Tanglaw na liwanag malaking serbisyo,
Na kinalulugdan ng maraming tao.
Tagapangalaga ay isang matanda,
Masipag, masinop, at hindi pabaya.
Kinang ng lampara ay laging alaga,
At puno ng langis ang sisidlang banga.
Dumating ang oras dapat magpahinga,
Tagapangalaga’y lubhang matanda na.
Ang pangangasiwa’y ihahabilin nya,
Ipagtitiwala ang kanyang PAROLA.
Ipinatawag nya anak na panganay,
Mga tagubili’y kanyang inihanay.
“Ang lampara anak ay tanglaw ng buhay,
laging pakintabi’t alagaang husay.”
“ At ang natatanging habilin ko sa ‘yo,
Wag matutuyuan ng langis sa baso.
Ang sisidlang banga’y huwag mawawalan,
Sisiguruhin mo na laging may laman.”
Sa una’y masinop sa mga gawain,
Batang iniwanan ng mga habilin .
Lampara’y alaga nitong pakintabin,
Langis sa tapayan alagang punuin.
Ng ito’y magtagal sa kanyang tungkulin,
Tila nalimutan ang mga habilin.
Naging maluwag sya at malilibangin,
Barkada ng lahat ang sa kanya’y turing.
Mga mangingisda bago magpalaot,
Pupunta sa kanya at makikiamot,
Ng langis na gamit ng bangkang pamukot,
Ulo nya’y kay dali nilang mapaikot.
At ganon nga lagi ang kanilang gawi,
Sa bait ng bata’y kay daling manghingi.
Langis sa tapayan ay nangangaunti,
Sa kabibigay ng patingi-tingi.
Minsan isang araw may biglang dumating,
Anonsyo ng bagyong kay lakas ng hangin.
Binata’y nagtungo sa dalampasigan,
Mga mangingisda ay pagsasabihan.
Subalit huli na ang kanyang pagpunta,
At lahat nga sila’y nangapalaot na,
Tagapangalaga’y sugod sa PAROLA,
Upang sindihan ang mga lampara.
Nilinis nya ito ng ubod ng kinang,
At anyo na sana itong sisindihan.
Ng kanyang mapansin langis na sisidlan,
Ay ubos na pala at wala ng laman!
Takbo agad siya sa mga imbakan,
Kung saan naroon ang mga tapayan,
At siya’y nanlumo sa natunghayan,
Wala ng langis ang mga sisidan!
Magkandarapa sya sa kanyang pagtakbo,
Tuktok ng PAROLA ay kanyang tinungo.
Naghuhumiyaw sya sa pagaabiso,
“MAGSIBALIK KAYO, MALAKAS ANG
BAGYO!”
Tinig nya’y nilunod ng malakas na hangin,
Buong papawri’y nilamon ng dilim.
Mga mangingisda’y puno ng panimdim,
Nasan ang PAROLA, liwanag na angkin.
Ang dalampasiga’y di nila narating,
Hindi nila alam kung saan susuling.
Ningas ng PAROLANG dati’y nagniningning,
Nang oras na iyon ay naging malagim.
Ang tanong ko ngayo’y sino ang may sala,
Sa sinapit nilang malaking trahedya.
Mga mangingisdang abosong talaga,
O ang tagapangalaga nitong PAROLA?
Kung ihahambing sa tunay na buhay,
Mga mangingisda’y mga mamamayan,
Tagapangalaga’y nasa katungkulan,
Tungkuli’y parehas na dapat gampanan.
Halaw sa libro ng "Mga Tula ni Kaka" by ka Noel:
XXI
HUMINGI KA AT IKA’Y BIBIGYAN
May isang lalaki na anak mayaman.
Masunuring bata at isang uliran.
Sa pinapasukan niyang pamantasan,
Ay sikat na sikat at isang huwaran.
Malapit na ang araw ng pagtatapos.
Ilang buwan na lang ang ipaghihintay.
Lalong pinagbuti at pinaghuhusay,
Upang maging ganap ang kanyang tagumpay.
Sa tuwing uuwi galing sa eskwela,
Siguradong siya ay dadaan muna,
Tindahan ng kotse ay magaabala,
Para silipin lang ang kotseng kayganda.
Pagdating sa bahay ikukuwento agad,
Ang magarang kotseng kanyang hinahangad.
Sa pagtatapos nya’y sanay maalala,
Ng butihing amang regalo sa kanya.
At dumating na nga ang dakilang araw,
Sa nangaroroon ay nangingibabaw.
Pinakamataas naging karangalan,
Ligaya sa puso ay naguumapaw.
Pagdating sa bahay pinatawag siya,
Sa prebadong kwarto sila lang mag-ama.
Sa laki ng galak ay nagyakap sila,
At may iniabot ang butihing ama.
“Anak, sapagkat ikaw ay uliran,
Naging masunurin sa lahat ng bagay,
Ang bibliang ito’y aking binibigay,
Sanay basahin mo’t iyong maging gabay.”
Nanlaki ang mata ng anak mayaman,
Parang natulala at nagulumihanan.
Mandi’y nanginginig ang mga kalamnan,
Garalgal ang boses na kanyang tinuran:
“Limang taon ako na nagpakahirap,
lahat ng sabihin mo sa akin ay batas.
Alam mong isa lang ang aking pangarap,
Bakit biblia lang ang aking katapat?
At sabay talikod ng walang paalam,
Ang nabiglang ama ay hindi malaman,
Ano kaya itong naging kasalanan,
At ang anak niya’y may pinagtampuhan.
At mula nga noo’y di na sya nagbalik,
Tiniis ang ama sa isip winaglit.
Ni hindi sumulat wala ni gabanggit,
Kung saan nagtungo’t ano ang sinapit.
At ito ay labis na ipinagdamdam,
Ng amang iniwang nagaagam-agam.
Sa sama ng loob ng siya’y iwanan,
Katawa’y ginupo nitong karamdaman.
Sapagka’t mataas ang pinag-aralan,
Ang swerte sa kanya ay nagging magaan.
Agad umasenso ang kaniyang buhay,
Naging matagumpay sa kanyang larangan.
Kulimlim ang hapon waring nagbabadya,
Kalungkutang taglay nitong ala-ala.
Ang masayang kahapon nilang mag-ama,
Ay umuukilkil tuwing nagiisa.
Nakatitig siya sa may asotea,
Ng malaking bahay na pagawa niya.
Ng biglang dumating isang telegrama,
Na nagbabalitang ama ay patay na.
Agad ay sumugod sa dating tahanan,
Ang lumbay sa puso ay may kabigatan.
Malayo-layo rin ang pinanggalingan,
Luha’y walang patid habang naglalakbay.
Ang sama ng loob ay lalong sumidhi,
Di na ‘nya inabot ang amang lugami.
Parang isang batang nawalang kandili,
Sinusurot siya ng kaniyang budhi,
Ang dating silid na may ala-ala,
Huling pagninig nilang mag-ama.
Agad sya’y nagpunta at doo’y nakita,
Puno ng alabok ang isang biblia.
Kung anong itsura ng kanyang iwanan,
Ay ganoon pa rin ang kinalalagyan.
Ito’y dinamput nya’t kanyang hinawakan,
At napansin niyang may palatandaan.
Sa pahinang ito ay kanyang binuksan,
At sa mga berso’y kanyang natunghayan:
“Humingi ka at ika’y bibigyan,
ikaw ay kumatok, at ika’y bubuksan.”
“Kung ang anak mo ba’y gusto ng tinapay,
Sa kanya’y bato ba ang ‘yong ibibigay?”
Kung siya nama’y humingi ng isda,
Ibibigay ba’y ahas upang sya’y matuka?”
“Pagmasdan mo ang ibon sa parang,
Sila’y kumakain kahit di maglinang.”
Ang mga bulaklak, sari-saring kulay,
Kahit si Solomon ay di nabihisan.”
“Kung ang mga ito’y kanyang inaruga,
Ikaw pa kayang kanyang pinagpala?
Mahal ka ng Diyos na nagbigay buhay,
Lahat ng hiling mo sa ‘yoy ibibigay.”
At siyay nagisip sa mga nabasa,
Bakit kaya ito’y may tanda si ama,
Nangangahulugang ibig ipabasa,
Ng ang biblia’y iniaabot ‘nya.
Hindi pa rin niya gaanong masakyan,
Mga bersikulo’y anong kahulugan,
Ng sa pagbuklat nya’y may nakapang laman,
Sobreng nakaipit sa mga pagitan.
Ng buksan niya ito siya’y nanggilalas,
Luha’y namalisbis, sa mata’y tumagas.
Ang isip nya’t diwa ay gustong tumakas,
Sa surot ng budhing lalong umaantak.
At doon lamang niya ito napagtanto,
Ang ibig sabihin salita ng Guro.
Ang susi ng kotse na pinipintuhong,
Regalo ng ama ay hindi nabigo.
Mahal ka ng Diyos na nagbigay buhay,
Lahat ng hiling mo sa ‘yoy ibibigay.
Sa kanyang panahon at pamamaraan,
Wala kang gagawin kundi ang maghintay.
Halaw sa libro ng "Mga Tula ni Kaka" by ka Noel
XXIII MAY DALAWANG KAHON
Ako ay binigyan ng dalawang kahon,
Kaloob sa akin ng dakilang poon.
Isang kulay itim na may tagubilin,
Na ang isisilid ay mga panimdim.
Galit at pighati mga kabiguan,
At sama ng loob na walang batayan.
Ito ang ilagay at dapat ilaman,
Sa itim na kahong bigay na sisidlan.
At ang isang kahon nama’y ginintuan,
May tagubilin ding dapat na ilaman.
Ang mga tagumpay at kaligayahan,
Ang mga pag-ibig sa aki’y nanahan.
At ang tagubilin ay aking sinunod,
Sa itim na kahon aking ibinunsod,
Lahat ng pighati at sama ng loob,
Mga paglililo’y dito ibinukod.
At sa kahong ginto’y aking inilaman ,
Ang mga ligaya’t mga katuwaan.
Mga pagmamahal na aking binigay,
At aking tinanggap sa mga nagmahal.
At sa pagdaan ng maraming araw,
Ako’y may napansing hindi karaniwan.
Ang itim na kahong laging sinisidlan,
Ay di bumibigat at laging magaan.
Ako ay nagtaka’t aking siniyasat,
Kung bakit ang kahon ay di bumibigat.
Gayong kay dami ng ditoy nailagak,
Sa ilalim pala ay mayroong butas!
Hindi nakatiis aking itinanong,
Bakit po may butas ang itim na kahon?
Mapait na laman na aking kahapon,
Saan po napunta ang mga linggatong?
Ngumiti ang Diyos at siya’y nagbadya,
“Sinadya Kong butas ang kahon ng sala.
Upang ang pighati’y di na maalala,
Ang lahat ng ito’y sa Akin pumunta.”
At ang gintong kahong iyong pinagsidlan,
Ng mga tagumpay at kaligayahan,
Lagi mong buklatin at iyong bilangin,
Ang mga biyaya na galing sa Akin.”
Mula ng tanggapin mga kahong bigay,
Ay naging masaya itong aking buhay.
Lalo pa’t alam kong mga salang taglay,
Sa butas ng kahon ay mahihiwalay.
Pag dating ng gabi at bago humimbing,
Aking sinusunod kanyang tagubilin,
Ang mga biyaya na aking inangkin,
Hindi nalilimot na ito’y bilangin.
At ang gintong kaho’y lalong bumibigat,
Sa dami ng biyayang aking tinatanggap.
At kahit may dusang minsa’y nalalasap,
‘Di na napapansin pag labas sa butas.
At lahat nga tayo’y may dapat paglagyan,
Ng ating damdamin sa tamang sisidlan.
Subali’t madalas nakapanghihinayang,
Na ang mga ito’y nangakatiwangwang.
Mga kasawia’y ating kinikimkim,
At sinasarili sa mga puso natin.
Ang mga biyayang sa ati’y dumating,
Binabali’y wala’t ayaw pagyamanin.
Kung ang iyong kahon ng mga hilahil,
Ay di gumagaan sa mga panimdim,
Butas sa ilalim ay iyong suriin,
Baka natatakpan ng budhing maitim.
PAMANA
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio) February 20, 2006
Maraming kabundukan ang napapanot
Ang malalaking puno'y nasisimot
Tubig-ulan sa lupa ay nanunuot
Kulang ang ugat na sumisinghot
Labing-limang taon na ang nakakaraan
Ng itong Ormoc ay matabunan
Pagkapanot ng bundok ang dahilan
Na s'yangang nagdulot ng kalagiman
Maraming beses pang naulit
Ang mga trahedyang kapalit
Dahilan… pagkasira ng kalikasan
Mataas na kalupaa'y nag-guhuan
Alahoy…! mga magkakahoy
Pakinggan ang kaluluwang nanaghoy
Hindi pa nila oras ang pagkaluoy
Pero sa ilalim ng lupa nagsituloy
Ang pagguhong kalagim-lagim
Hinukay na katawa'y nakakarimarim
Nangalibing ng buhay sa ilalim
Malamig ang paligid nagdidilim
Mga tanawing nakakalungkot
Maraming tao ang nanghilakbot
Mga tulong labas-loob pang-abot
Sana nama'y walang mag-imbot
Kailan nga kaya mapipigilan?
Ang pagkawasak ng kalikasan?
Ng maginhawang kapaligiran?
At ng maberdeng kagandahan?
Ang kalikasan ay kayamanan
Pamana ng Makapangyarihan
Kaya nararapat pangalagaan
Ang pamana'y pahalagahan!
HINDI PUMATOK
By Aurel Cagahastian (Jeddah)
February 11, 2006
Binabaybay ang landas pauwi
Binibilang-tiktak ng bawat sandali
Napakabilis ng oras na napapawi
Rumaragasa ang hanging pauli-uli
Maraming sasakyan ang nakahinto
Lakad-tawid sa bawat kanto
Ang mga pasahero'y nagpapatintero
Nag-uunahan at nagkakagulo
Napakausok, mabaho't maingay
Ang nagkapikunan ay nagbabangay
Sa init ng mga ulo ay nagpatangay
Nakalaboso't natabas ang sungay
Naglalambat ang mga alikabok
Sa mga nagtitigasang buhok
Umaalimbukay, mabahong usok
Nakakasinok, nakakatigok
Maraming tao na ang napapagal
Sa mga dalahin, 'di na makatagal
Sa kahirapan ng buhay, natitigagal
Nakatatak, hindi na matanggal
Pagkaminsa'y nagtatago ang araw
Itong kadiliman ang natatanaw
Sagana sa lungkot na nakalitaw
Sa kahirapan ng buhay 'di makabitaw
Pilit sinasariwa ang pag-asa
Habang may luha't pagdurusa
Nagtutumibay ang pananalig
Gaganda pa rin ang daigdig
Ano nga ba'ng dapat ipamatok?
Sa kakambal na mga pagsubok?
Maraming sagabal sa bawat tibok
Sa pakikihamok na 'di pumatok?
SA IYO KATOTO, PAALAM!, Batang Patio
February 4, 2006
Maraming mga katoto ang ngayo'y lumuluha
Na s'ya ring mga kaibigang, hinatiran ng tuwa
Karamiha'y natulala, sa balitang nakakabigla
Dahilang tanging buhay, naglaho na sa bula
Dalawampu't-tatlong taon, ang matuling na nagdaan
Nitong huling magkita, sa mata't nag-kwentuhan
Panahong nangangarap, ng mga katuparan
Na mangibang-bansa, hanapin ang kapalaran
Maambong takip-silim, ng tayo'y maghiwalay
Patungong Maynila, abangan ng bus magbabantay
Hindi nalalaman, kung ano ba ang naghihintay
Sa gitnang-silangan, may panibagong buhay
Kumala-kalansing, ang kapiranggot na kusing
Diwang nalulumbay nagpipilit na gumising
Nakasukbit ang bag, sa kalumaa'y nagrurusing
Ang tanging kipkip, 'tong pangarap marating
Iyon na nga, ang huling-huling pagkikita
Hindi nagtagal, nagpunta ka sa Amerika
Nung una'y nagsusulatan, ngunit nagkatamaran
Hindi ko masabi, kung sinong may kasalanan
Mabilis lumipas, ang panahon ng kasibulan
Isang pagkakaibigang, maganda ang samahan
Katulad ng bigwas, ng alon sa karagatan
Minsa'y banayad, humahampas, hinahangaan
Sino bang katoto, ang madaling makakalimot?
Magandang pagkakaibigang, may lalim na naabot
T'wina'y katuwaan, halakhakan sa konting kibot
May natatawang kapit-bahay, may mga nayayamot
Ang lahat ng nagpasimula, ay mga nagwawakas
Anumang bagay sa mundo, lumilipas, kumukupas
Kung ang berdeng dahon, lumilitaw, humihiyas
Unti-unting nalalaon, bumibitaw, nalalagas
Bakit nga baga ang araw, sumisikat, lumulubog
Yumuyukod matandang puno, kahit ano ang tayog
Sa bawat pagliwanag, may katapat na pagdilim
Nagkukubli, naglilimlim nag-uulap ang panimdim
Ang lahat matatapos, magpapantay ang likod
Anuman ang tuos, sa ilalim ng lupa ang tukod
Walang nakakaalam kung ano nga ba ang tulos
Sa gulong ng palad, walang isa mang nakatatalos
Nagniningas ang kandila, unti-unting nauupos
Ang mga pigil na luha'y nagpipilit humulagpos
Paalam na kaibigan, ipinagdarasal ng lubos
Makamit katahimikan, sa piling ng Manunubos!
Dedicated to the loving memory of: Jesus "Achee" Navarro Lapitan
LUHA NG LANGIT SA PUSALI, Batang Patio
February 2, 2006
Doon po sa amin, ang langit madalas lumuha
Na 'di dapat ikalungkot at dapat pa ngang ikatuwa
Bawat patak ng ulan ay handog sa tigang na lupa
Nadidilig ang taniman at mga binhing nakapunla
O kaysarap ngang maggala sa ilalim ng ulanan
Mga bata'y takbuhan, walang tigil ang habulan
Naghihilahan ng tarapal, sa dahon ng gabi'y agawan
Walang tigil ang tawanan, mga lantay ang katuwaan
Kulog na dumadagundong, wari bagang kinakalog
Nabasang nakikisilong dun sa sulok nangangalog
Ulang tumitika-tikatik, sa mga bubungan pumipitik
Patak na papaltik-paltik, tumitilamsik, tumatalsik
Natatandaan ko pa noon ang ilog ay lumampos
Dahilan sa pagbuhos ng isang malakas na unos
Marami ang nabahala at mga nagsipaghangos
Napakalakas ng agos na sa ilog humuhulagpos
Pusali ng langit, s'yang turing sa aming bayan
Napapaligiran ng kabundukan at mga pataniman
Kulay berde ang mga kaingin at ang kabukiran
Maituturing na kayamanan na dapat pasalamatan
Gunita ng nakaraan sa munting bayang sinilangan
Masasayang karanasan sa kamusmusang nagdaan
Magbabakasaling mabalikan at maranasang muli
Ang mga patak ng ulan, luha ng langit sa pusali!
IGINUHIT SA LUHA, Batang Patio
February 1, 2006
Ang damdami'y namimitig, sa daigdig na walang pantig
Sa kawalan nakatitig, naghahagilap ng pahiwatig
Hanap nawalang karangalan na inagaw ng inampalan
Malaking kahangalan, sa mababang antas hinatulan
Saliwang-isip 'di maarok, matalim na titig tumutusok
Mapait na lasa'y nilulunok, hiningang-habol tumitighok
Igkas ng init humuhulas, angas ng diwang pumipiglas
Lakas ng singaw dumadaplas, langgas-pawis nadupilas
Madalas kitang tinatanaw sa malabong tubig inaaninaw
Mga pangitaing lumilitaw na sa mga ulap natutunaw
Isang multong malik-mata, kung ano-ano ang nakikita
Sa isipa'y nakapinta, kahit saang sulok magpunta!
Mga gunitang nangunguhit, tinta ng plumang gumuguhit
Pagkatulalang pumapalit, damdaming uhaw nangungulit
Lumang awiting dumadalit, pilit na tunog sumasal-it
Hatid ng hanging lumalapit, init at lamig pumapalit
Ang kalungkutang sakbibi, nagsusumiksik sa tabi
Dalahing pilit iwinawaksi, sa harap ng piping-saksi
Malupit na mundong natutulog, pusong windang nadudurog
Perlas ng luhang umimbulog, nagtigulong at nahulog
Hindi ako nalulungkot, nagkakamali ka ng akala
Ako lang ay natatakot, kapag sumobra ang saya
Kung labis daw sa kasayahan, napipigil ang letra
Lumalagpak, tumatatak kapag iginuhit sa luha!
DAPIT-HAPON SA DALAMPASIGAN
January 23, 2006
Tuwing dapit-hapon ay pinapasyalan
Paglubog nitong araw ang inaabatan
Minamasdan ang lawak ng karagatan
Kulay-abo't kahel ang dalampasigan
Matindi ang paghanga't pagkabighani
Kay ganda ng tanawing nakakabalani
Sa nadaramang tuwa'y walang pangimi
Itong baling-sasayaw, mangani-ngani
Salagintong buhanging kumikinang
Napakatiyaga ng hanging bumibilang
Nagduruyang kamalayang humahanga
Gumagala ang paninging namamangha
Hinahalikan ng buhangin ang mga paa
Matyagang nagtatampisaw sa aplaya
Pinagmamasdan ang bawat talsik ng alon
Humahampas-hampas, tumatalon-talon
Niyayakap ng mga ulap ang buwan
Kislapan ang mga bituin sa kawalan
Sa bawat pagkutitap nag-aagawan
Waring mga alitaptap sa kalawakan
Sa mabuhanging pasigan natatagpuan
Ang kadluan ng diwa't katahimikan
Saklob ng kalangitan ang kanlungan
Sa kalooba'y may dalang kaluwagan
Tumatakbo ang mga dalahing palayo
Nagsisidapo sa hanging dumadapyo
Siphayo'y nagsasabula't dagliang naglalaho
'Di na alintana ang kabihasnang malayo
Dalampasigang kanlungan ng panaginip
Kapag kapiling ka'y walang pagka-inip
Gumiginhawa ang pakiramdam ng isip
Ang mahiwagang kasiyaha'y hindi malirip!
http://www.friendster.com/profiles/batangpatio
Sa Pag-abot ng Bituin,
Amor Salceda Kagahastian
Enero 7, 2006
Kumikislap-kislap sa dilim ng gabi
Tila nanunukso, saka sinasabi
Halika nga rito, dito sa aking tabi
abutin mo anuman mangyari.
Sa aking pagtanaw doon sa kalawakan
Pagsapit ng gabi ako ay namamanglaw
Matayog na langit, mailap na tanglaw
Paano aabutin, kapos yaring kamay.
Ginawa kong hamon at isang patnubay
Pag-abot sa bituin pagdating ng araw
Ako ay mag-aaral, ako ay magsusuhay
Wastong kaalaman gagawing hagdanan.
Maraming balakid sa akin humarang
At maraming hirap ang pinagdaanan
Tingin ko sa bituin pagkakinang-kinang
Pagkahirap mandin itong mahawakan.
Habang tumataas ang pinag-aralan
Lalong umiilap itong kapalaran
Ang mithing bituin lalong tumataas
Malimit magtago sa likod ng ulap.
Nang inakala kong ako ay nagtagumpay
Hawak na sa kamay ang talang makinang
Bakit tila hungkag aking pakiramdam
Ang tuwa sa puso ay dagling naparam.
Paimbabaw lamang ang kaligayahan
Sapagkat naligaw, namali nang tanaw
Iba ang bituing hawak sa aking kamay
Ang tunay na tala ay ayun, naiwan.
Nakalimutan kong ang lalong makislap
Ay talang gumabay doon sa mga Pantas
Sa Puso ng Musmos doon nakalagak
Ang Tunay na Bituin na dala ay galak.
NILILOK NA PAGKATAO
December 27, 2005
Parating walang magawa
Natatanga't natutunganga
Sa kalangitan nakatingala
Malamlam na sulyap gumagala
Sa pintua'y nakatayukmod
Hinahagilap ang lugod
Tingin sa paligid humahagod
Inip ang isipang napapagod
Diwang nanonood ng pelikula
Sumusunod ang ala-ala
Hilahod na isipa'y tulala
Nalulunod na't nalulula
Magkakasangang mga landas
Landasing madawag, binagtas
Nag-umigting ang kuwerdas
Nagpupumiglas, lumiligtas
Landasing masukal kahapon
Maraming dugal ang natipon
Nagtututak ang himlayan
Sa tatak-piratang taguan
Patuloy ang agos ng batis
Dumadaloy, lumalabis
Pagkaminsa'y lumilibis
Lumilihis, namamalisbis
Patapos na naman ang taon
Lumilipas ang panahon
Panibagong pagkakataon
Di pa huli ang pag-ahon
Mga nililok na pagkatao
Ito'y sinusubok, pinipino
Nililiha ng karanasan
May magandang katapusan!
Masagana at Payapang 2006 sa lahat!! Mabuhay ang PAETE!!!
BIYAYA NG PASKO
December 24, 2005
Kapag pasko'y malayang nangangarap
Nang isang masaganang hinaharap
Matiwasay ang buhay na bubungad
Kapayapaan ng mundo, laging hangad
Sa tagumpay man o kabiguan
Sa kahirapan man o kasaganaan
Sa kaguluhan man o kapayapaan
Diwa nito'y ating masumpungan
Hiwaga ng pasko, sana'y magkabisa
Upang maging ganap, hindi mabilasa
Sa mga minimithi at mga ninanasa
Masaganang buhay, s'yang matamasa
Kasunod ng pasko ay ang bagong taon
May hatid na panibagong pagkakataon
Bagong pagharap sa bagong pananaw
Panibagong pag-asang 'di natutunaw
Maging isang buhay sanang sagisag
Sa pag-ibig ng Diyos tayo'y magtatag
Upang sa kasamaa'y maging kalasag
Walang pagkamaliw at pagkabasag
Ito nga marahil ang biyaya ng pasko
Taon-taon na lang, nangangarap tayo
SIYA'y papurihan at pasalamatan
Sa walang hanggang kadakilaan!
MALIGAYANG PASKO AT MASAGANANG BAGONG TAON SA LAHAT!!!
http://www.friendster.com/profiles/batangpatio (Isang paglingon, isang pagtanaw)
Amor S. Kagahastian
Unang araw ng Enero. 2006
Lumang taon ay lumisan upang bigyang-daan
Bagong taon na dumatal hintay ng sambayanan
Kahit puso ay akibat at tigib ng agam-agam
May saya at pag-asa sa malayo tinatanaw.
Sikaping maiwaksi ang pait ng kahapon
Ang mga sigalot sa limot ay ibaon
Pahirin ang luha, alisin ang lungkot
Sikaping itapon katuwirang baluktot.
Sa ating paglingon sa ating kahapon
Tiyaking ang sugat ay ganap nang hilom
Bawat pagkabigong sa puso'y nakuyom
Alpasang mabilis, sa hangin itapon.
Masasayang araw ay alalahanin
Ang gawang mabuti ay panatilihin
Pag-ibig sa kapuwa ay palaganapin
Pag-asa'y tanawin nang mayrong paggiliw.
Anumang hilahil ang dala ng mundo
Huwag mabagabag, huwag magpakalito
Pagkat mahal ng Diyos tayong Pilipino
Kahit naghihirap, babangon din tayo.
Bukas na darating ating salubungin
Ng masuyong ngiti, sabay ng dalangin
Diyos, aming pagsamo ay Inyo ngang dinggin
Kami ay tulungan, Inyong kalingain.
Sa bawat biyaya na ating makamit
Ating pasasalamat ay ipaulinig
Sumigaw, humiyaw o kaya'y umawit
Diyos ay dakila, Diyos ay pag-ibig!
Maganda ang bukas, maganda ang buhay
Sapagka't ito'y biyaya ng Maykapal
Umasa't maghintay na ang kabutihan
Sipag at pag-ibig , gagantimpalaan.
PASKO, MAGANDANG DAAN
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio) December 18, 2005
Ang simoy ng hangi'y malamig
Salimbayan ang paskong-himig
Na siyang lalong nagpapatingkad
Ng emosyong walang katulad
Panahong laging pinanabikan
Ng lumampas na kabataan
Ngunit ngayo'y bakit hungkag?
Hagilap sa sarili't inu-untag?
Ano ba talaga ang kailangan?
Upang madama ang kasiyahan?
Dapat bang basta na lang hayaan?
Na manaig ang kalungkutan?
Napakaraming mga katanungan
Ang naghihintay ng kasagutan
Ano nga bang mga katangian?
Na mayroon ang mayayaman?
Mga dalahi'y nagpapatigas ng puso
Habang nag-u-umalpas ang pasko
Patuloy ang taasan ng mga presyo
Gobyerno pa'y nangpe-pendeho
Napakaginhawa ng mga karaho
Habang si pobre'y panay-trabaho
Walang katapusan ang kalbaryo
Si Juan de la Cruz nagdidiliryo
Ano nga ba ang dapat gawin?
Upang mapalitan ang tanawin?
Sadyang napakahirap na isipin
Ang kasalatan at dalahin
Ano pa ma'y magpasalamat
Kahit na sa ginhawa ay salat
Napakarami pang mga biyaya
Sa ating harapa'y nakatihaya
Malinis na trabaho't propesyon
Mata-tatag na relasyon
Kahit pa may diskusyon
Silbi pa ring inspirasyon
May kayamanang kalusugan
Nananatiling malakas, nabubuhay
May mabubuting kaibigan
At marami pang ibang bagay
Diwa ng pasko'y nasa puso
Nasa damdamin ng mga tao
Kahit pa nga gaano katuso
Maraming mga arte't kapritso
Magandang daan ang kapaskuhan
Sa pagmamahalan, pagbibigayan
Sana'y matagpuan ang kasiyahan
Isang payapang mundo't sanlibutan!
BANAAG NG SINAG
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
December 14, 2005
Magmula sa pagkabata
Walang hilig magtumata
Wala namang mahihita
Sa paggawa ng mga muta
Kung magtumata ka't magising
Sa'ting mundong gumigiling
Walang katapusan ang paghiling
Nagkakatililing, nalalasing
Bilang pangkaraniwang tao
Marami tayong mga plano
Sa mga ganoon at ganito
Siguradong mararating ko
Nangangarap magtagumpay
Maginhawang pamumuhay
Maranasan magagandang bagay
Konkretong simpleng bahay
Maraming lumampas, naranasan
Hindi nangyaring kagustuhan
Nangliliit, pinanghihinaan
Nagpupumilit makiraan
Pagkaminsa'y nalulungkot
Ang kalooba'y nagkukukot
Sa daana'y susukot-sukot
Nanglalambot, natatakot
Naglalabuang transaksyon
Nahahayong walang direksyon
Nakukulambuang imahinasyon
Nakakulubong na destinasyon
Hinahanap ang sumpungan
Naghahagilap ng hugpungan
Tanging SIYA ang sumbungan
Sana'y masinagan at tulungan
Binibigkas ang katuparan
Pag-asa bukas sana'y dulutan
Banaag sa Panginoon ang sinag
Isang tanglaw na maliwanag!
MAHIRAP MAGHINTAY SA WALA
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
December 5, 2005
Sa lahat na parte ng katawan
Puso ang may katangahan
Napakahirap pagsabihan
Wala pa itong paninindigan
Napakahirap pang sawayin
Di ganun kadaling bolahin
Di mo pa pwedeng lokohin
Nungka pang ika'y dinggin
Ang mga tao daw, matatalino
Ngunit suko sa balintunang puso
Kapag umibig walang sinisino
Inililipad ng hangin ang pagkatuso
Pusong anong hirap sawayin
Sabihin mang 'wag, tuloy pa rin
Walang ginawa kundi magmahal
Sulimpat na damdamin nakasunghal
Mahirap talaga ang magmahal
Madalas maghintay ng matagal
Nakakangalay, nakakapanghal
Pobreng sakong halos mapunggal
Mahirap maghintay sa wala
Palinga-linga't tumitingala
Umaasang may magpapala
Mayroon nga kayang himala?
UNANG ARAW NG DISYEMBRE
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
December 1, 2005
Pumasok na ang buwan ng Disyembre
Si Sheba'y natutuwa't kinakalambre
Super-excited na po siya siempre
Sa handa kay beybi Gabriel na sobre
Napakaraming pinagkaka-abalahan
Ginagala niya ang mga pamilihan
Nakanganga ang kahong balikbayan
Damdami'y tigib ng kasiyahan
Sa loob ng isang buong-taon
Pasko ang masayang panahon
Kahit mga nasa liblib na nayon
Gayundin ang mga katuwaa't layon
Dakilang araw na pinanabikan
Bawat tahana'y nagagayakan
Waring kaligayaha'y may katiyakan
Sa damdamin ng sambayanan
Malamig ang simoy ng hangin
Diwa ng pasko'y nasa damdamin
Kayganda ng paligid sa paningin
Kayraming mga nais na gawin
Isang karanasang 'di matatawaran
Bawat puso'y tigib ng katuwaan
Sana'y mapuno ng katahimikan
Ang buong mundo't sanlibutan!
MUKHASIM
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
November 22, 2005
i
Nagsasalimbayan ang mga repleksyon
Nagugulumihanan sa balitang nakahayon
Papaano pa nga ba ang magagawa ngayon?
Nakamasid sa salamin mula ng magbangon
ii
Nananatiling nabubuhay sa pag-asa
Pagdating nitong umaga ay umaasa
Sa mga pagpapalang makakasapat
Sa daloy ng mga biyayang mapapatapat
iii
Walang-wala sa hinagap ang maglakbay
Kung may mga nakasakbat sa buhay
Mga tanim na tampo na 'di maglubay
Tumubo sa loob may buntot at sungay
iv
Ang mga kasalanan ay kasalanan
Di dapat bigyan ng mga katuwiran
May hatid-dilim sa kinabukasan
Huwag magtaka kung nahihirapan
v
Nakakatatag nga ba ang pagsubok?
Sa kadluan ng buhay na sinasalok?
Nakakatibay nga ba't nakakalubag?
Sa katawang-lupang naduduwag?
vi Walang humpay ang bira ng unos
Hampas sa dibdib na nangangalunos
Uma-asa sa dating ng payapang pag-unos
Pasasaan nga ba't makaka-ungos
vii
Hinahagod ng tingin ang salamin
Napapagod ang mukhang may asin
Emosyong hinihila ng mukhang maasim
Sa sarili'y nangdiri ng pakasipatin
viii
Ngiii! Ay anong sagwa nga pala
Kaya praktis na emote ay tigilan ko na
Gusot-gusot na mukhang napakasama
Pobreng salami'y halos mabasag, nagsawa!
PASKO ARAW-ARAW?
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
November 30, 2005
Itinatanong ko sa aking sarili
Sapagkat hindi makapagmarali
Marami sa kahirapa'y nananatili
Maginhawang buhay hindi mapili
Ano nga baga ang kahulugan?
Nitong sasapit na kapaskuhan?
Ano nga baga ang tunay na diwa?
At ano ang ating magagawa?
Napakasarap nga sigurong mabuhay
Kung nakararami ang mapagbigay
Kahirapa'y may alalay at suhay
Sa kapangyariha'y 'di nagbabangay
May iba't ibang kahulugan ang Pasko
Sa bawat diwa't isipan ng tao
Wagas na pagmamahalan ang ugat
Kung saan ang mga pinoy nagmulat
Maraming kahulugan ang paskong nilumot
Ang mga iba'y nangabaon na sa limot
Walang magawa'y naiwang nagkakamot
Ang iba'y nagmamadali't nagkukumamot
Sa tag-hirap na makabagong panahon
Modernong teknolohiyang mapanglamon
Masasamang bisyong mapang-gumon
Napakaraming tao ang 'di maka-ahon
Nakararami ang mga 'di kuntento
Sa halos lahat ng bagay, mga aspeto
Palaging kulang, hindi makumpleto
Sa pag-aagawan 'di magkandatuto
Masasabi pa kayang pasko araw-araw?
Kung ang kahirapa'y nagtutungayaw?
Kabulukan ng gobyerno'y umaalingasaw
Umaalingawngaw na bangaw at langaw!
HIWAGA'T MAHIKA NG PASKO
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
November 29, 2005
Nadarama na ang kapaskuhan
Kahit na nasa malayong bayan
Bitin ma'y naliligayahan
Puso'y tigib ng katuwaan
Katangi-tanging panahon
Sa loob ng buong-taon
Ang hangad ay kapayapaan
At kagandahan ng kalooban
Sa isipa'y 'di nawawala
Mga minamahal at kakilala
Siguradong ang lahat ay abala
Sa kanya-kanyang paghahanda
Nagagayakang krismas-tri
Kabi-kabila ang mga parti
Gumigising sa simbang-gabi
May ngiti sa labing bumabati
Nagkikislapang mga ilaw
Makukulay na parol nakadungaw
Katuwaang ayaw magsibitaw
Sa mga batang makutawtaw
May mga nagkakaroling
Kung saan-saan sumusuling
Mainit na tsaa at bibingka
Puto-bumbong makikita
Sa kalagitnaan ng pagdarahop
Isinilang ang mananakop
Sa isang abang sabsaban
Tanglaw tala ng sanlibutan
Punong-puno ng pag-asam
Kahit may pangamba't agam-agam
Isang masaganang bagong taon
Ang kahilingan sa Poon.
Katiwasayan ng kalooban
Malayo sa krisis, mga kaguluhan
Mga kaibigang tapat, maaasahan
Sana'y biyayaan lahat ng kasaganaan
Pawiin ang makulit na alalahanin
Kalimutan muna ang mga suliranin
Hiwaga't mahika ng pasko ay damhin
Mga problema'y 'wag munang gambalain!
LUNGGATING IDINUDUYAN
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
November 28, 2005
Nanatili sa mababang kalagayan
Di sumusuko sa kapalaran
Sa bawat likod ng mga kabiguan
Hanap ang tagumpay sa bawat daan
Matuling lumipas ang mga araw
May gumugurlis na balaraw
Pag-asang lumulubog-lumilitaw
Palutang-lutang na palitaw
Minsa'y nabubusalan ang bibig
Hindi maibulalas ang ibig
Halos ikaiyak ang ambon
Sa gitna ng halakhak tumabon
Madalas matangay ng guni-guni
Sa diwa'y nakasilip humuhuni
Mataman ang pagmumuni
Ano nga baga ang naani?
Nalulungkot, nagduduyan
Sa mga gunitang salimbayan
Mga pangitaing nagkakawayan
Mga nakaraang pinag-awayan
Alam ng marami na bungisngis
Mababaw ang ligaya't malangis
Nasa likod ng ulap ang panangis
Animo'y payaso ang kawangis
Nalalaglag ang mga dahon
Matuling maglayag ang panahon
Nagpupumitlag, umaahon
Magpakatatag ng mahinahon
Sa mga lunggating idinuduyan
Kalungkuta'y walang karapatan
Ilibing, takpan ng kaligayahan
'wag mangalumbaba't maguluhan!
ALAMAT NG PANGARAP
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
September 27, 2005
Isang mapangarapin ang naglagalag
Nagbilang ng bituin kahit maliwanag
Sa bigwas ng kahirapa'y 'di papayag
Matinding pag-asa ang nababanaag
Nagsimulang mangarap nang disasais
Nakamaang ang mga as-is at barnis
Humahagis na alikaging lumalabis
Gumigiyagis ang pugong nagti-titis
Naghabol maging sa mga kalendaryo
Naggalugad sa lahat ng mga diyaryo
Bawat sulok ng kagubata'y dinarayo
'Di inalintana ang taas ng kalbaryo
Maano bang mabingit sa tagulaylay
Kung oyayi ng pangarap mabubuhay
Umaasang maalwang bukas babatis
Magbubunga din ang pagtitiis
Pinitis na sikmurang naka-impis
Pinagkasyang lukbutang manipis
Pangarap na nauwi lang sa hinagpis
Napahagis ang nakabaong pagtitiis
Napakalamig ng simoy na sumaboy
Ang nais paghanduga'y nangaluoy
Doon sa huling hantungan nagsituloy
Papaano pa nga ba magpapatuloy?
Maginaw na mundong nagdidilim
Nagunaw na pananaw napailalim
Bakit kaydali namang nagsipanaw?
Nasaan na ang haligi't ilaw?
Pinatimbuwang ang lumang takot
Naglakas-loob na maghakot
Mas malungkot nga ang lungkot
Mga patak ng luha'y pinutot
Pangarap na lumayo't lumipad
Naghihintay ang pintuan ng siyudad
Panulat na nagsiwalat ng alamat
Nagdudumilat ang mga lamat
Nakayakap ngayon sa panghihinayang
Bukod sa pagsisising walang hanggan
Matutuyo din ang katawa't mababaog
Alamat ng pangarap na 'di naihandog!
TABINGING TIMBANGAN
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
September 21, 2005
Isang anay ang kasinungalingan
Na sumisira sa anumang ugnayan
Magsinungaling ka lamang minsan
Hindi na muling paniniwalaan
Kayrami ng nagkasirang relasyon
Nagkahiwa-hiwalay na mga unyon
Mga pagsasamahang nagrebolusyon
At pagmamahalang nagkombulsyon
Mga pakitang paluhod-luhod
Halos magasgas na si gulugod
Papuring mga awit ang kasunod
Sa kasinungalingan naman nalulunod
Maraming tao ang naloloko
Kahit pa ang mga bilmoko
Kasinungalingang inilalako
Mga pangakong napapako
Tabinging timbangan ng katarungan
Katotohanang tinalupa't hinubaran
Ang bulag nakisama sa karamihan
Habang ang bingi'y nakipagtawanan
Nagkawatak-watak ang mauutak
Habang kapalpaka'y pumapalatak
Napakalagapak ng pagpatak
Paghihinayang ang natatak!
HALAKHAK SA TABI NG BAKOD
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
August 28, 2005
Sa tuwing umaga'y madalas naglalakad
Habang ang pagsikat namumukadkad
Magkasangang landas ang nabubuglawan
Ang mga mukhat tanawi'y pangkaraniwan
Nakasilip ang pag-asa sa twing umaga
Nakalakip ang halik at buntong-hininga
Matimyas ang pulot, maantak ang kirot
Ligaya ang dulot, minsay nalalapirot
Mga lagas na dahong naipon sa sulok
Walis na ginamit dooy nakaluklok
Ang ibay inihagis ng hanging mapusok
Nilalaro-laro kung saan-saan natusok
Dahon ng makahiyang nakatihaya
Pagka di nakikitay nagpaparaya
Huwag kakantiin at di mo madadaya
Agarang tumitikom, parang nanunuya
Ang halaman doo'y mga nakayungyong
Mabubulaklak na animo'y mga payong
Ang mabugsong hanging paurong-sulong
Sa guwang na damdamiy nakakatulong
Madalas hinahabol sa landas ng pag-iisa
Tumatambol-tambol sa mundong nabalisa
Nananaghilit walang maipagmamalaki
Nagkamali-mali, sinisisi ang sarili
Saklot ng damdaming nagsasapot
Nakasingit mga takot na sumusulpot
Sinusulit ang kinitang kakarampot
Pasuling-suling, baka makadampot
Sa bawat mga saglit na nawawaglit
Nakakatuklas ng mga pagka-inggit
Sa mga pag-idlip, dooy nakasilip
Hindi na maisip, walang kahulilip
Ang mga pangambay sumasalakay
Sa takbo ng buhay na nakasaklay
Nanunulay sa tulay na mabuway
Kulay na mapusyaw, walang kabuhay-buhay
Isang multong nananakot ang taglagas
Maruruming kamay na di naghugas
Nawalat nabubot ang panghimagas
Pagsasamang naluoy at nagkapingas
Ang mga halakhak sa tabi ng bakod
Kalungkutat ligayay magkakabukod
Dooy nagsitulak, dooy pinagbuklod
Darating panahong hihina ang tuhod
Ang matining na boses ay gagaralgal
Mangunguluntoy ang balat na nakatigagal
Maghahagilap mga kamay na napapagal
Lilipas ang lahat at hindi magtatagal
ANG DAPAT NA PAG-IPUNAN
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
August 29, 2005
May isang nilalang na matamang nag-iisip
Nakakaramdam ng kahungkagang di malirip
Sakbibi ng damdaming hindi maipaliwanag
Nalalabuan ng isipan, naghahanap ng liwanag
Ang mga nilulunggatiy narating ng maluwalhati
Ngunit isipay gulong-gulo, nagtatalot nahahati
Nangangapa, naghahanap, ano pa ba ang kulang?
Samantalang yumaman at sa ibay nakalamang?
Nagtagumpay at narating ang mga pangarap
Halos lahat ng hinahanap nandoon na sa harap
Kahit ano ang kailangan, dagliang nagaganap
Ngunit di masiyahan, naghahanap pa ng lingap
Hindi matagpuan ang kapayapaan ng kalooban
Pinagsasawaan nasa harapang kayamanan
Kasaganaang lumalabis ay wala ng paglagyan
Namumuwalang manika na walang kasiyahan
Nakamit ng lahat mga bagay na materyal
Nakaligtaan naman ang buhay na espirituwal
Wala ngang halaga ang kayamanang natipon
Kung dukha naman sa harap ng Panginoon
Wala nga sa yaman ang tunay na kaligayahan
Kapayapaan sa itaas di rin dito matatagpuan
Nasa pananampalataya ang tunay na kasiyahan
Pagpapala ng Maylalang ang dapat na pag-ipunan!
ANG MATA
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
August 23, 2005
Bansang nakakadismaya, maraming naglalayasan
Nagnanais na matakasan ang mga kaguluhan
Mga presyong nagtataasan mahirap ng abutan
Opisyales ng bansa, kayamanay pinagnanasaan
Dagsa-dagsang mga pinoy, patuloy na umaalis
Itong paghihirap sa buhay pilit na pinapalis
Nagpasyang maglakbay upang guminhawa
Maalwang bukas ang hangad sa iniwang pamilya
Mundong kinulayan puno ng kasinungalingan
Walang kapanatagan tigib ng kaguluhan
Maraming pumipili sa ibang bansa mandayuhan
Mga ibong nagliliparan ang hanap kapalaran
Mga bulaklak may natutuyo kagaya ng halaman
Parang bungkos ng pananim, binunot sa taniman
Sa patuloy na pananaig nitong mga kasamaan
Ito may matutuyo at mayroong katapusan
Winawasak ng Panginoon ang buhay ng malalakas
Kapag Siya ang kumilos, kasamaay magwawakas
Walang makakatakas at walang makakaligtas
Matatalas na mga mata ang sa atiy nagmamalas
PANAGINIP(2)
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
September 3, 2005
Ang orasang tumiktak hindi ay na mapigilan
Pagal na kataway dahan-dahang napipilan
Pumailanglang na diway tuluyang naglakbay
Umilandang, pumaimbulog at itoy natangay
Palutang-lutang, pakiramdam ay napakagaan
Tanging kaligayahan ang syang naramdaman
Paligid na napapalibutan ng mga kagandahan
Lantay na kulay asul ang tanging nakapag-itan
Pantay na walang kaulap-ulap ang kalangitan
Walang hangganan ang kalsadat mga daan
Damang-dama sa paligid ang kahiwagaan
Di maipaliwanag, magkakahalong naramdaman
Nabiglang naglalakad sa paligid na maliwanag
Wala namang araw na nagbibigay ng sinag
Magandang paligid na puno ng mga bulaklak
Sari-saring mga kulay na naghahatid ng galak
Ang kapaligiray nababakuran ng mga hiyas
Napakaputi ng pintuan na animoy isang perlas
Natitigib ang paligid ng matatamis na awitan
Nakakasilaw ang liwanag na di kayang titigan
Biglay gumulong, doon sa sahig nagkalabog
Kasabay ang cellpong napakalakas ng tunog
Hindi narinig ang alarma sa sarap ng tulog
Drayber na sundo, nasa pintot nagdadabog
Ang mga nasaksihay isang malaking palaisipan
Kung yun ang kamatayay di pala dapat katakutan
Magkakahalo ang nadama na batbat ng kasiyahan
Ako yatay nakalabit, upang itoy paghandaan!
HUWAG MAGPAKULELAT
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
July 24, 2005
Ano nga baga ang mas nakakagulat?
Maliban sa magandang sikat ng araw?
Hindi natin pansin sa unang pagdilat;
Na siyang nagaganap sa araw-araw?
Bughaw na langit, abot ng tanaw
Busilak na ulap na kay linaw
Sa unang pagsikat ng haring araw
Kayganda ng umagang pumapandaw
Ang mainit na sikat ay ating damhin
Pakinggan bawat bulong nitong hangin
Igala sa magandang paligid ang paningin
Di ba itoy nakamamanghang isipin?
Sa bawat liwanag ng kanyang sinag
Panibagong pag-asa ang mababanaag
Mga dalahin sa dibdib ay magluluwag
Kayat harapin natin ng walang liwag
Panibagong araw, panibagong laban
Bagong pag-asa ang kahulugan
Nagbubukas ng mga posibilidad
Na sumusubok sa mga abilidad
Bukang-liwayway na nagdudumilat
Buklat ng bagong pag-asa sa lahat
Pag-asang nasulat sa buhay na salat
Wag ng magpa-eklat, para di makulelat!
PANANGIS SA DISYERTO
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
September 3, 2005
Minsay hindi na makita ang liwanag
Maraming bagay ang di maipaliwang
Buwan, bituin nawawalan ng tanglaw
At nalulunod sa dagat na mapanglaw
Magkakasunod ang mga pagsubok
Walang katapusang pakikihamok
Kinakalawang na ang talim ng gulok
Nabubulok ang lukbutang magapok
Nakatagong panangis sa disyerto
Hagupit ng hanging nagkonsiyerto
Ang mga buhangiy paruot parito
Mga alikabok na hindi natuto
Hinahahaplit at hinahagupit
Ng mundong minsay napakalupit
Sa matatalim nangungunyapit
Kahit ano pa ang mga sumapit
Ang halakhak ay namumukod
Patak ng luha ang naka-ayukod
Ang mga panagis na nakatalikod
Pilit na ibinaon sa likod ng tukod
Kinabukasang nagdadalamhati
Igkas ng katawang magkakahati
Magkakaiba ang mga lunggati
May mga nagtatago ng mga ngiti
Natutuyo na ang bukal ng langis
Kalangitay patuloy ang panangis
Paliit-paliit na ang daigdig
Inosenteng dugo ang nadidilig!
PITLAG NG PANAMBITAN
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
September 5, 2005
Nais kong bugkalin ang kalansay sa apog
Mga limot na gunitang sa lumot nalubog
Piraso ng ala-alang sa ginto ay natubog
Panahon ng pagtaas at mga paglubog
Ang paglalagalag sa kagubatan ng lungsod
Makipagsapalaran syang tanging nagbunsod
Napahiwalay sa mga kakabit ng pusod
Nadapat nagbangon sa pagkakatisod
Pikit-matang nilakad ang mga lansangan
Kipkip ang pangarap na tanging tangan
Sa hirap na dinanas walang pakundangan
Mga patak ng ulat amboy nilapastangan
Pakikipagsapalarang hinugot sa alabok
Paglalagalag na kumain ng mga alikabok
Nakilahok at ang hagdanay tinumbok
Nakihamok sa bigwas ng mga pagsubok
Nagpupumitlag na mga panambitan
Mga oyaying sa ulap nagsisiduyan
Pumipitik ang pantig ng nakaraan
Tumilamsik, nagtumalsik, nagbabalikan
Ilang taon na nga ba ang nakakaraan?
Ang huling panahon ng pakikiraan?
Mga ulilang lansangang pinagdaanan
Gunitang kailanpamay di malilimutan
Silbing memoryal ka ng mga ala-ala
Lalaging kapiling ka sa tuwi-tuwina
Sa bawat pintig ng talinghagang nakintal
Pitlag ng panambitan ang laging inuusal!
KAPALARAN
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
August 27, 2005
Habang nag-iisat nagbubulay-bulay
Si Rico Puno itong nahalukay
Awiting 'Kapalaran' umalimbukay
Matinding emosyong nangtatangay
Ang bawat isang katauhan
May magkakaibang kapalaran
Mayroong napanghahawakan
Ang mga ibay napapakawalan
Nasa sinapupunan pa lamang
May kapalaran ng nakaabang
Isang kapalarang nakasulat
Doon na tayo magmumulat
Ang kapalarang hinahanap
Pagkaminsay napakailap
Kung di naman hinahagilap
Nandun sa harap nakairap
Sa buhay na walang-wala
Nagtataglay ng mga bula
Walang malay na simula
Nanunulay, nanghuhula
May naghimatong na mangisda
Upang sa bukas makahanda
Sa mga daluyong namalakaya
Nagpadala sa agos, nagparaya
Sa masamang bisyoy naligaw
Madilim na kwebang nakiagaw
Nagpatangay, nagtampisaw
Sa buhay na uma-alingasaw
Lumimlim sa ilalim ng dilim
Nakatiim malalim na lihim
Napakadilim na kulay itim
Nakakarimarim, nangingitim
Mga pagkakamaling binalikan
Nagtumbaling mga katwiran
Nakatabing na katotohanan
Natutuklasan, nag-aaklasan
Magkakasalisi, magkakataliwas
Mga paniwalang nanggilalas
Sa mga nakikitat namamalas
Pilit na lumalayot umiiwas
Sadyang mahiwaga ang buhay
Isang napakahabang tagulaylay
Kinakailangang magbanyuhay
Sa sinasagupang paglalakbay
Hindi pa nga huli ang lahat
Upang damdamiy isambulat
Mga pagkakamaliy isiwalat
Mag-ulat, muling magmulat!
PAGHAHANGAD
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
August 24, 2005
Naghahangad ng kagitna
Isang salop ang nawala
Ang matandang kasabihan
Sa mga walang kasiyahan
Sa sobrang paghahangad
Diskuntentong nakabungad
Mas malaki ang mawawala
Sa mga walang paniwala
Mayroon nay di pa kuntento
Walang maghusto sa gusto
Namimilipit sa paghigit
Ngitngit sa kapwat naiinggit
Kaskas bawat minutot oras
Kadalasang kumakaripas
Paspas ang sariliy hampas
Nangungupas ang antipas
Hindi nga nakapagtataka
Kung bakit hindi maligaya
Walang parayat pagkasiya
Di masiyahan di magkasya
Ang mga makinay nasisira
Nagsasarat nagbabara
Ang mga bantog lumulubog
Kumakalabog, nahuhulog
Sa paghahangad ng labis
Nagsabulang namalisbis
Nasirang katawang nahapis
Dun sa hukay naghinagpis!
UGONG NG BUKAS
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
August 21, 2005
Naguguluhan, kulang sa karunungan
Dapat na malaman ang kahulugan
Tunay na pag-ibig, hindi nalalaman
Hindi ikinatutuwa ang kasamaan
Madayang damdaming mapamihag
Masalimuot na buslot, isang bitag
Napapabagsak anumang bagay
Kahit ang matigas at matitibay
Ang pinakamabangis napapaamo
Lalo kung nagiyagis ng timo
Madayang damdaming makamundo
Mapanglilong kaway ng tukso
Marami na ang mga bumagsak
Natangay ng mga kiyaw at indak
Marangyang luhot kalansing ng pilak
Sa ugong ng bukas di nasindak
Pumaimbulog sa pagkahulog
Doon nag-uminog, wala ng tulog
Kaluluwat kataway kumakalog
Sa kaway ng tuksong nakadulog
Lahat sa sanlibutay mapaparam
Tangay lahat ng kinahumalingan
May signos nat mga paramdam
Huminto kat iyong titigan!
MABUTI PANG MAMUNDOK
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
August 21, 2005
Masyado ng kapansin-pansin
Kahit saan maghagis ng tingin
Punong-puno ang kapaligiran
Lahat ng bagay nagsisiksikan
Kapaligirang napaka-ingay
Maruming hangin ang tangay
Sari-saring tunog, nagbabangay
Katawat isipay lumulungayngay
Mga tunog na nag-aagawan
May mga taong nagsisigawan
Mga sasakyang nagbubusinahan
Ang mga cellphone nagtutunugan
Halos wala ng katahimikan
Dito sating sandaigdigan
Ligid ng mga kaguluhan
At mga tagong kabulukan
Umaalimbukay ang alikabok
Nananatili sa mga sulok
Mabuti pa yatang mamundok
Ng ang buhay duy masubok
Teka! Akoy nagbibiro lamang
Huwag mo agad katitigan
Sa kareray ayaw magpalamang
Upang bukas may sandigan
Nais ko lamang pasyalan
Ang natitira pang kalikasan
Kung saan may katahimikan
Ang hangiy may kalinisan
Sa kapaligirang mabeberde
Ang kataway di mapeperde
Sariwang hangin, malalanghap
Lusog ng katawan, matatanggap!
SA BAWAT ARAW
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
August 21, 2005
Sa umagay nagbubukang-liwayway
Paglaganap nitong sinag liway-liway
Sa liwanag na naka-wagayway
Pumupunit ang ngiting sumisilay
Sa bawat pagsikat ng araw
May bagong pag-asang lumilitaw
Tulog na damdamiy napupukaw
Sa mga sinag na bumibitaw
Ang mga iboy nag-aawitan
Sal-it-sal-itan, nagliliparan
Sa mga sangay palipat-lipat
Itong kasiyahan ang nasisipat
Mga nakaabang na pusang gala
Nag-ngingiyawan sa simula
Tirahat pagkain silay wala
Sa tapat ng pintoy nakatingala
Maraming bagay ang naiisip
Sa puwang ng diway nakasilip
Dala-dala hanggang pag-idlip
Ang mga ibay di malirip
Sanay manatiling magaan
Walang anumang karamdaman
Lahat ng pagsubok malampasan
Anumang kabigat makayanan
Marami sanang mga sulat
Magaganda ang nakasulat
Walang bayaring nakakagulat
Sa mga e-mail na didilat
Wala sanang alalahanin
Na magdadala ng isipin
Sa mga salita at gawa
Manatiling may ligayat tuwa
Sa bawat araw magpasalamat
Mula sa paggising at pagdilat
Laman ng damdamiy isiwalat
Sa mga kautusang nakasulat!
HINDI NA MAINTINDIHAN
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
July 26, 2005
Malapit ng lumubog ang araw
Ang buhangi'y napakasingaw
May kahabaan ang nilalakad
Doon sa kaparangan napadpad
Nag-iisang naupo sa disyerto
Dun sa maburol nakapwesto
Malakas ang hihip ng hangin
Humahampas sa buhangin
Hinubad ang gomang sapatos
Sa kalalakad nagkapaltos
Sumalpak na parang bata
Habang mga matay gumagala
Bumubulong ang dapyo ng hangin
Nilalalaro ang mga buhangin
Nagkakahugis ng paikot
Habang diway naglilikot
Napakagandang pagmasdan
Ng mala-gintong buhanginan
Nangagkalat sa kaparangan
Abot-tanaw ang kalangitan
Napakasarap pakiramdaman
Buhay ng walang kamuwangan
Libre sa mga alalahanin
Walang makulit na suliranin
Kalangitang sakdal-rikit
Kabila namay nakangiwit
Pagkaminsay malupit
Sigwada ang lumalapit
Pagsapit nitong takipsilim
Mabilis ang pagkalat ng dilim
Naglalabasan ang mga bituin
Na di naman kayang abutin
Pagmasdan mot nagdidilim
Hatid ng pusong naninimdim
Sa mga ngitiy wag maniwala
Nagtatago ang mga luha
Hay! Ang buhay nga naman
Hindi ko na talaga maintindihan
Minsay may hatid kaligayahan
Pagkaminsay kabaliktaran!
MAGPASALAMAT
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
August 9, 2005
May problema ka ba ngayon, kaibigan?
Kung mayroon, huwag umasa lamang
Sa sariling lakas, sayong karunungan
Kundi harapin, hanapan ng mga kulang
Minsay mahirap hanapin ang kalutasan
Ng nga bagay-bagay, mga alinlangan
Ngunit maaari naman itong malusutan
Lahat ng bagay mayroong kalunasan
Pagyukoy di kahulugan ng pagkatalo
Di nakakapinsala ang pagyuko ng ulo
Kahit anong lakas, pagdating ng bagyo
Nagtutumibay, pundasyong nakatayo
Di lahat ng bagay, makukuha sa lakas
Walang pagkanatili, itoy nagwawakas
Upang mahanap ang magandang bukas
Sa KANYAy dumulog at magbigkas
Anuman ang dumating magpasalamat
Lahat ng mga nilalaman ay isiwalat
Sa mga pagbagyo, pagbahat tag-salat
May panibagong araw na muling didilat
Nabubuhay tayo sa magulong daigdig
Huwag tayong magpadalat magpadaig
Bastat tibayan lamang ang pananalig
Pasasaan bat ang lahat, madidinig!
MARKA
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
July 24, 2005
Ano kayang mananatiling buhay sa ala-ala
Kapag sa ibabaw ng mundoy wala na
Mga bagay na kailanmay di mabubura
Mga markang naiwan nung nabubuhay pa?
Makikilala mo ang isang tao sa pananalita
Sa ikinikilos, sa mga bagay na ginagawa
Malalaman mo kung siyay tapat nga
Bagay na makikita kahit sa mga bata
Mga materyal na bagay ay balewala
Naglalaho ang lahat, mistulang bula
Malilimot ang magagardong bagay
Sa huling hantungay di matatangay
Ano kaya sa palagay mo kaibigan?
Kung wala ka na, anong pag-uusapan?
Ito kayay ang naiwang kayamanan?
O magandang bagay na ginampanan?
Mabubuting ginaway di namamatay
Ginampanang papel nung nabubuhay
Mga naiwang marka ang magugunita
Walang kamatayang magandang ala-ala!
DAGOK
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
August 7, 2005
Nagsasariling sikap, putol-putol ang pangarap
Ang haring araw nakairap, nakatalukbong ng ulap
Nagising na isang dukha, may malamlam na mukha
Kakalam-kalam ang sikmura, may tampiping inalimura
Dugo kailangan ng dugo, humahangos ang sugo
Kabog ng dibdib sumasago, pagsubok na panibago
May karamdaman ang ilaw, pagamutan ng Pasig
dinalaw Kailangang maoperahan, naiiwang tanging paraan
Ang isipay naglilikot, lahat ng red cross inikot
Tuyot na labiy kumikibot, abot ang dasal at takot
Kahit papanoy nakalikom, kibot ng labiy natikom
Kaunti ang baryang nakuyom, bigat ng pighatiy naluom
Ang haliging umaamot, naghahanap ng gamot
Sa bangketay humandusay, nasa tabi ng sinsay
Sa kapitolyo ng Laguna, maraming taong naglipana
Hindi yata alintana, kahit ang taoy mangisay pa
Butit may nakakilala, may taga-Payteng nakakita
Katawan ng haligiy nadale, itong puso umatake
Magkasabay na naratay, may inakay na walang malay
Ano pa kayang mahihintay, sa isang buhay na matamlay?
Mumunting tanging pugad, kung saan namukadkad
Natuluyang nabubo, pinulot sa lupa, gumuho!
KAGANDAHAN NG KALIKASAN
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
July 30, 2005
Ang kagandahan ng kalikasan
Napakagandang pagmasdan
Naghahatid ng kasiyahan
Nakakawala ng kalungkutan
Mga tanawing nakakahumaling
Matinding tuway syang kapiling
Kahit saan pa bumaling-baling
Makakalimutan na ang humiling
Mga punong kapansin- pansin
Itong sa kapaligiray lumilimlim
Malamig ang simoy ng hangin
Nakalalawig ng panimdim
Lilim na silbing kanlungan
Napakasarap na pahingahan
Kung masusing pagmamasdan
May dala-dalang kahiwagaan
May mga ibong nagliliparan
Mabeberdeng kapaligiran
Kaparangang bulaklakan
Abot-tanaw na kalawakan
Masarap maugnay sa kalikasan
Markadong mga karanasan
Sa malamig na ilog at batisan
Mapabundok mat dalampasigan
Naghahatid ng inspirasyon
Kung anuman ang nilalayon
Nakakawala ng pagkabagot
Ang katuwaa'y 'di malagot
Wala na sanang pagkalipas
Natatanging gandang likas
Panahon may nag-uumalpas
Nagpupumiglas, kumakaripas!
LARAWAN NG BUHAY
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
August 2, 2005
Makukulay na mga disenyo
Ang binubuo ng mga henyo
Parang buhay na isinalarawan
Ang mga kulay naggagandahan
Ang mga telang burdado
May mariringal na disenyo
Di ginawa ng mga apurado
Na 'di ginagamit ang talino
Mga kulay na kabigha-bighani
Sari-saring pinagtagni-tagni
Pira-pirasong mga salamin
Sakdal-ganda sa paningin
Pinagtagni-tagning layunin
Pinagdikit-dikit na salamin
Kahulugay makabuluhan
Nasa bintana ng simbahan
Ibat-ibang kulay ang inihahatid
Sating buhay ang ipinababatid
Kapag nasinagan na nitong araw
Taglay na kagandahay lumilitaw
Nakakabuo ng mga ilusyon
Kung saan-saan nakakahayon
Magkakaiba ang mga kundisyon
Sa mga edukasyon at bokasyon
Ang mundoy kailangan ng kulay
Nagsisilbing larawan ng buhay
Walang kwenta kung matamlay
Animoy maputlang nasa hukay
Ang mahalagay maramdaman
Pagpapahalagat pagmamahalan
Ating paligiran ng mga kulay
Ang isinasalarawan nitong buhay!
HIGIT PA SA GINTO
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
July 13, 2005
Pakikipagkaibigan ng tapat
Walang halagang katapat
Kahit pa ginto ang itapat
Hindi ito sasapat
Ang ginto ay malamig
Hindi mo ito maririnig
Wala itong buhay
Hindi nakikiramay
Wala syang kakayahan
Upang makipagsayahan
Hindi nakikipagtawanan
Hindi ka maiintindihan
Kaya ang aking usal
Walang pagkatanggal
Pagsasamay magtagal
Iyon ang aking dasal!
KADLUAN
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
July 10, 2005
May mga pagkakataong dumarating sating buhay.
Na para bang ang lahat ng bagay, walang saysay
Ang pakiramdam nag-iisat walang karamay
Walang mga kamay na handang dumamay.
Sa mga oras na pagkawala ng tiwala
Natutulala, nakakalimot, nagwawala
Namumugto ang mga matat lumuluha
Naglulupasay sa lupat nangangayupapa
Para bang natakluban ng lupat langit
Habang ang panahoy abalang magsungit
Ang mukhang pangit lalong pumapangit
Lumalangitngit ang ngiping nagngangalit
Ang daluyong ng damdamiy pumapayapa
Muling nagbabangon sa mga bitak ng lupa
Ang nagwawalang damdamiy gumagaan
At napapatid ang bukal ng kalungkutan
Dapat nga muna sigurong masaktan
Upang sa gayoy may mga matutuhan
Sa mga karanasang magsisilbing kadluan
Pagdating ng panahoy may paghuhugutan!
i DAPAT PASALAMATAN
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
July 10, 2005
Ang mataas na kabundukay tinatanaw
Ibang kapangyarihan ang naaninaw
Nakaramdam ng hiyat napayuko
Bakit nga kaya ganito ako?
ii
Hindi katulad ng mga kabundukan
Na may mga punong nagtataasan
Ano nga bang mga katangian
Ang sa sariliy matatagpuan?
iii
Kulang sa lakas tulad ng hangin
Na ang punoy kayang pasayawin
Hindi matatamis ang mga awitin
Tulad ng isang ibong nakalambitin
iv
Kaysarap pakinggan ang mga huni
Sa lilim ng punoy nagmuni-muni
Nakakamangha ang mga himig
Nadarang ang pusong nanglamig
v
May bulong ang dapyo ng hangin
Sa paligid iginala ang paningin
Anong ganda pala ng paligid
Ang mga luhay nanggilid
vi
Lumakas ang mga kahinaan
Unti-unting pinagtiwalaan
Anuman ang mga kakulangan
Dapat pa ring pasalamatan!
i ANG KATAPAT
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
June 29, 2005
Tunay na lakas at dunong ang ating mga puhunan
Araw-araw na ginagamit sa mundong ginagalawan
Kaya pag-ingatan, ipagpatuloy ang tawanan
Ang hagakhakay may dalang buti sa katawan
ii
Ang mga pagtawang di nauubos, ating samantalahin
Mga grasyang dumarating patuloy nating tanggapin
Umugoy at magduyan sa mga unday ng tawanan
Maghalakhakan hanggang mapagod ang lalaugan
iii
Kung ang katawang lupa may nagsisipagtanda
Ngunit ang kaisipan namay ayaw pang maniwala
Patuloy nating palaguin ang mga kaalaman
Pagkat ang kurunungay isang gintong kayamanan
iv
Huwag nang pansinin pa ang ating mga edad
Upang di makalampas ang mga oportunidad
Ang mga itoy di nauubos kung iyong hahanapin
Kapag umabot sa panlasa, kusang-loob na tanggapin
v
Huwag tanggap ng tanggap, ikaw namay magpasalamat
At baka naman maubusan ang iba kung sa iyo ng lahat
Ang lahat ng nangyayari sa Pilipinas, tawa ang katapat
Kaya ang mga dyaryo, ang palagi kong binubuklat!
BOW!
i HINDI PA HULI
By Aurel Cagahastian (Batang Patio)
June 29, 2005
Kapag ang bugok na itlog, binasag mot nabuksan
Sumisingaw agad ang baho, kung siray malalaman
Katulad ng kasalanan, katanungay di na kailangan
Na kumbinsidong masama, dala ng isip at kalooban
ii
Kahalintulad ng isang ugok, ang pagkataoy nabubugok
Itimang pusong nag-u-uk-uk. ang amoy nakakasulasok
Ang tronong tusok-tusok sa kadiliman nakaluklok
Napakapusok sa kasamaan, ang kaluluway natutupok
iii
Ang kaparay isang basahang nasa sahig nagdudugal
Dumudumit kumakapal habang itoy nagtatagal
Ang pagkataoy nanglilimahid, sa dumi ng pamumuhay
Tumitigas itot namamanhid, nawawalan ng saysay
iv
Tayoy binigyan ng konsensiya, upang maging gabay
Ngunit kadalasang di nakikinig, patuloy ang paglalakbay
Walang halaga ang lahat ng kasakiman sa pagkalaykay
Sapagkat walang anumang madadala, pagdating sa hukay
v
Laging naghihintay sa lahat, ang isang magandang bukas
Bawat pagdatal ng umagay may bagong pintong nakabukas
Sa bawat pagsikat ng araw, nakalakip ang bagong pag-asa
Hindi pa huli ang paghuhugas ng kumapal na pagkakasala
vi
Kahit gaano man karami ang mga naging kasalanan
Ang lahat ng itoy puputit magtataglay ng kalinisan
Magiging busilak na mulit titingkad ang kaputian
Kung pagsisisihan ang lahat, upang itoy mahugasan!
ANG MAY HAWAK NG BUKAS
By Aurel Cagahastian (Batang Patio)
June 9, 2005
Panahon ngayon ng tag-hirap at kawalang pag-asa
Mas sumisigid ang dinaranas na t pagdurusa
Libong mga mamamayan ang nakikipagsapalaran
Na mga naglalayong magsi-unlad ang kabuhayan
*** Paglalakbay
Ang hindi lumingon sa pinanggalingan
Ay hindi makakarating sa paroroonan
Isa sa mga minana nating kasabihan
Na nagmula sating kanunu-nunuan
Nagnanais na marating ang tagumpay
Sa bawat dumaang araw, nagsusumikhay
Pagkawag ng bagwis ay walang humpay
Determinadong mabago ang pamumuhay
Dinaanan ang mga pagsubok ng panahon
May pasalungat, kadalasay umaambon
Nilarot sinaklot-saklot ng mga alon
Ngunit nagpupumilit na makaahon
Mapagbirong tadhanang mapangdaklot
Malulupit na sigwada ang sumasaklot
Mga kapaitat kasawian ang idinulot
Ngunit may natutunan at mga napulot
Mundong gasa-gasaymot at masalimuot
Inu-unat ang damdaming gusot-gusot
Pinagdaanang masasalabid na nilulumot
Sa bawat hagupit nagpipilit lumusot
Tila malayo pa ang minimithing rurok
Sa matarik na talampas ito nakaturok
Sadyang napakalalim ng pagkakatusok
Nag-aapoy ang paligid at umu-usok
Mga pangarap na pinaka-aasam-asam
Andap ng munting pag-asay di napaparam
Tanging usal, huwag sanang pagkaitan
Mga minimithiy magkaroon ng katuparan!
*** Panibagong Pag-asa
Ang oras ay ginto sa kasabihang totoo
Mabilis ang pagtik-tak paroot parito
Huwag daw sasayangin ang bawat sandali
Pagkat di maghihintay, laging nagmamadali
Isang araw na naman ang dumaan
Mabilis ang pagkalat ng karimlan
Sari-saring kulisap ang nauulinigan
Sa malayoy waring nagkakantahan
Pagal ang katawan nagpatuloy sa paghimlay
Diwang nagduduyan, unti-unting natatangay
Isang bagong araw na naman ang naghihintay
May panibagong pag-asa na namang ibibigay!
*** Ang lahat ay magwawakas
Maraming mga tao ang nagsusumikhay
Nagsisikap mabago antas ng pamumuhay
Ngunit maraming nakakaligtaang bagay
Bagay na pinakamahalaga sating buhay
Walang masama kung tayoy magsumikap
Upang makaalis sa dinaranas na hirap
Ngunit kinabukasay i natin tangan
Bagay na di natin mapanghahawakan
Huwag tayong magkamali at magpatangay
Sa kapangyarihan ng materyal na bagay
Sapagkat ang lahat ng itoy panandalian
At hindi madadala sa huling hantungan
Aanhin natin ang mga kayamanan
Kung sa pananampalatay dukha naman
Tanging SIYA ang may hawak ng bukas
Ang Natatanging nakaka-alam ng wakas!
Ikaw Ay Pilipinong Na-ngingibang Bansa!
By Renato Valdellon
December 14, 2002
Ang iyong palala kaibigan, kapatid
Ay ginintuang layon di dapat iwaglit
Pag tunay di pinagtapunan ng
Karampatang pansin
Bigat na dalamhati't pasakit
Ang haharaping kakamtin.
Totoong-totoo, at tunay na tunay
Ang hindi lumingon sa pinanggalingan
Hindi makakarating sa paroroonan
Nasayang na mga pangarap,
Pagsasapalarang napatapon lamang,
Mga pakikibakang
Ang buhay ang itinala
Unsyaming pag-asa't di-masukat na kalugihan
Kalagayang kararatnan
Kapag hindi pinakinggan
Pangaral ng pag-alala't
Pagtanaw sa nagkalingang
Sariling baya't kababayang
Kinagisnan ng iyong buhay.
At kung pinanggalinga'y
Iyong kalimutan
Sa iyong paggaya't pagpapalit
Ng isipa't kaanyuhan
Sa iyong kapwa kababaya'y
Naging mistulang banyaga ka
Bunga ng pagkukunwaring
Sadyang di tunay na 'yong masasalamin.
Masakit ma't kalungkutan
Lisanin ang sariling bayan,
Sa isang kabila'y di biro
Makipagsapalara't makibaka
Di lamang upang tamuhin
Konting antas sa kabuhayan;
Bagkus ay upang ipakilala
Sa banyagang kalahian
Itong ating natatanging
Sariling Pilipinong katauhan.
Ang pagka-Pilipino kung tunay na pinagkalakhan
Di-kagyat ipagpapalit, at di ligayahang tatalikdan.
Ito'y yamang bukod-tanging Natalagang maging atin
Pagpapalang sa ati'y dumating
Nitong Kristo, Bathala natin.
Isang handog, samakatuwid,
Kultura nating pinagyaman
Taglayin at ipangusap
Pilipinong katauhan.
Siya'y Malayo-Polynesyo;
Kay Alla'y may paniwala;
Kay Allahng dili-ibat Itong ating Diyos Ama.
Sari-saring diyalekto pangusap ng kanyang dila
Marka ng kaniyang makasariling pagsasalita.
Bukod dito'y abot kaya rin
Salitang kastilang namana;
Maging lenguwaheng Amerikano
Sa kaniyang dila'y di banyaga,
Mapatalakayan o kuwentuhan,
Kaya niyang tuwirin
Bagama't may halong kumpas
Todo bigay ng katwiranin;
Tanging Asyano kaniyang palad
Naturuan ng Puting Gringgo;
Gred one pa lang, kahit papano'y
English de karabaw kaya na niya.
Subalit pagkaraang magsikap
Salitang English ay pagka-alamin
Tungo sa pagiging tulay at kasangkapin
Pag-adya ng kabuhayan
Sa banyagang mga lupain.
Upang na rin makisalamuha't
Ipakilala sa ibang lupa
Pinag-mulang baya't
Pilipinong katauhan.
Pinagyamang kultura
Ng Sampalatayang Kristiyana
Kaganapan ng Paniwala
Kay Bathalang Diyos Ama.
Kaniyang silanganing diwa't kaisipan,
Mga pala-isipan, sining at kalinangan
Maipagmamalaking iuri at
itampok sa aklat ng karunungan.
Kaisipang kanluranin at maski pangdaigdigan
karugtong at Kapupunan Itong sariling kaalaman.
Para sa mga Ama
By Amor Salceda Kagahastian
(Tanging Guro)
June 18, 2004
ama. tatay. itay
daddy, erpat, papang
anuman ang itawag haliging tunay
sa pamilya ay siyang gabay.
istrikto. matigas. matibay
sa bagyo'y laang lumaban
masipag, anumang pagkakakitaan
handang pasukan at gampanan.
idolo. huwaran. pedestal
kahit minsan kinatatakutan
mahigpit ngunit mapagmahal
sa pamilya, buhay ay laan.
sa lahat ng tatay sa buong mundo
tanggapin mataos na bati ko
sana ang galak sa puso mo
manatili kahit ilang siglo.
ang dasal ko sa dakilang lumikha
kayo ay bigyan ng pagpapala
kaligayahan at katiwasayan
nawa'y sumainyo sa lahat ng araw.
DITO LANG MUNA AKO
By Noel B. Cadayona
June 26, 2004
June 26, 2004
Dito lang ako naghihintay sa 'yo,
tahimik na sulok nitong aking mundo.
di man nakasama kung san ka nagtungo,
ang pagbabalik mo ay hihintayin ko.
Mula ng lisanin ang puso kong tigang,
pilit na naghanap ng ibang kandungan,
may nahagilap ding konteng kasiyahan,
nguni't ang magmahal ay di naramdaman.
Minsan may nawaglit sa aking gunita,
mata ay nabaling sa ibang diwata,
wag mong isipin na nagtalusira,
wala kang kapalit sa puso ko't diwa.
Ng ika'y nawalay sa aking paningin,
puso'y di malaman kung saan susuling.
Hinahanap ka sa mga bituing
tinakpan ng ulap sa gabing kulimlim.
Ng ika'y lumisan dala mo ang araw,
taglay mo ang huni ng ibon sa parang,
dala mo ring lahat bituwin at bwan,
pati kaluluwa'y di na matagpuan.
Pagdi ka dumating hanggang takip silim,
pagpikit ng matang baun ay panimdim,
pagtigil ng pusong puno ng hilahil,
sa kabilang buhay ay hintay ka pa rin.
Ngunit hangga't buhay ay mayrong pag-asa,
sa aking diwa'y laging kapiling ka,
di ka umaalis laging narito ka,
sa aking pangarap lagi kang kasama.
At kung babalik ka't muling magkikita,
di na papayagang muling lumisan pa.
Ang bawa't saglit na di ka kasama
ay pupunuan ko ng aking pagsinta.
Magbalik ka na sa dati mong pugad,
siyap ng inakay na ikaw ang tawag,
sana'y marinig mo ang tinig na pagaw,
ni bunsong ang hanap ay lagi ng ikaw.
Dito lang ako sa yo'y maghihintay,
di kaiinipan itong walang hanggan,
at kung di pa sapat ang kailan pa man,
may idurugtung pang walang katapusan.
Tila Isang Ibon
By Amor Salceda Kagahastian
(Tanging Guro)
March 22, 2005
Sumisiyap doon sa pugad
Nananaghoy, naghahanap
Naghihintay ng matapat
Na dadamay hanggang wakas.
Nakarinig ng pagaspas
Mabilis at buong lakas
Pusoy dagliang pumitlag
Dumating ang kaniyang hanap.
Ngunit tunog na narinig
Lumampas lang sa pandinig
Wala namang nakaniig
Doon sa pugad ng pag-ibig.
Mga dahoy naglaglagan
Mga sangay nangabang-al
Bulaklak na nagbukahan
Nalaglag na sa damuhan.
Ang tag-ulan at tag-araw
Mabilis na nagpalitan
Alikabok at putikan
Matiyagang dinaanan.
Patuloy sa paghihintay
Sa ligayang inaasam
Ang pag-asay di naparam
Kahit mayroong pagdaramdam.
Katulad ng isang ibon
Kahit malayo ang mahayon
Nag-iingat sa daluyong
Pagkat ayaw maparool.
Isang ibon ang kawangis
Nais maabot ang langit
Kahit mawasak ang bagwis
O, sa siit ay sumabit.
Patuloy sa paghahanap
Sa ligayang anong ilap
Baon sa pusoy pagliyag
Tiwala sa Amang Pantas.
Ibon nga ang nakawangis
Ang siyap ay naging awit
Buong lamyos, sakdal tamis
Naging himig sa daigdig.
Guro: Misteryo sa Hapis at Tuwa
By Amor Salceda Kagahastian
(Tanging Guro)
June 8, 2004
Panibagong taon muling haharapin
Ngunit di malaman, anong uunahin
Polisiya ng DepEd hatid suliranin
Magulang at bata panay ang panimdim.
Taun-taon na lang ganitong tanawin
Ganitong problemang ayaw na lutasin
Gurot kagamitang para sa aralin
Maging mga silid kulang na kulang din.
Siksikan sa kuwartong mainit, madilim
Anong buting turo ngayon hahanapin
Suweldong kakarampot ayaw bigyang-pansin
Ang nagpapasasay yaong mga sakim.
Halos pati gabiy ginagawang araw
Ang mga gawain ay nag-uumapaw
Ang sabi nga nila trabahong kalabaw
Ang sa mga guroy syang ipinapataw.
Masukal na gubat ang nakakawangis
Malalim na bangin, bundok na matarik
Ang kinakaharap, guroy nagtitiis
Wala na bang lunas ganitong pasakit?
Kayat di masising guroy magsialis
Maghangad ng dolyar na mayrong taginting
Panustos na hangad sa kanilang supling
Doon natagpuan sa ibang lupain.
Ang mga naiwan, tuloy ang pasanin
Nakahandang tupdin tawag ng tungkulin
Ang tanging ligayang nagbibigay-aliw
Makitang ang batay natututo mandin.
Sa bawat tagumpay ng batang minahal
Sa bawat salamat sa labiy iusal
Ligaya ng puso ay walang kapantay
At haplos ng Diyos ang wariy kakambal.
i SIGNOS
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
June 12, 2005
Masyado ng magulo ang daigdig
Maraming mga tao ang naliligalig
Sa kasakiman, kasamaang nananaig
Mga inosenteng dugo ang pangdilig
ii
Maraming pangyayari ang tumambal
Sa harapan ng mga taong nagigimbal
May trahedya pang magkakambal
Na isang sadyang karumal-dumal
iii
Naglabasan ang mahiwagang sakit
May mga hiwagang nakakabit
Ang biktimang may hinanakit
Isang paa sa hukay nakasabit
iv
Ang mga paglindol at pagbaha
Mga guhong basa ng mga luha
Nagbabagang asupre ng bulkan
Maraming buhay ang natabunan
v
May mga apoy na nagliparan
Mga bakal na nagbagsakan
Isang daigdig na may digmaan
Walang katapusang kaguluhan
vi
May mga pangyayaring mahiwaga
Maiiwan ka na lang nakamulaga
Kahit pa makipagpitik-bulaga
Ang mga kasagutay talinghaga
vii
Ang mga nag-isip, nagulumihanan
Ang mga duwag, nahintakutan
Ang mga ipokritoy nagbulag-bulagan
At ang ibay nagbingi-bingihan
viii
Ito na nga ba ang signos?
Ng isang wakas na nakalulunos?
Nitong mga nilalang na tinubos;
Ng Isang Dakilang Manunubos?
ix
Hindi mo pa baga nababatid?
Ang mga signos na inihahatid?
Halika na, mahal na kapatid
Magbalik sa Kanya, baka mahalabid
x
Sa Mahal na Panginoon, nagbabalik
Makapangyarihang Mapagtangkilik
Yaring pagsisi, dasal ang kilik
Sa Kanyang paanan ay humalik!
i
Lahat ng mga magulang ay may mga pangarap
Laging nakatuon ang mga paningin sa hinaharap
Hindi inaalintana ang mga sinusuong na hirap
Lahat ng mga paraay ginagawat nagsusumikap
ii
Ang pag-aaral ng mga anak ay halos igapang
Tanging pagiging dukha ang kanilang pagkukulang
Lahat ng mga dagok, magkaagapay, magkatuwang
Sa mga munting kasayahan, mayroong pagdiriwang
iii
Ngunit minsay sadyang mapagbiro ang buhay
Kahit buong-giting na lumaban at magsumikhay
Lahat ng mga pagsisikap parang nawalan ng saysay
Biglang lumipad, malakas na bagyo ang tumangay
iv
Mga mahal na magulang, magkasunod nawala
Naiwan ang mga basang-sisiw na mga tulala
Walang tigil ang pagdaloy ng mga patak ng luha
Gumuho ang dambana, ang munting pugad nagiba
v
Biglang naging itim ang kulay ng paningin
Wala ng magagawa, kundi ang manalangin
Ang mga patak ng luhay tinuyo ng hangin
Kapayapaan ni Amat Ina, tanging usal at dalangin!
SINO NGA BA AKO?
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
June 8, 2005
i
Tila yata huli na ang tag-araw
Sa natutulog na pusong napukaw
Ang mga pintig, uma-alingawngaw
Kumakalembang na parang batingaw
ii
Maraming tag-init na ang nagdaan
Lumampas na panahon ng kainitan
Nung panahong nasa kalagitnaan
Ng dalawang pusong pinaglaruan
iii
Sumisipol pa ang hangin kahapon
Nagkalat ang mga patak ng dahon
Habang patuloy ang patak ng ulan
Ang mga awitiy lumipad sa kawalan
iv
Sa mga maling landas ay nalibang
Lumublob, nagtampisaw, nahibang
Nagpatangay at puma-ilanglang
Nagkulay salagintot salagubang
v
Ang mga katotoy nagka-sistehan
Kambal na apo daw ay tapunan
Tila yata isang suntok sa buwan
Ito pa ngang kantyaw pa ni insan
vi
Paki-pukawin mo nga aking katoto
Na harapin ang katotohanan ng matuto
Kuhitin mo ang pusong litong-lito
At ipaala-ala mong, sino nga ba ako?
PAGLIMOT
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
June 14, 2005
i
Hindi makawala sa anino ng nakaraan
Madalas ng ito ang binabalik-balikan
Di maghilom ang damdaming nasugatan
Mga multo ng kahapong di malimutan
ii
Kung nasaktan man sa mga nagdaan
Kailangan ng itoy itapon, kalimutan
Mararating din ang mga nais puntahan
Kung iiwas, lalayo sa mga kapahamakan
iii
Kung alam na kasalanan ay paka-iwasan
Maraming mga tuso ang nagbabait-baitan
Nagmumukhang anghel din ang mga dyablo
Lubusang mag-ingat pagkat yan ang totoo!
iv
Naguho na ang mundong masalimuot
Kaya't nararapat lang na ilibing sa limot
Ibaon na sa limot ang mga nilulumot
Makakaya ang lahat kahit saan manuot
v
Mga pinahahalagahay isapusot isipan
Pagmasdan ang kagandahan ng kapaligiran
Ang lahat ng mga dalahin ay muling gagaan
At muling lalasapin sa dibdib ang kalayaan
vi
Pinakamahalaga sa lahat, ang takot sa Diyos
Iwaras, iwaksi ang lahat ng pagpupuyos
Magagandang bagay ang itanim sa puso
Makakaya ang lahat, kahit matsing na tuso!
MAGING HANDA
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
June 8, 2005
i
Maraming mga kinagisnan at kinasanayang pananaw
Na siguroy mananatili, kahit ang mundoy magunaw
Ang bawat taoy isinilang at sumulpot sa ibabaw
Bagay na di naman pinili, kung kailan lumitaw
ii
Ang buhay ng taoy maikli, at madaling maglaho
Mistulang mga dahon, na sa mga sangay lumalago
Lumilipas ang panahon, ang paghihip nagbabago
Habang gulong ng buhay, napakatuling ng pagtakbo
iii
Napipitas ang mga dahon, nawawaladi na namamalas
Mabilis na natatangay ng hangin, waring nagpupumiglas
Patuloy ang tik-tak ng mga segundo, minutot mga oras
Bawat lumampas na sandaliy umaagos, nagbibigkas
iv
Sa bawat pagpatak ng ulan at lahat ng bagay sa kapaligiran
Ay silbing mga palatandaan ng Isang Makapangyarihan
Ang mga nagdaang pangyayaridi na mababalikan
Walang nakakaalam kung ano ang nasa kinabukasan
v
Pagmamahal ay ipadama sating mga mahal sa buhay
Madalas nating yakapin, habang silay nabubuhay
Upang sa bandang huliy walang pagsisihan
Na sanay ang pagmamahal, sila ay pinakitaan
vi
Maikli lamang ang buhay, madalas nating makalimutan
Kayat maging handa, anuman ang Kanyang pahintulutan
Ating pagsisihan, anuman ang mga naging kasalanan
Ang sariliy isuko, mangayupapa sa Kanyang paanan!
BAKA MAIBALA SA KANYON
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
June 9, 2005
i
Nasa labasan sa buong maghapon
Walang kapaguran sa paglilimayon
Sa ilalim ng ulap na kulay kanyon
Takbo ng isipay walang direksyon
ii
Naglalarong parang isang bata
Sa disyerto nakapangalumbaba
Kinakalikaw ang mga buhangin
Habang hinahampas ng hangin
iii
O mga pangarap, mga pangarap!
Saan nga ba kita mahahanap?
Nasa likuran ka pa ba ng mga ulap?
At ikaw ay sadyang napakailap?
iv
Mga ninanais na nagtutungayaw
Lumilipad sa hangin at nagsasayaw
Palaging nakalutang sa balintataw
Kahit sa panaginip ay lumilitaw
v
Animoy ang mga paay nakabaon
Pilit, nagpupumiglas na maka-ahon
Kahit pa madalas na uma-ambon
Ang kawikaan iyay pana-panahon!
vi
Pero hanggang kailan nga ba yun?
Ang balat koy niluma na ng panahon
Kumunat nay wala pang nahahayon
Baka akoy maibala na sa kanyon!
ANO NGA BA ANG TUNAY NA KALIGAYAHAN?
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
June 11, 2005
i
Habang ako'y lumalandas sa buhanginan
Sa isipan ko'y may nabuong katanungan
Ano nga ba ang tunay na kaligayahan?
At saan nga ba ito matatagpuan?
ii
Bakit nga ba nagiging masaya ang tao?
Ito bay nagmumula sa tibok ng puso?
O sa mga pangangailangang pisikal,
At ng magagarbong bagay na materyal?
iii
Sa diwa koy may umukit na kasagutan
Na waring sumusubok saking kakayahan
Ngunit ang sarili koy pinagdudahan
Sapagkat di ito lubusang maunawaan
iv
Sadya ngang maraming tao ang marupok
Nakararami ang mga mapag-imbot
Maghapot magdamag ang natutupok
Ngunit laging kulang, ang lahat inaabot
v
Ang mga taoy walang kasiyahan
Marami ang may hibo ng kasakiman
Ang ibay abala sa pagpapayaman
Ngunit may mga bagay na nalilimutan
vi
Natatangay sa mabilis na agos ng mundo
Nagpapatianod sa masasamang bisyo
Walang tigil sa kabubuga ng sigarilyo
Kaya sa mata ng ibang taoy tarantado
vii
Lumalandas pala ako sa daan ng kawalan
Ito ang bagay na aking napatunayan
Ngayoy natagpuan ko na ang kasagutan
At sana nga ay mapagtagumpayan
viii
Sinasambit ang mataimtim na panalagin
Inuusal na ang tagumpay ay tanggapin
Sanay marating ang kaluwalhatian
Nasa Panginoon pala ang kaligayahan!
SINO NGA BA AKO?
By Aurel Cagahastian (Batang Patio)
June 8, 2005
i
Tila yata huli na ang tag-araw
Sa natutulog na pusong napukaw
Ang mga pintig, uma-alingawngaw
Kumakalembang na parang batingaw
ii
Maraming tag-init na ang nagdaan
Lumampas na panahon ng kainitan
Nung panahong nasa kalagitnaan
Ng dalawang pusong pinaglaruan
iii
Sumisipol pa ang hangin kahapon
Nagkalat ang mga patak ng dahon
Habang patuloy ang patak ng ulan
Ang mga awitiy lumipad sa kawalan
iv
Sa mga maling landas ay nalibang
Lumublob, nagtampisaw, nahibang
Nagpatangay at puma-ilanglang
Nagkulay salagintot salagubang
v
Ang mga katotoy nagka-sistehan
Kambal na apo daw ay tapunan
Tila yata isang suntok sa buwan
Ito pa ngang kantyaw pa ni insan
vi
Paki-pukawin mo nga aking katoto
Na harapin ang katotohanan ng matuto
Kuhitin mo ang pusong litong-lito
At ipaala-ala mong, sino nga ba ako?
WALANG KATIYAKAN
By Aurel Cagahastian (Batang Patio)
May 14, 2005
i
Wala akong maisip na i-kwento
Bakit ba tila akoy litong-lito
Di naman masalabid ang mundo ko
Pero bakit ba tila gulong-gulo
ii
Punta ng punta kung saan-saan
Wala namang tiyak na pupuntahan
Magmula umaga hanggang umaga
Ang mga matay laging mulaga
iii
Pudpud na ang tanging sapatos
Makalyong mga paay nagpapaltos
Langgas-pawis, bumubuhos
Sa suot na damit namumulos
iv
Ang mga alikabok nagliliparan
Para bagang nagpapaligsahan
Sa bawat hakbang nag-uunahan
Hinahanap ang kapalaran
vi
Bakit nga ba ako nandito?
Dito nga ba ang mundo ko?
Nagkamali ba ng desisyon?
Sa naging destinasyon?
vi
Ayokong isiping nagkamali
Di ko pinangarap makipagtunggali
Basta ang ninanais koy tahimik
Huwag na lang kaya umimik!
HINAHANAP-HANAP
By Aurel Cagahastian (Batang Patio)
May 15, 2005
i
Parati kitang hinahanap-hanap
Saan pa kita ngayon maa-apuhap
Sana ay mapamuli pang maganap
Na ikaw ay aking muling mayakap
ii
Laging laman ng aking panaginip
Nananatiling nakabaon sa aking isip
Dumadalaw sa bawat pag-idlip
Sa balintataw ko ay laging nakasilip
iii
Nagsilbing isang matibay na sandigan
Laging karamay sa bawat kabiguan
Bahagi ng kung anumang tagumpay
Sa bawat kabanata ng aking buhay
iv
Magmula pagkabata ay naging gabay
Sa mga pagsalunga, nakasubaybay
Mga pagpapakasakit ang ini-alay
Pagmamahal na walang kapantay
v
Naghuhumiyaw ang mga katanungan
Kung saan ba muling matatagpuan
Matigib ang pagnanais na masuklian
Buong buhay na pinagkakautangan
vi
Hinahanap-hanap, init ng pagmamahal
Init na timbulan ng lakas at dangal
Isang bantayog na aking tinitingala
O mahal kong Ina, isa kang-dakila!
MAGDAHAN-DAHAN
By Aurel Cagahastian (Batang Patio)
March 26, 2005
i
Sating buhay may mga bagay tayong pinipigilan
May mga salitang di natin pinahihintulutan
Hinahayaang malunod, mabingi sa katahimikan
Kahit ang buntong-hiningay abot sa kalangitan
ii
Hindi lahat ng bagay, nararapat nating sabihin
Ating talian, ang madulas na dilay kagatin
Kung ano pa man itoy atin na lang pigilin
Mas mainam sigurong itago, ating sarilinin
iii
May kanya-kanyang lihim ang bawat nilalang
Ang ibang taoy may hatid na lilo at linlang
Matatamis ang mga ngiti kahit napapaitan
Kayat kwidaw kat iba nga ang kahulugan
iv
May pakpak ang balita, may tenga ang lupa
Tayoy magdahan-dahan sa pagbigkas ng salita
Mga salitang namulos sa bibig, iba ang labas
Pag-nagmula na sa ibay nagbabago ang tabas
v
Mas nakakabuti minsan ang pananahimik
Kung ano mang makita, huwag ng umimik
Kung may pagkakamaliy magpasensyahan
Sapagkat lahat ng tao ay may kapintasan
vi
Minsan nagiging biktima ng sariling kagagawan
Kayat sa mga kilos at salita ay magdahan-dahan
Mas mabuti pang mabingi na lang sa katahimikan
Kung idudulot naman ng ingay ay ang kaguluhan!
LIWANAG at DILIM
By Aurel Cagahastian (Batang Patio)
March 20, 2005
i
Sa ating buhay may liwanag at dilim
Sumisikat tong araw at may takipsilim
Bumabati ang umaga dun sa silangan
At nagpapaalam naman to sa kanluran
ii
Isang gasgas na nga raw tong paliwanag
Na sadya ngang may liwanag at dilim
Pagkatapos ng dilim sasapit ang liwanag
Matapos lumiwanag, muling magdidilim
iii
Sikat nitong araw sa umagang kayrikit
Sa itaas ng kalangitan syang nakaguhit
May mga arko ng bahagharing pumapalaot
Ibat-ibang kulay sa bandanang nakabalot
iv
Hindi na halos mapansin na kagandahan
Hanap ang daan ng layaw at karangyaan
Di rin binibigyan ng pansin ang kahulugan
Nang mga kulay ng bahaghari sa kalangitan
v
Sa bawat paglubog nitong haring araw
Yaring kadiliman, siyangang dumadalaw
Isang pusikit na karimlan ang inihahatid
Pilit na liwanag ng buwan ang mababatid
vi
Buhay ng nangungulila sa sinag ng araw
Buwang dumadampi, siyang tanging ilaw
Minsan ang sinag, ipinagdadamot na rin
Nagtatago sa likod ng ulap na masunurin
vii
Sa kadilima'y mga bituin ang nagtutuwid
Sa bawat landasing ating tinatawid
Animo ay mga mapaglarong kulisap
Na sa ibabaw ng mga ulap nag-uusap
viii
Ang lahat ng bagay may simulat wakas
Sino nga bang nakakaalam ng ating bukas?
Di malalabanan ng kahit na sinong pantas
Ang katotohanang lahat ng bagay mauutas!
LATAY NG PANAHON
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
March 21, 2005
i
Maraming bagay ang di maintindihan
May mga pangyayari na di mapigilan
Katulad ng agos na mahirap masalaan
Ngunit iisa lang ang patutunguhan
ii
Ang agos ng ilog, patungo sa karagatan
Nalusungang tubig, di na mababalikan
Patuloy ang pagdaloy sa patutunguhan
At nagbabalik sa kanyang pinagmulan
iii
Nagdaaang kabataan di na magbabalik
Sa mumunting pugad na syang tumangkilik
Matinding hampas ng tadhanang nagmalupit
Nangatumba ang haligit ilaw sa hagupit
iv
Mga salitang namutawi, di na mababawi
Na kahit habulin pay di na mapapawi
Ang mga nailuwa nay di na malulon
Nakatagos na latay, habang-panahon
v
Lahat ng nangyayari sa mundoy mahiwaga
Itoy di mapipigil, sa salita man o sa gawa
Ang panahong nakalatay, di na mababalikan
Mga yugto ng buhay sa panahong nagdaan!
Tulaan para sa Ina - Sa Hardin ni Ina
By Amor Salceda Kagahastian
(Tanging Guro)
March 11, 2004
Inihandog ko sa kaarawan ni Ina noong June 2004,
ngayo'y inihahandog ko sa lahat ng dakilang ina
bilang tugon sa tulaan para kay ina ni bulangugo.
Sa hardin ni Ina
Kaysarap ng buhay
Lahat ay masaya, lahat ay may kulay
Sa sanga ng punong suha ang pipit na nakaduklay
Sa umaga'y umaawit ng papuri sa Maykapal.
Sa hardin ni Ina
Lahat ay may buhay
Magmula sa uod na dati'y pausad-usad
Palikwad-likwad, pakiwal-kiwal para makaalis sa pugad
Sa sang-iglap paruparong palipat-lipat sa bulaklak.
Sa hardin ni Ina
Lahat ay may kulay
Ang orkidyas, yaong rosas, iba't ibang gumamela
Hinimutmot ang dapulak upang rosas ay bumukad
Ang orkidyas buong taon sa bulaklak ay sagana.
Sa hardin ni Ina
Pag ika'y pumasyal
Anumang hingin mo agad ibibigay
Ang pinsang si Inang Epang, nanay ng mayor na marangal
Kulbit kay Ina'y alam na kung ano ang hinihirang.
Sa hardin ni Ina
Lahat ay may bagay
Magsabi ka lang di pahihindian
Mga lara at ibang gulay kapag siya ay namitas
Halos ipagyayanda-yanda sa buong ka-Ilayahan.
Mga babaeng nanganak Asawa'y sumasagsag
Sa hardin ni Ina, pampaligo'y handa na
Talbak-babae o pagitpit, sambong, balimbing at suha
May tawad pang papaya, at ang sabi'y pang-tinola.
Sa hardin ni Ina
Malimit niyang sabihin
Ang pananim, mga hayop, ang lupa at mga tao
Kailangan ng isa't isa sa pagbuo nitong siklo
Kaya't dapat alagaan upang mabuhay sa mundo.
Sa hardin ni Ina
Ako'y laging maligaya
Sa pag-abang bawat punla, bawat suloy na matanaw
Ang pagbukad ng talulot ng rosas ay binantayan
May nadamang kaganapan sa himala ng Maykapal.
Sa hardin ni Ina
Aking laging dinadalit
Sa oras ng pagwawalis, pagsisiga noong layak
Wala akong mawawalis kapag hindi Niya ninais
Na kahit na isang dahon ay malaglag o lumawit.
Sa hardin ni Ina
Ang iniwan niya'y pangaral
Magbigay nang may lugod, mayroong ngiting nakakintal
Kalikasang bigay ng Diyos ay di pansariling yaman
Bawat maganda'y ipamigay, nang lubos ang pakinabang.
Sa bagong hardin ni Ina
Puspos lahat ng ligaya
Doo'y walang kapaguran kahit anong kaniyang gawin
Di na siya malulungkot o di kaya maninimdim
Pagkat kasama ang Ama, ang Dakilang Magtatanim.
NANGANGARAP NG GISING
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
March 13, 2005
i Ang sabi nila'y libre ang mangarap
Kung nanamnamin, tila nga kaysarap
Ang bawat sandali'y walang hanggan
At para bagang wala ng katapusan
ii
Matawag man akong mapangarapin
Hindi ko na ito tatawagan ng pansin
Sino bang may nais pang ito'y alamin?
Kung ako ma'y mangarap ng gising?
iii
Marami ng bagay ang pinagdaanan
Iba't-iba, sa kung anumang paraan
Kayrami na ring mga pagkakataon
Nagsilampas, naglagos sa panahon
iv
Sa kawalan ang langoy ng kamalayan
Walang nakapag-itan na ano pa man
Ang aking diwa mandi'y nahihimbing
Nakadilat at nangangarap ng gising
v
Di mahanap ang sarili sa kalagitnaan
Habang naglalakbay yaring kaisipan
Di matagpuan ang anino sa kadiliman
Kung ano ang nandu'y di ko malaman
vi
Mayrun nga kayang nakakita ng wala?
May nakarinig na kaya ng katahimikan?
Ewan ko nga ba't hindi ko malaman
Ang katinuan ko'y tila nais magwala
vii
Ang dinadaana'y batbat ng karimlan
Naglalakbay ng walang patutunguhan
Dumadausdos at walang katapusan
Kung ano't saan ito'y di ko malaman
viii
Mga mata'y dilat, nangangarap ng gising
Habang ang mundo'y patuloy ang giling
Minsan ang pangarap, nagtatalusaling
Ipinagwawarasan kung saan man galing!
PAGMAMAHAL NA WALANG KUNDISYON
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
March 12, 2005
i
Napakarami ng mga tulang nakatha
Nang mga magagaling na makata
Pero di talaga natin maipagkakaila
Na ang lahat ng Ina ay dakila
ii
Iba't-ibang kwento ng mga buhay
Samut-sari ang mga kulay
Mayroong mga mayayaman
At may lugmok sa kahirapan
iii
Ang mga Ina'y ilaw ng tahanan
Waring ang lahat nais gampanan
Inilalayo ang anak sa kapahamakan
Ang bawat landas sinusubaybayan
iv
Magmula pa sa sinapupunan
Hanggang matanggal ang inunan
Nakahanda laging magpakasakit
Sa pagbabantay, halos magkasakit
v
Nagsisilbi siyang unang guro
Buong tiyaga sa kanyang pagtuturo
Bumasa't sumulat, ating natutunan
Upang ang pagpasok, mapaghandaan
vi
Ang kanilang ginagawa'y sakripisyo
Mga tinutugpang paghihirap, di biro
Isang napakatibay na pundasyon
Sa mga ninanais nating mahayon
vii
Kabahagi siya ng bawat tagumpay
Mga kabigua't kalungkutan sa buhay
Laging nakahanda sa pagdamay
Kanyang mga mapagpalang kamay
viii
Hindi ko na kayang maisalarawan
Ang nagdudumilat na katotohanan
Nakabukas at nakataga sa panahon
Pagmamahal na walang kundisyon!
TULDOK SA NAKARAAN
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
March 8, 2005
i
Nais kong tuldukan ang nakaraan
Ang mga munting ala-ala ng nagdaan
Mga bakas na tinangay ng panahon
Na nagtapos sa isang kahapon
ii
Tutuldukan ko na ang mga lumipas
Ang mga kalungkutang lumampas
Mga daluyong ng hanging humampas
Sa mga pagsalunga sa talampas
iii
Hindi lahat ng oras ay dapat umasa
Na ang mga pangarap ay matutupad
May mga nabibigong munting pag-asa
At ang ibang mga hangari'y lumilipad
iv
Ang ibang mga pangarap at layunin
Nararapat ng sunugin at abuhin
Pitikan na't ipakisuyo sa hangin
Upang di na maabot ng paningin
v
Ang mga pagkabigo'y dapat tuldukan
Hindi na mababago't mababalikan
Pagkat lumIpad na sa kalawakan
At hindi na mapanghahawakan
vi
Kaligayaha'y bibigyan ng pagkakataon
At ang mga kalungkuta'y ibabaon
Lalagyan ng tuldok bilang paalam
Bagong araw sa katawang-hiram!
MANGUNYAPIT
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
March 6, 2005
i
Nagkakagulo ang mga lungkot
Sa takbo ng buhay na nilulumot
Kumakati ang ulo't nagkakamot
Sa kaka-kagkag, halos mapanot
ii
Sa larawan ng buhay na natatanaw
Kadalasang kahirapan ang naa-aninaw
Mga taong may kanya-kanyang galaw
Sa bawat pagsubok na dumadalaw
iii
Kung ang puso'y puno ng kabiguan
Nakalutang sa walang katiyakan
Sa mga pagsisikap ay nalalabuan
Umasang ang lahat, matatakpan
iv
Ang malulungkot na mata'y ibaling
Dun sa kapaligirang nakakahumaling
Ating ngitian ang bawat masalubong
Upang kaligayahan ang umusbong
v
Madaling mamatay ang mga masungit
Nakakuyumos na mukha'y nakakapangit
Huwag ng umirap sa itaas ng langit
At matalas na dila'y huwag ng isingit
vi
Masayang salubungin ang araw
Subukan ang maglaro't magsayaw
Ang nadaramang kalungkuta'y iligaw
At maaliwalas na paligid ang lilitaw
vii
Pakinggan ang bawat tunog ng batingaw
Na buong ningning sa pag-alingawngaw
Subukan mo't ikaw ay mapapasigaw
Ang madamot na ngiti ay susungaw
viii
Sa bawat dusa't ligayang sumasapit
May mga pagsubok na nagmamalupit
Sa pananampalataya tayo'y kumapit
Ating tibayan ang pangungunyapit!
PANAGINIP
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
March 1, 2005
i
Nabubuhay tayo sa isang mundong mahiwaga
May mga pangyayari talagang matalinghaga
Katulad ng mga panggising natin sa umaga
Kahulugan ng panaginip, hanap ang katugma
ii
Ano nga bang mga mensahe ang nais ipahiwatig?
Minsan di malirip ang kahulugan kahit magtitig
Kadalasan pa, nagdaang panaginip ay nalilimutan
Ang bawat daloy nito sa isip, may kaguluhan
iii
May lihim ang bawat pagdalaw ng panaginip
Ng mga talinghagang may kahulugang kahulilip
Kahit na saradong pinto at bintana'y sinisilip
Ng mga matang palasunod sa bawat pag-idlip
iv
Ano ang mga kahulugan, isa nga ba itong babala?
Ng ating hinaharap bago ito magpasimula?
O ng mga nakaraang sa isipa'y nakapunla?
Ngunit sadyang napakahirap ang manghula
v
May nakabalot ngang misteryo ang bawat panaginip
May kahalong birtud ang bawat anas ng panalangin
Nananalig pa rin ako sa Isang Panginoong maibigin
Na sa bawat galaw natin sa mundo'y nakasilip...
NASA GITNA NG PUTIKAN
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
February 22, 2005
i
May isang murang bunga ang nahinog
Sa maputik na landas sya nahulog
Nalinsad, nadausdos, paumaimbulog
Natangay ng mabilis na agos at uminog
ii
Nagkamali sa buhay at nagtampisaw
Dun sa mapuputik na daang nagsisisaw
Sa mga liko-likong landas ay naligaw
Iba't-ibang mga anyo ang sumusungaw
iii
Sa bawat bulong ng hanging sumisingaw
Salimbayan na mga tunog at alingawngaw
Tarak ng sumbat sa budhing humihiyaw
Humihikbing pagsisisi ang nangibabaw
iv
Mga paghamon at paglibak na nakasurot
Isang matinding kalungkutan ang idinulot
Ang lumuluhang mga mata'y nanglalalim
Sa hawas na mukhang nangungulimlim
v
Paulit-ulit ang pagbabangon sa ala-ala
Ng mga salitang nangabuhay na sa tula
Mga marka ng pinagdaanang nakapinta
Tigmak ng mga kulapol ng mga tinta
vi
Kung ilang ibong-beses ng nasabi
Sa mga salitang namumutawi sa labi
Mapapait na kabanatang nagkukubli
Na sa kaibuturan ng puso'y nakasubi
vii
Mabilis ang pagkupas ng mga taon
Kumakaripas na likwad ng panahon
Papano na nga ba tong pagbangon?
Kung nakasubsob sa lusak, nagumon?
viii
Maaari pa kayang baguhin ang daan?
At ang mga pagkakamaliy pagsisihan?
Upang matagpuan ang kapayapaan
At maka-alis sa gitna ng putikan?
ENCORE (Alay ko kay Ina)
By Nemie Baldemor-Diaz
(Tisay)
May 11, 2003
I have posted this last year as a tribute to my mother. Please let me do this once more!
Ganda ng liwanag na aking nasilayan
Nadama ko ang init sa iyong kandungan
Ang magmahal ay sa iyo unang natutunan
Gabay mo nga ina sa akin ito'y nakalaan
Ang pagod at hirap 'di mo nga alintana
Mamasdan lamang ako ligaya ay sagana
Sa lumbay man at hapo ako'y iyong kalinga
Buong buhay mo nga ina ay sa akin nakatalaga
Pag-ibig na kristal itong iyong bigay
Pahalagahan ito ay hindi ko malay
Bawat galaw sa mundo ay sa iyo isinalalay
Ano't ako itong salat sa iyo ang inialay
Ang pag-aalala at iyong pagsubaybay
Na ng malaon na'y tinik niyaring buhay
Sa init ng pagsuyo mo ako ay napa-"aray"
Dali-dali nga sa iyo ay nais ng mawalay
Ibon sa hawla ang aking naging katulad
Na ng makawala ito ay sumalipadpad
Ang ganda ng paligid aking ginalugad
Ikaw ay nilimot sa isip ko kaagad
Hapon ay dumating, gabi ay kay dilim
Liwanag na nagisnan biglang kumulimlim
Sa puso'y sumuklob ito ngang panimdim
Takot ay sumulpot sa puso'y natanim
Hinanap-hanap ko ang aking sandigan
Nasaan ka o ina ako ay damayan
Sa gitna ng karimlan paano ako lilisan
Kailangan kita, ako ay tulungan
Nag-alinlangan pang ikaw ay balikan
Pighating nagdaan pilit pinagtiisan
Aking laking gulat ng biglang mamulatan
Ngiti sa iyong labi badya ay kapatawaran
Unos na nagdaan aking nilampasan
Dahil sa iyo ina, tangi kong sandalan
Sa pagkakaligaw sa mabatong daan
Tanglaw ay ilaw mo sa paroroonan
Ina aking sinta, aking minamahal
Sa araw na ito handog ko ay parangal
Nais kong isigaw itong inuusal
Ikaw ay dakila, wala kang kapantay!
MAY KATAPAT
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
February 9, 2005
i
Nag-iisang nakaupo sa dalampasigan
Paglubog ng araw, tinatanaw sa kanluran
Nilalakdaw sa tingin ang lawak ng karagatan
Naglalaro ang basang paa sa buhanginan
ii
Ang mga nagdaang araw ay binabalikan
Gumuguhit ang lahat ng nasaksihan
Punong-puno ito ng mga kasayahan
Ngunit nabahiran din ng kalungkutan
iii
Kung may kalungkutan ay may kasayahan
Kung may liwanag, mayrun ding karimlan
Nagkukubli itong araw pagsapit ng dilim
Sadya ngang sumasapit itong takipsilim
iv
Ang lahat bagay ay may simula't wakas
Kahit anumang pangyayari ay lumilipas
Anumang saya't lungkot ito ay lalampas
Napakabilis ng panahong kumakaripas
v
Sa lahat ng mga nangyayari sa'ting buhay
Bakit nga baga may saya't lungkot itong taglay
Kahit na maganda o masamang bagay
Lahat ng ito'y may katapat, yun ang palagay
vi
Sa bawat pagdaan ng araw tayo'y naninimbang
Pilit ibinabalanse ang takbo ng di tumimbuwang
Ang bawat galaw ay isang pakikipagsapalaran
Kung anuman ito'y dapat pa ring pasalamatan!
SA ILALIM NG KALANGITAN
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
December 5, 2004
i
Kung gabi ang mga bituin ay nakasilip
Sa mga siwang ng mga dahong naiidlip
Makikislap na ningning ang namamasid
Sa ulap ang kamalayan ko'y sumisisid
ii
May mga gabing napagandang pagmasdan
Sa magagandang tala'y nakikipagtitigan
Matamang tinitingnan ang kaitaasan
Nahihiya ang buwang makipag-ngitian
iii
Ang disyertong may mala-gintong buhangin
Sa tama ng liwanag maganda sa paningin
Ang mga tumpok nito'y kapansin-pansin
Animo'y mga bato ng alahas sa unang-tingin
iv
Ang mga gunita't ala-ala'y nagsasalimbayan
May mga malungkot at may mga kasayahan
Ang mga iba dito'y ninanais ng kalimutan
At may mga itinuring na isang kayamanan
v
Nasa ilalim ng mataas na kalangitan
Napapagitnaan ng naiibang kabihasnan
Tahimik na panalangin ang nauusal
At ang mga kasalana'y ikinukumpisal
vi
May mga gabi ngang di dalawin ng antok
Kung saan-saan napapatingin at napapatutok
Nagpipilit paglabanan ang mga himutok
Kaya pagsapit nitong umaga'y tutuka-tukatok!
Tulang Walang Pamagat
By Amor S. Kagahastian
(Tanging Guro)
December 3, 2004
Disyembre a-uno ay dagling sumapit
Sa halip na tuwa, ang dala ay pait
Ang mga panaghoy ay napakasakit
Dahilan sa bagyong bansa'y hinagupit.
Maraming namatay dahilan sa baha
Pagguho ng bundok ay nakakabigla
Nilamon ng lupa bata't matatanda
Anong sakit namang ni bangkay ay wala.
Wala nang tirahan, wala pang pananim
Anong kakainin pagsapit ng dilim
Saplot sa katawan saan manggagaling
Nginig na sa ginaw, puso'y naninimdim.
Maraming nabalo't mga naulila
Halos ay panawan ng diwa't pag-asa
May tuwa pa kaya silang madarama
Pagdatal ng Pasko'y hintayin pa kaya?
Tayong mapapalad na di nasalanta
Magbigay ng tulong sa abot ng kaya
Sila'y idalangin na kayanin nila
Ang bigat ng kurus na papasanin pa.
Ating idalangin itong ating bansa
Nawa'y magkaisa ang namamahala
Na iahon tayo sa pagkariwara
Nang magandang bukas ating matamasa.
(Tanza schools are celebrating Teachers' Day simultaneously, Dec. 18)
Paano ba ang tula ng isang guro?
By Amor S. Kagahastian
(Tanging Guro)
December 17, 2004
Hatinggabi'y nagulantang sa malalim na pagtulog
Inapuhap ang rosaryong hindi alam ay nahulog
Bakit biglang nabalisa, parang may ibang tunog
Bakit biglang itong diwa tila pumapaimbulog.
Tila isang ipu-ipong humigop sa kamalayan
Isa-isang bumabalik iba't ibang karanasan
Mga tinig sa malayo siyang nauulinigan
Umiiyak, sumasamo at may nangagtatawanan.
Huwag po kayong umalis, umiiyak sa pagsamo
Mga batang kapit-kapit at sa wari'y nalilito;
Mga batang masasaya, roon sa kabilang dako
Iba nama'y natatakot parang nakakita ng multo.
Alaala ng mag-aaral di maalis sa gunita
Masasaya, malulungkot, may kaakibat na kaba
"Pag alis ko at nabigo, ako kaya'y babalik pa
Pagbalik kong isang bigo, ako kaya'y kilala pa?"
Pinagpilitang iwaksi nagsulputang pangitain
Nagsimula sa pagsinop di natapos na gawain
Ang aralin sa pagtula ay kailangan nang tapusin
Kaya't siya'y nagsimula nag-isip na nang malalim..
Paano nga ba magsulat ng tula ang isang guro
Kung ang bawat taludturan kasanib ang kanyang puso
Bawat pagbilang ng pantig nagtatakda ng numero
Bawat tugma ay paalam na sa puso'y dumuduro.
Tuwing araw ng pagtatapos, araw ng pagpapaalam
Bawat tuldok tila usok na sa mata'y sumisilam
Bawat tanong na bigkasin tila isang alingawngaw
"Anong buti'ng nagawa mo, ikaw ba'y nagsilbing tanglaw?"
Paano nga ba magsulat ng tula ang isang guro
Kung ang bawat talinghaga, di mawari, di makuro
Paano nga ba nanamnamin kagandahang itinuro
Gayong hindi napalimbag sa kahit na anong libro.
Paano nga ba magsulat ng tula ang isang guro
Pagmamahal, pang-unawa sa puso ay nakatimo
Walang gabi, walang araw, walang malapit o malayo
Bawat isa'y may halaga, walang marunong, walang dungo.
Pagbubuod:
Ang tula ng guro . . . ay tula ng puso
Ang tula ng isang guro . . . ay tula ng isang puso
Ang tula ko, isang guro . . . ay tula ng aking puso
Ang tula ng Tanging Guro . . . ay tula ng Tanging Puso.
ATING NAMNAMIN....
By Benydans
December 1, 2004
Naranasan mo ba ng minsa'y naninimdim
Sa iyong puso'y merong mabigat na dalahin
Sa tahimik mong pag-usal ng mga dalangin
Dama mong diyan lamang Siya, nakikinig sa iyong daing?
Sumandaling pamamahinga kanyang ipagkakaloob
Sapagka't magiging mahimbing ang iyong pagtulog
Paggising ay dama mong magaan ang iyong loob
Mauunawa ang sagot sa suliraning iniluhog.
Minsan may kamaliang hindi mo naiwasan
Kagya't may hagupit kang nararamdaman
Hindi man ito hampas na masakit sa laman
Kundi marapat na katapat ng iyong kasalanan.
Kung ang pamumuhay ay tunay na sagana
Sana nama'y matutong magbahagi sa kapwa
Kung sasarilinin, ito'y di nakakatuwa
Sa mata ng nagkaloob na sa iyo'y Siyang lumikha.
Pinatatalastas sa iyo, tunay na katuwiran
Kamalian ngayon, ngayon mo na pagdusahan
Huwag mo ng hintayin pa ang kawakasan
Sa kapighatia'y matindi ang kaparusahan.
Ang mga pagsubok at hirap ng loob
Ipinadarama lamang upang magtumibay ng lubos
Mga pagkatao nating Kanyang hinuhubog
Nang lubos maging dapat, tugma sa pagkakatubos.
Mga kapatid, lahat ng ito'y tanda ng pagmamahal
Ipinadarama sa ating Siya ay laging nakatunghay
Sa lahat ng sandali, pagibig Niya'y bumubukal
Sa ating mga anak Niyang binigyan ng buhay.
Tulang Walang Pamagat
By Amor S. Kagahastian
(Tanging Guro)
December 3, 2004
Disyembre a-uno ay dagling sumapit
Sa halip na tuwa, ang dala ay pait
Ang mga panaghoy ay napakasakit
Dahilan sa bagyong bansa'y hinagupit.
Maraming namatay dahilan sa baha
Pagguho ng bundok ay nakakabigla
Nilamon ng lupa bata't matatanda
Anong sakit namang ni bangkay ay wala.
Wala nang tirahan, wala pang pananim
Anong kakainin pagsapit ng dilim
Saplot sa katawan saan manggagaling
Nginig na sa ginaw, puso'y naninimdim.
Maraming nabalo't mga naulila
Halos ay panawan ng diwa't pag-asa
May tuwa pa kaya silang madarama
Pagdatal ng Pasko'y hintayin pa kaya?
Tayong mapapalad na di nasalanta
Magbigay ng tulong sa abot ng kaya
Sila'y idalangin na kayanin nila
Ang bigat ng kurus na papasanin pa.
Ating idalangin itong ating bansa
Nawa'y magkaisa ang namamahala
Na iahon tayo sa pagkariwara
Nang magandang bukas ating matamasa.
Ang kalembang ng batingaw
By Amor S. Kagahastian
(Tanging Guro)
August 8, 2004
Itong tao sa pagsilang ay palahaw ang pag-iyak
Waring isang pahiwatig ng takot sa kaniyang bukas
Mga tunog ng kampana sa oras ng kaniyang binyag
Hudyat ng pagkakalapit ng tao at ng Mesiyas.
Ang kalembang ng kampana, kakambal na ng nilikha
Panggising tuwing umaga upang tayo'y magsihanda
Pagdating ng takipsilim ay muling magpapaalala
Na ang gabi ay sumapit at dapat nang magpahinga.
Pagdating ng ikawalo ang tunog ay nagbabadya
Ipagdasal ang yumao matahimik kaluluwa
Pag repeke'y sunud-sunod ikaw ay umalisto na
Mayrong sunog, tumulong ka upang apoy maapula
Kapag mayroong ikakasal ay kaysigla ng kampana
Walang patid ang dupikal para sa bagong mag-asawa
Ngunit kaylungkot ng agunyas kapag mayroong pumanaw
Bawat tugtog ay simbolo ng damdaming humihiyaw.
Ang kalembang ng kampana iba't ibang kahulugan
Tulay na tagapag-ugnay sa Diyos at sangkatauhan
Mula sa araw nang isilang hanggang doon sa kamatayan
Kakambal ang mga tunog mabilis man o marahan.
Kapag pari'y nagmimisa at ang ostiya'y itinaas
Wari'y haring nag-uutos ang kampana sa itaas
Yumukod na kayong lahat pagkat sa isang iglap
Dugo't tinapay nasa altar magiging Diyos na ganap.
Kaya naman ang simbahan kapag wala ang batingaw
Hindi ganap ang pagkilos, may lamya ang bawat galaw
Tila ang Diyos ay malayo, ang bukas ay di matanaw
Kahit itong panalangin kulang na lang ay isigaw.
Ang tao, ang kampana at ang Diyos na Lumikha
Ang ugnayan ay malalim, tila balon ng hiwaga
Magpuri, magpasalamat, maghintay sa mga tanda
Pagbabalik ng Maykapal buong ningning, buong tuwa.
Masalimuot...
(Sa isang Pagkakamali)
By Nemie Baldemor-Diaz
(Tisay)
August 14, 2004
i
Bakit nga ba ikaw, ang naging tampulan
Iyong kaalaman, ang siyang pinagdududahan
Ano ang dahilan, sa mga pukol na paratang
Na nagiging batik, sa 'yong katauhan?
ii
Kung may kamalian, na dapat ituwid
Gawin ang nararapat, sa isip huwag iwaglit
Laman ng iyong dibdib, huwag mong ipagkait
Baka ito'y sumabog, lumipad duon sa himpapawid.
iii
Mga buwitreng nakaabang, sa lahad mong pain
Hindi ka pa nakakatalikod, ibig ng sagpangin
Mga walang patawad, buto ma'y ngangalutin
Tuwang iiwanan, ang wasak mong damdamin.
iv
Ga tuldok na mantsa, sa maputing tabing
Hayon ng mata, at lagi na'y kapansin pansin
Lagmak na putik, di nahagip ng paningin
Duo'y nagtatampisaw, mga tinamaan ng magaling!
v Kung iyong tutuntunin, ang gubat na makalat
Dalhing sandata, ang matalim mong sibat
Walang magagawa, ang tangan mong patpat
Sa mababangis na hayop, na duo'y nagkalat.
vi
Ang bangkang sasakyan, sa iyong pagpalaot
Siguraduhin ang timon, matibay at di gusot
Sa unos na sasalungain, huwag matatakot
Lubid ay tanganan, sa iyo'y ipulupot.
vii
Kung lutong ulam, lagi ay inulang
Nakakasawa't, ni ayaw ng tikman
Naiibang putahe, purbahang hainan
Hayaang magutom, kung di pa maibigan.
viii
Mga matang mapagmasid, ika'y huhusgahan
Gawin mong patas ka, sa bawa't labanan
Kulang man o lubos, ambag na nakayanan
May makikita pa rin, ikaw'y mapipintasan.
ix
Ang tampo at galit, huwag patagalin
Hinanakit sa puso, ay ating tanggalin
Ibinigay na biyaya, ito'y pagyamanin
Pagmamahal sa kapuwa, ating payabungin.
x
Masalimuot man yaring ating buhay
Tama at nararapat, ang gawing patnubay
Ang bawa't gawain, ating ipagpugay
Sa nasa Itaas, duon ito ay ialay.
ALIPATO
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
November 21, 2004
i Ang panahon ay nagbabago
Sino bagang nakakasigurado
Mabilis na takbo di natin piho
May tanda ka mang krusipiho
ii
Anumang lungkot, may paglipas
Kahit anong bigat, ito'y lalampas
Ang mga likod natin ay lalapat
Lahat ng bagay, may katapat
iii
Bulong ng hangin ang naghahatid
Hubad na katotohanang di nabatid
Sikil ang damdaming namamanhid
Mga tanikala ng luhang napapatid
iv
Maari pa ba kayang maituwid?
Ang mga bagay na nakatawid?
Nagsilipad na sa himpapawid?
Magpumilit mang magmatuwid?
v
Malakas ang ugong sa pandinig
Simoy ng hangin may dalang pantig
Tunog sa tayngang kinukuliglig
Kuyom sa damdaming naliligalig
vi
Kahit tadtarin ng pinong-pino
At kahit di na mapagsino
Nakamarka pa rin ang mga timo
Sa mga himaymay na nanglulumo
vii
Kanila pa nga kayang mabatid?
Ang katotohanang nais ihatid?
Ulilang buhay man ay mapatid
Hahanapin pa rin ito sa paligid
viii
Ang mga alipatong lumilipad
Tangay ng hangin, sumalipadpad
Ang katotohanang hinahangad
Hindi na nga kaya matutupad?
MAPAGBIRONG DAIGIDIG
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
November 28, 2004
i
Sa daigdig ng mga maralita
Isang buhay na walang-wala
Doble ang kahig, isang tuka
Napapamaang, napapatunganga
ii
Kinabukasang pilit tinatanaw
Basag na salamin sa balintataw
Dusa't pighati ang sumasaklaw
Pag-asang malabo di maaninaw
iii
Palaging tuliro't naghahagilap
Itong pang-agdong inaapuhap
Paano nga baga makakatawid?
Kung ang buhay nakatagilid?
iv
Ang haliging sobra ang sipag
Hampas-katawan, nangangarag
Kapirot na kita, hirap makadagdag
Manipis na bulsang kumakalpag
v
Ang pobreng ina'y tuliro't umiikot
Tuyot na labi'y abot-abot ang kibot
Paano nga baga mapag-aabot,
Itong mga butil na nalalagot?
vi
Ang mga basyong makalantog
Yayat na dibdib kumakabog
Aburidong ulo'y halos i-untog
Wala kahit na pang-binatog
vii
Ang mga mukhang nahahapis
Impit na luha'y namamalisbis
Ang buhay laging nasa libis
Mga pagdurusang labis-labis
viii
Tuliro sa mundong mapagbiro
Sa kawawang mahirap nakaturo
Puno ng hirap at kalungkutan
Panay pagdurusa ang pasan
ix
Ano nga bagang kasalanan?
Nasaan na ang katarungan?
Sa mundo'y laging api-apihan
Kailan kaya ang katapusan?
x
Ang kapalarang humahampas,
Wala na ba itong paglipas?
Kailan nga ba magbabago,
Ang daigdig ng ginagago?
TANAWIN SA MATA NG ISANG IBON
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
November 23, 2004
i
Minsang pag-ahon sa bundok, naligaw
Doon sa kaparangan, napabuglaw
May mga maririkit na dahong ligaw
Pag nadaiti sa balat, maaligawgaw
ii
Banayad itong simoy ng hangin
Makapigil-hininga ang mga tanawin
Kahit saan pa magtapon ng tingin
Mulit-muli mo pa itong lilingunin
iii
Berdeng-berde ang kapaligiran
Parang kumakaway ang damuhan
Wari bagang kaysarap gumulong
Sa paghilata't pagtulog, susulong
iv
Ang mga ibon, nagsisipagsikaran
Kanya-kanyang lipad at habulan
Parang mga batang nagsisipaglaro
Sa mga sanga ng punong nakaturo
v
Naggagandahan ang mga bulaklak
Ang ibat-ibang kulay, nakakagalak
Nakaka-enganyo ang mga halimuyak
At sa kapaligira'y nagmistulang gayak
vi
Natatanaw sa itaas ang buong bayan
Mga bahay sa malayo'y parang laruan
Marami ang mga antennang namumuti
Na animo'y mga nakataas na palamuti
vii
Parang isang ibon ang hugis ng bayan
Nakagapang ang malawak na palayan
Sa malayo'y napakagandang pagmasdan
Ang kanyang natatanging kabuoan
viii
Ang tanawin sa mata ng isang ibon
Malaki ang nasasaklaw at natitipon
Sa murang kaisipan ko noo'y napapinta
Na di malilimutan kahit saan mapunta!
HANDOG SA DAMBANA
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio) November 1, 2004
i
Nais kong ibalik ang haligi't ilaw
Bakit nagmadaling ito'y pumanaw
Malupit na mundo'y halos magunaw
Tanging kadiliman ang siyang natanaw
ii
Halos magkasunod na nangatumba
Ang mga bantayog na sinasamba
Bakit ba ganyan ang buhay ng aba?
Puno ng dagok? Makatarungan ba?
iii
Sugatang pusong nanggigipuspos
Lahat ng pag-asa'y halos naupos
Napakaagang naging ulilang-lubos
Ang naiwang pugad hindi natubos
iv
Lumaban sa mga pagsubok at hagupit
Gintong karunungan, itinanim na pilit
Sa hirap at pagod hindi nag-alumpihit
Ang bulsa man at katawa'y mamilipit
v
Sa mga kasabay halos di nagpadaig
Luha at dugo ang siyang ipinangdilig
Upang magkaroon ng matamis na bunga
Ang natatanging handog sa dambana
vi
Nagsusumigaw ang panghihinayang
Di nakatikim ng tamis ang magulang
Huli na ng sumibol ang mga pukyutan
Sana man lang ito'y kanilang natikman!
MULING PAGKAMULAT
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio) October 31, 2004
i
May isang ibong lumipad, iniwan ang pugad
Ikinampay ang mga bagwis, lumayo't lumipad
Tinawid ang kalawakan at doon nag-galugad
Ang mga ninanais itong hanap na matupad
ii
Halos hindi na lumingon sa pinanggalingan
Hindi na rin pinansin kung anong pinagmulan
Nagpatuloy sa paglipad kahit pa umuulan
Napapagal ang mga bagwis, tagos sa laman
iii
Mga sanga-sangang landas ang natagpuan
Ngunit liko-liko itong napiling daanan
Maganda ang bungad, walang tinik ang harapan
Ngunit ito pala, ang daigdig ng kasalanan
iv
Tumugpa sa pagsubok ng mga panahon
May mga pasalungat, kadalasa'y umaambon
Mga pigil na luha'y pilit na ibinaon
Lahat ng pagkakataon, nagsikap na umahon
v
Doon sa daigdig ng ligaw, pumaimbulog
Ang kagandahang-asal, unti-unting nahulog
Pagkabubot ng isipan, nang ito'y mahinog
Natangay ng kamunduhan at doon uminog
vi
Nag-iigting na gunita'y walang tigil ang agos
Mga bakas ng ala-alang gustong humulagpos
Pagal na itong isip, hindi pa rin matapos
Hindi na mapipigil ang matindimg paghugos
vii
Hanging may dalang tinig na sumisigaw
Mga gunita ng kasalanang uma-alingasaw
May tenga ang lupa at doo'y sumingaw
May pakpak ang balita na uma-alingawngaw
viii
Pagod ang diwang naglakad sa tabi ng dagat
Matinding nararamdaman, kirot na kumakagat
Ang sumbat ng budhi ay halos sumambulat
Naghuhumiyaw na katotohanan at nagdudumilat
ix
Matinding pagsisi ang siyang naramdaman
Nakalampas na panahon, di na muling mababalikan
Maraming pagkakataon ang lumampas sa tulay
Hindi na mahahabol sapagkat sa agos, natangay
x
Sumapit ang umaga, ang mga mata'y nagmulat
Hindi pa siguro huli, upang maituwid ang lahat
Magsisikap na bumalik, ang buhay ma'y salat
Salamat po Panginoon, sa muling pagkamulat!
SANA...
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
October 16, 2004
i
Sana'y magkaroon na ng katapusan
Ang mga nangyayaring kahirapan
Ang buhay ay puno ng kaginhawaan
Ang balana'y puno ng kaligayahan
ii
Sana'y mura ang lahat ng bilihin
Lahat ng bagay madaling kamtin
Madaling abutin lamang ang lahat
Sa mga pangangailangan ay sapat
iii
Sana'y mapalitan ng kaligayahan
Ang lahat ng mga kalungkutan
Tuluyang hawiin ng mga ngiti
Ang lahat ay may pagbubunyi
iv
Sana ang mundo'y tahimik
Mga terorista 'wag ng umimik
Wala ng kaguluha't namamatay
At mga inosenteng nadadamay
v
Sana ay wala ng mga inggitan
Ang mga kaisipan ay lawakan
Malalaki ang mga pang-unawa
Mga selos at tampuha'y wala
vi
Sana nga'y mga mapagtakpan
Ng gawang mabuti ang mga kamalian
Tumibay ang lahat ng mga samahan
Walang pag-iimbot na pakikipagkaibigan
vii
Sana nga'y akin ng maikabig
Maibalibag ang malakas na pintig
Tukiking pag-ibig na di maipahiwatig
Laman ng isip, maibulalas na sa bibig
viii
Sana ay lagi tayong pagpalain
Magtagumpay sa mga lunggatiin
Magpatuloy ang ulan ng mga biyaya
Kaya't ating sambahin ang Maylikha!
BANYUHAY
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
August 24, 2004
i
Kapara ng mga tao sa mundo'y mga tuldok
Sa ilalim ng araw ay mga nakatumpok
Sa pang araw-araw na buhay ay nakikihamok
May katuwaan, pagkaminsa'y may himutok
ii
Ibat-ibang larawan ng buhay ating matatanaw
Ngunit kadalasang kahirapan ang maa-aninaw
Mga tuldok kanya-kanyang igpaw at mga galaw
Nagpupumiglas sa mga pagsubok na dumadalaw
iii
Itong mga mahihirap kanya-kanya ng kaybot
Ang maiksing pisi'y pilit na pinag-aabot
Bawat pagkakataon ay kanilang pinupulot
Upang sa pamilya, may pagkaing maidulot
iv
Ang pangarap na mailap pilit na hinahanap
Upang katiwasayan sa buhay ang siyang maganap
Pilit na binubuo mga pira-pirasong pangarap
Ng sa gayo'y matapos na itong mga paghihirap
v
Bakit nga ba ganyan ang ating mga buhay?
Pagkaminsa'y kalungkutan ang siyang namamahay
Bawat hampas ng bagyo'y naglalagay ng suhay
Nagpipilit na ito'y mabago at binabanyuhay
vi
Nilalabanan ang dating nitong mga lungkot
Silakbo ng mga pangyayari sa mundong umiikot
May kasamang alimuom na siyang lumilibot
Pinipilit na mapalis ang dibdib na nagkukukot
vii
Ang buhay sa mundo'y sadyang matalinghaga
Ito ay punong-puno at batbat ng hiwaga
Sa bawat paghamon, kailangan ang tiyaga
Upang sa bandang huli, magkaroon ng nilaga
viii
Lakas at tibay ng loob panlaban sa sigwada
Upang matiwasay na buhay ay 'wag mapurnada
Pagtibayin ang pagdarasal upang maging handa
Pasasaan ba't ang lahat ay magiging maganda
ix
Kaligayahan at dusa na siyang sumasapit
Minsan mga haplit ng panahon itong lumalapit
Sa matibay na pananampalataya tayo'y kumapit
At mga pangarap sa buhay, doon mangunyapit
x
Nawawalang pananampalataya ay ating ibalik
At sa Kanyang paanan tayo ay humalik
Pakaasahang laging tayo'y Kanyang tangkilik
Upang makita ang liwanag, kaligayaha'y babalik
Note:
Banyuhay means "Bagong Anyo ng Buhay"
ANINO
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
August 11, 2004
i
Araw-araw ay naglalakakad
Iba't-ibang lugar, ginalugad
Tanging sapin ay lumalapad
Ang mga alikabok, lumilipad
ii
Sa mga landasing liko-liko
Ang mga dulo'y di magtagpo
May mga aninong tagusan
Landasing walang katapusan
iii
Sa pagsapit ng takip-silim
Ang mga mata'y nanglalalim
Bakas sa mukha ang kulimlim
At punong-puno ng panimdim
iv
Sa pahingahan nagtutumata
Gumagawa ng mga muta
Saksi ang kwadradong nakamata
Sa buong-bigat na paghilata
v
Agos ng ala-alang bumabalik
Mga susot ng diwang tumbalik
Sa pagod na diwa'y nakasurot
Na kalungkutan ang idinudulot
vi
Ang haligi't ilaw na nawala
Tanging pugad na nagiba
Mga sisiw na nagkawalay
Naghahanap ng tagumpay
vii
Ang kahirapang minana
Buong panahong di alintana
Nagpipilit na matakasan
Ang kinagisnang pasan-pasan
viii
Mga pangarap na suminsay
Pagsisikap na walang saysay
Ang napitpit na kudyapi
Mga kwerdas na nayupi
ix
Napigtas na bunga ng kahapon
Nangasayang lahat at natapon
Ang mga luha'y nakabaon
Sa kapalarang umaambon
x
Ang mga hagupit na natipon
Na nagpipilit sa pag-ahon
Luha't halakhak ay umaalon
Na nagpupumilit sa pagbangon
xi
Ang kabubutang nahinog
Nadala ng agos at uminog
Sa mundo ay pumaimbulog
Sa kasalanan ay nahulog
xii
Mga kalabang nasa likod
Sa ginagawa'y nakatanghod
Hindi malaman ang kagustuhan
At ayaw lumabas ng harapan
xiii
Mga paghamon at paglibak
May kasamang mga halakhak
Para bang walang karapatan
Itong kanilang hinahatulan
xiv
Ang aninong nakadukmo
Sa pagkatao'y tumitimo
Mga kapintasang nakapinta
Ang siyang tanging nakikita!
SALAMAT PO, PANGINOON
By Amor Salceda Kagahastian
August 11, 2004
Salamat po
Sa muling pagsapit nitong kaarawan
Maraming bumati ngayong buong araw
May nangungumusta, mayrong nagdarasal
Upang ako'y bigyan ng mahabang buhay.
Katulad ng dati, mga mag-aaral
Nagdaang panahon at kasalukuyan
Mga kaibigan dito't sa ibang bayan
Mga kababayang nasa ibang lugal.
Mga apo at pamangkin, isa't isa'y bumati rin
Mga utol sa Paete, nangagdasal para sa 'kin
Pamilya ko sa Cavite, sila ang pangunahin
Ng pagbati umaga pa, si Bunso ay may awitin.
Umuusok itong cellphone ang daming messages
Load ng isang cell card kamuntik nang maubos
Iba-ibang gimik at picture messages
Ako'y nangingiti, pagpindot ko sa Read
May number pang unknown at wala sa fonbook
Bakit nagtatago, gusto'y anonymous
Ewan sa kanila basta't aking sagot
Salamat o ty o tnx hanggang sa matapos.
Maging Usap Paete nang aking dalawin
Sangkaterbang postings iisa-isahin
Upang ang thank you ko ay maiparating
At mabigyang-sagot kanilang paggiliw.
Ang nakakatats na eksena'y sumapit
Sa bahay nagyari dahil ako'y absent
Sakit ko kahapon di pa gumagaling
Malat pa ang boses at hatsing nang hatsing.
Sanrekwang students buhat sa IV-Einstein
Walang abug-abog ay biglang dumating
Nag-cutting classes pa para lang batiin
Ang kanilang gurong tingin nila'y bugnutin.
Isang pumpon ng pulang rosas agad ibinigay
Saka isang kahong ang kulay luntian
Pagkaabot nama'y dagling nagsilisan
Pagaling kayo Mam salitang iniwan.
Nang buksan ko ang kahon ako ay namangha
Ang laman ay samu't sari, iba-iba ang hitsura
Letters of endearment, makabagbag talaga
Dahil daw sa akin ay nagbago sila.
Isang sigay, isang keychain, mga angels at pamaypay
Paper flowers, mga pictures, self-made cards at isang ball pen
Bawa't isa'y may simbolo silang isinasaysay
Tila baga pang-SHE album ang kanilang ibinigay.
May isa pang anghel na biglang lumitaw
Dating estudyante ng 1991
Taguri sa kaniya'y aking Prodigal son
Muli siyang nagbalik para magpaalam.
Arcangel Bernal ang kaniyang pangalan
Fourth Year nang magluko sa kaniyang pag-aaral
Sumipot-dili siya kaya inaryahan
Ang daming pangaral aking binitiwan.
Mabuti't nakinig kaya Prodigal Son
Nagbalik sa klase kaya't naka-graduate.
Siya raw paalis, trabaho'y sa Japan
Dumaan lang para batiin kaniyang Mam.
Nitong dakong hapon, mayroong tumawag
Isang naka-kotse, bumaba kaagad
Mayroong dalang ice cream, pansit at tinapay
At malaking cake ang ibinibigay.
Padala ho ni Engineer dati ninyong estudyante
Happy birthday daw po sa inyo Madam
Anong sasabihin kundi salamat lang
Maraming biyayang muli ay dumatal.
Pasalamat ko po Panginoong diyos
Dahil ako'y di Mo pinababayaan
Pulos pagmamahal Iyong ipinararamdam
Iba't ibang tao kinakasangkapan.
Sa inyong pong lahat muli ay salamat
Isang kaarawan muli ay lilipas
Tumanda mang muli ako'y pasalamat
At inabot ko pa ang ganitong edad.
TINAWAG
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
August 8, 2004
i
Matindi ang sikat ng haring araw
Na sa aking balat ay tumutuklaw
Sinag, nakasunod sa bawat galaw
Nitong buhay na namamanglaw
ii
Isang buhay na walang tanglaw
Mga karanasang nakakasilaw
Dumadalaw sa agos ng balintataw
Mga daloy na tila ayaw bumitaw
iii
Ang kalungkutang kumikislot
Sa litong isipa'y nakadaklot
Sinasaklaw ang bawat kibot
Ng ulilang pusong kumikirot
iv
Ang mga salitang sinasambit
Laging ala-ala sa bawat saglit
Dalaw ng yugtong nagngangalit
Bugso ng mga gunitang lumalapit
v
Sa aking mga pag-idlip
Mga ala-ala'y laging nakalakip
Mga katanungan sa aking isip
Ang mga kasaguta'y 'di mahagip
vi
Katuwaang nawalan ng saysay
Niyakap, mababang estado ng buhay
Kumunoy ng makamundong kasiyahan
Maituturing na malaking kahangalan
vii
Hindi matandaan, kung saan at kailan
Paano naramdaman ang kahungkagan
Ang KANYANG pagtawag ay biglaan
Ngunit naging manhid sa naramdaman
viii
Isang bulag na nagbubulag-bulagan
At isang binging nagbibingi-bingihan
Ipinikit ang mga mata't tenga'y sinarhan
Ang itinatanggi'y kailan matutuklasan?
SILIP SA BUHAY
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
July 28, 2004
i
Ang pagsasabi ng konting nalalaman
Isang palipasan lang at di pagyayabang
Ang tanging ninanais ay ang maglibang
Kaya ang tanging hiling, sana'y maunawaan
ii
Walang katiyakan ang takbo ng panahon
May mga pangyayari, pang urong-sulong
Makisayaw sa tugtog na makakatulong
Kung sinusubakan ang kimkim na hinahon
iii
Ang pagmamahal, kinain na ng inggit
Kaya ang pang-unawa'y di na makasingit
Di na makaisip ng tama kahit na saglit
Itong reklamo ang laging dinadalit
iv
Kunwari ay ayaw, lagi namang nakasilip
Taas pa ang kilay, laging nakahalukipkip
Ayaw pakawalan ang kanyang nasa isip
Pintasan ang kapwa, diyan sila di malirip
v
Pagsariling kakulangan, 'wag ibintang sa iba
Sapagkat ito'y bagay na di makatarungan
Di nila kasalanan ang 'yong pagiging abala
Sariling diskarte lang ang 'yong kailangan
vi
Kapag minsang lumapit, itong kapalaran
Dapat itong pagyamanin at paka-ingatan
Upang hindi ito mawala't masayang lamang
Ng di maiwang nakanganga sa panghihinayang
vii
Itong panahon ay mabilis ang paglipas
Magagandang pagkakataon ay lumalampas
Ang buhay, may kasamang mga hampas
Dapat mag-ingat, pag-akyat sa talampas
viii
Sumisikat ang araw, lulubog, nagmamadali
Patungo sa dako na sisikatang muli
Paikut-ikot lang ang hangin at ito'y bubuga
Umiihip patimog, bumabaling pahilaga
ix
Ang saling-lahi'y umaalis at dumarating
Lupa ay magpakaylanmang mananatili
Hindi na magugunita pa ang mga nauna
Pati na rin ang mga susunod sa kanila
x
Mangyayari ulit ang nangyari noong una
Gagawin ulit ang mga ginawa noon pa
Waring walang bago sa ilalim ng araw
Marami ang paulit-ulit sa mundong ibabaw
xi
Ang agos ng ilog patungo sa karagatan
Ngunit ang tubig sa dagat, di umaawas
Agos ng tubig, nagbabalik sa pinagmulan
Upang umikot na muli at lumagaslas
xii
Nakakasawa na ang lahat ng mga salita
At nagwawakas din ang mga pananalita
Ngunit kailanma'y di nasiyahan ang mga mata
Sa mga nakikita at naririnig ng taynga
xiii
Habang nagiging mas marunong ang mga tao
Lalo namang dumarami ang kanyang mga lilo
Habang mas marami itong natututuhan
Mas lalo pa siyang higit na nahihirapan
xiv
Sa alak binibigyang-lugod ang katawan
Habang naghahanap nitong karunungan
Ang puso'y ipinaubaya sa mga kalokohan
Upang ang takbo ng buhay ay matuklasan
xv
Walang sapat na kita ang umiibig sa kayamanan
Sinumang umiibig dito'y walang kasiyahan
Mahimbing ang manggagawa sa kanyang pagtulog
Ngunit di makatulog ang mayamang busog
xvi
Ang tao'y hubad ng manggaling sa sinapupunan
Hubad ding babalik walang madadalang anuman
Sa mga naging bunga ng mga pagsisingkaw
Kung paanong dumating, ganun din sa pagpanaw
xvii
Nagtatrabaho ang mga tao para may makain
Ngunit walang kasiyaha't sadyang mahilingin
Wari bang mas mabuti ang nakikita ng mga mata
Kaya mga materyal na bagay ang laging pinipita
xviii
Karununga'y singhalaga ng isang pamana
Sa mga sinisikatan ng araw ito'y isang grasya
Proteksyon ang karunungan gayundin ang pera
Na siyang bumubuhay at nagpapariwasa
xix
Umiiwas sa gulo ang sumusunod sa utos
Alam ng marunong ang panahon at pagkilos
Ang panahon ng paghatol at halaga ng lahat
Sapagkat sa buhay ito'y kabiguang mabigat
xx
Binigyan Niya tayo ng karunungan, kaalaman
Kaya't mag-ipon para sa Kanya ng kagalakan
Sapagkat ito ang maghahatid -lugod sa Kanya
Upang sa buhay tayo'y magkaron ng saya
xxi
Bawat isa'y ginawa Niya ayon sa panahon
Kawalang-hanggan Niya sa puso'y natipon
Bagamat di maunawaan ang gawa ng Diyos
Mula simula, hanggang sa wakas, di matalos
xxii
Ang buhay sa mundo, sadyang mahiwaga
Ito'y di mapipigil, sa salita man o sa gawa
Ang mga kaloob sa atin, hindi pa ba tama?
Palaging kulang, laging hintay ay biyaya?
KALABITIN By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
June 28, 2004
i
Kailangan Kita araw-araw
Kung ano pa man ang lumitaw
Kailangan ko ng lakas at tibay
Sa pang araw-araw na buhay
ii
Sa landas, maraming nasasalubong
Iba't-iba at may mga nakakulubong
Ang iba sa kanila ay mga ulupong
At mayroon pang mandarambong
iii
Mga pang araw-araw na pagsubok
Sa mga tinutugpang pakikihamok
Ang mga hagupit ng mga sigwada
Sana'y patnubayan sa pakikibaka
iv
Kalabitin Mo kung nagkakamali
Para landas na tuwid, manag-uli
Pipiliting di na maulit pang muli
Isasakatuparan ng walang pagkukuli
v
Walang kapantay, pag-ibig na handog
Poong mapagmahal kami'y Iyong hinubog
Pagsintang tunay, langit ang may hulog
Sa puso'y natanim hain Mong alindog
vi
Malaking pasasalamat ay tanggapin
Sa mga grasyang Iyong ini-aahin
Na sa amin, nagsisilbing palatandaan
Tungo sa walang-hanggang kaligayahan
vii
Bawat minuto at oras, binabantayan
Ang bawat araw na lumipas, binibilang
Hinahanap kung ano pa ang kulang
Upang makabalik sa Iyong kandungan!
MALAYO ANG NALIPAD
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
June 16, 2004
Ka Amor, ako'y napaiyak
Ang bahay-luha'y nabiyak
Nabasag ang aking damdamin
Sa iyong magandang tulain
Tunay kong naramdaman
Ang buhay na pinagdaanan
O bakit nga baga ganyan
Ang ating mga kapalaran?
Walang taros na pagsubok
Lahat ng paghihirap sinalok
Sa trono ng dusa'y nakaluklok
Kaginhawaha'y dià maarok
Ano pa man ang nakaraan
Dapat pa ring pasalamatan
Ang Diyos tayo ay binigyan
Dunong at lakas ng katawan
Ka Amor kita ay binabati
Halos ako'y magtalumpati
Sa iyong mga nahayon
Sa mga lumipas na panahon
Puso'y puno ng kagalakan
Sa dami ng napagtagumpayan
Mahirap talagang mapantayan
Ang layo ng 'yong niliparan!
KUNG KAYA NIYA, KAYA MO RIN
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
July 4, 2004
i
Maraming bagay ang ninanais
Sa kaisipan ko'y gumigiyagis
Ang mga nilalayon na matupad
Sa hihip ng hangin, lumilipad
ii
Kung kaya niya, kaya mo rin
O bakit nga baga, hindi subukin
Ang lahat, pupwedeng gawin
Humayo't pag-asa'y dungawin
iii
Kaya mo ito, bakit nga baga hindi
Subukan mo't huwag ng magkuli
Mga sandali'y huwag ng sayangin
At pasimulan na ang gustong gawin
iv
Kung ang iisipin ay mabibigo
Ang pag-asa ay magtatago
Lahat ng pangarap ay lalabo
Ang buhay pa'y hindi lalago
v
Sa pagkukuli ay talo na agad
Hindi pa man ito nasusubukan
Ang pagwawagi'y di matutupad
At maiiwan ka pang talunan
vi
Halika na at magsimula
Huwag na tayong tumulala
Walang mangyayari sa tingala
Ng ang pangarap, di magkabula
vii
Ang lahat ng taong nagwawagi
Ang hina ng loob, hindi sinusubi
Malakas ang paninindigan
Pangarap ang pinakikinggan
viii
Lakas ng katawan ang puhunan
At tamang takbo ng kaisipan
Lahat ng ito'y dapat pasalamatan
Sa Panginoong nasa kalangitan!
PAKIKIPAGSAPALARAN
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
June 21, 2004
Dedicated to: Nemesia Baldemor-Diaz
i
Isang anino ang naglalakad
Ang araw di pa bumubukadkad
Pumapatak-patak pa ang ulan
Ngunit di pansin mabasa man
ii
Nang sa gitnang-bayan sumapit
May naispatang bagay at lumapit
Sa kalye baryang papel nakakalat
Dinampot isa-isa ng may gulat
iii
Impit na katuwaan ang nadama
Nadagdagan ang konting pera
Na siyang kailangang nangunguna
Pagluwas sa Maynilang pinipita
iv
Ito kaya'y hulog ng langit?
Kahit bugso ng ulan nagsusungit?
Sa konting naipon, nangunyapit;
May karagdagang hulog ng langit?
v
Sa Maynila ang siyang tungo
Upang maghanap ng trabaho
Nang sa gayo'y maipagpatuloy
Ng mithing pangarap di maluoy
vi
Lungsod, nahayon at nagulat
Sa lawak nito'y mistulang gubat
Paghakbang paa'y di mai-angat
Takot nadama di tanto saan nagbuhat
vii
Sa kaibigan ng amain dun nakitira
Unang obligasyon ang buwanang upa
Kahit ilalim ng hagdan, naging lungga
Sa kanyang puso, may hatid na saya
viii
Dating hindi marunong magsaing
Maglaba ng damit na marurusing
Pati pagpaplantsa'y natutunan
At pag-aayos ng punda't unan
ix
Sa trabaho, swerteng nakapasa
Hawak ang sinulid at makinarya
Pabrikang gumagawa ng maong
Na sa pag-aaral ang nakatulong
x
Walong oras, trabaho nakatayo
Mga dulo ng sinulid pinagtatagpo
Makinang takbo'y pagkabilis-bilis
Kahit sa toilet, di makatalilis
xi
Ang trabaho'y laging panggabi
Mga telang maong ang hinahabi
Kaunting tulog lang sa umaga
Sa hapon ang pasok sa eskwela
xii
Unibersidad na pampubliko
Itong nakayanang kolehiyo
Pabalik-balik sa Lepanto
Ng sa akademya'y matuto
xiii
Mga lumang gamit na kupasin
Pagod na sapatos at pudpurin
Ang pang araw-araw na alaga
Hindi pa ito magkanda-ugaga
xiv
Baon sangkusing walang pangsaing
Maswerte na kung ulam ay daing
Minsan hot pandesal ang hapunan
Tanging daliri ang siyang palaman
xv
Ang pagod at puyat di alintana
Tanging pangarap ang kasama
Punong-puno ng determinasyon
Pasasaan ba't may mahahayon
xvi
Ang mga taon ay lumilipad
Mga araw at buwan, lumilikwad
Kahit papaano'y may tanawin
Ligaya't ginhawa ay darating
xvii
Ang kapalarang hinuhugot
Na siyang pilit na inaabot
Kung ano pa man ang itutulot
Diyos ang siyang makakasagot!
NAKAGUHIT?
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
June 29, 2004
Siyam na buwang dinala
Sinanggol noong bata pa
Mga magulang, tuwang-tuwa
Sa animo'y anghel na nilikha
Bata-batuta 'sang perang muta
Papaano ka baga ginawa?
Saan ka baga nanggaling?
Bawa't puso'y nasasaling?
Batang nalulong sa droga
Sa paglilimayun inu-umaga
Utak sa droga ay namanhid
Lagim ang kanyang inihatid
Napasama sa rambulan
May kasamang habulan
Nagkaroon ng saksakan
Sumapit ang kamatayan
Ipinanganak na malamya
Sobra pa siyang makahiya
Natuliro't nalito sa ligaya
Sa kabaro ay nagpaubaya
Ang laruan niya'y manyika
Ang kapalara'y di maatikha
Sa Maynila ay may nakita
Trabahong bubuka-bukaka
Paligid, puno ng dagitab
Ang lahat ay kumikintab
Bulsa ng parukyano'y nabaliktad
Sa sayaw na paiktad-iktad
Ipinanganak na nakahubad
Mga pangarap nais matupad
Kung saan-saan sumalipadpad
Sa trabaho'y hubo't-hubad
Puno siya ng ambisyon
Naghahabol sa panahon
Ang abroad ay nahayon
Umuwi siyang nakakahon
Sobrang hilig sa alahas
Ganda niya'y parang hiyas
Bayan niya, siya'y lumayas
Bumalik, bulak nasa butas
Isang gurong kapita-pitagan
Nagpasyang mangibang-bayan
Bilang katulong ay namasukan
Ang puri niya'y nilapastangan
Dumaan, maraming sasakyan
Ngunit may pagka-pihikan
Ang sagot, laging halukipkip
Naghahabol tuloy sa last-trip
Kabiyak ng puso'y nagbilang
Pagsasama'y laging kulang
Hindi baga magka-unawaan?
Lagi bang may katandisan?
Sagana sa hirap, yaman ay salat
Ang mata'y lagi pang nakadilat
Puno ng lungkot, luha ang katapat
Pilit na nilalabanan ang bigat
Ang buhay natin sa daigdig
Isang bagay na nakakahumindig
Tayo'y may kanya-kanyang guhit
Iba't-ibang bagay ang sumasapit!
ANG TULA AT AWIT
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
April 27, 2004
I
Ang tula ay isang awit
Nakakatangay ang pang-akit
Ang teksto nito'y binubuksan
Isang himig ng sanglibutan
II
Pinupukaw ng mga awitin
Ang ating mga lunggatiin
Dumederetso sa ating puso
At doon, ito ay tumitimo
III
Ang awit ay isang talinghaga
Isang karanasang mahiwaga
Espirituwal na paglalarawan
Na madaling maunawaan
IV
Karaniwang tungkol sa pag-ibig
At mga pagtatagpong may kilig
Ang kahuluga'y hindi malirip
Na parang isang panaginip
V
Hinahawi nito ang isang dula
Sa ibang lugar pa nagmumula
Pagbubukas ng bawat tabing
Sa bawat pusong humihiling
VI
Nakabibighani ang paghahanap
Ang pagtatagpo ay nagaganap
Pagbubunyag ng isang misteryo
Na nagmula pa sa kabilang ibayo
VII
Nagsasaad ng mga kaalaman
At mayamang mga karanasan
Isang panawagan ng pag-ibig
At punong-puno ng pahiwatig
VIII
Minsan ang pag-ibig ay masakit
Nagbibigay kirot at mga pasakit
Hindi mo maiisip na ito'y mali
Pagkaminsa'y parusa sa sarili
IX
Paala-ala sa mga bakas na naiwan
Na nagsilbing mga palatandaan.
Gunita ng mga pinagsamahan
Sa kalungkutan man o kaligayahan
X
Tula't awit ng mga nakaraan
Nilulunggating lupang hinirang
Isinasabuhay ang mga pag-asa
At pag-ibig sa sinilangang lupa
XI
Sa Banal na Aklat ay matatagpuan
Mga tula't awitin ng pagmamahalan
Paghihirang sa Panginoong Diyos
Na nagsasaad ng pagsintang lubos
XII
Ang tula't awiti'y sadyang mahiwaga
Ito ay punong-puno ng talinghaga
Mga emosyon natin ay natatangay
Sa bawat agos ng ating buhay!
(On Father's Day) Sa Iyo Ama, Di Man Nakilala
By Amor Salceda Kagahastian
June 15 2004
Mulang magkaisip ako'y may katanungan
Bakit walang ama akong kinagisnan
Di tulad ng iba sa kanilang tahanan
Kasama ang ama sa paghalakhakan.
Mga kalaro ko'y kinaiinggitan
Pag-uwi ng ama sa kanilang bahay
May dalang pagkain at mga laruan
Ibang kagamitan, pati kasuotan.
Sa tuwing titingnan ang aking sarili
Lumang kasuotan panay pa ang sulsi
Pudpod na ang bakya'y di pa makabili
Pakiramdam ko ba ako'y aping-api.
Kinamulatan kong si ina'y may sakit
Bawal ang matuwa, bawal ang magalit
Kaya kahit puso ay puno ng pait
Hindi maihayag yaong hinanakit.
Mga kapatid ko na nakatatanda
Sila'ng nagtrabaho, sila'ng sumalunga
Bundok ng kalbaryo ang nakakapara
Ang hirap ng buhay kanilang binata.
Pati pag-aaral ay kinalimutan
Humanap na lamang mapagkikitaan
Wala na ring layaw silang nangatikman
Pagbuhay sa amin kanilang pinasan.
Tiyang kumakalam ang kinamihasnan
Natutong magtiis at huwag umasam
Ng anumang bagay na may karangyaan
Sapat nang may lugaw sa hapag-kainan.
Kaya't ako'y laging sakbibi ng lungkot
Kawalan mo ama ay pait ang dulot
Hinahanap kita maging sa pagtulog
Na laging hantungan masamang bangungot.
Ang yakap mo ama hindi naranasan
Ang 'yong mga halik ay hindi natikman
Masarap ba ama ang nararamdaman
Kapag iyong karga at ipinapasyal?
Kapag dumarating mga suliranin
Sa ina'y di masabi ang mga panimdim
Sa pag-aalala baka siya sumpungin
Kaya sa puntod mo, ako dumaraing.
Wala nang haligi, ilaw pa'y malamlam
Paano ang buhay? Lugami't may lumbay
Sinikap bumangon, pakpak ikinampay
"Ako'y mag-aaral at magtatagumpay."
Kahit hindi buo ang aming tahanan
Kahit panay tinik ang dinaraanan
Pilit kong nilipad yaong kalawakan
Hanggang sa makamit mithing karunungan.
Sa iyo, o ama, di man nakilala
Mula pagkabata'y minamahal kita
Naghanap man ako batid kong andyan ka
Kasama sa langit ng Dakilang Ama.
Sa Pag-ikot ng Mundo
By Amor Salceda Kagahastian
June 6 2004
PANGYAYARI . . .
Sa bawat ikot ng mundo ang oras ay lumilipas
Sa bawat oras na dumaan may buhay na nuutas
Bawat buhay na mabuwis may lungkot na nag-aalab
Bawat alab ng damdamin mayrong sumpang tumatalab.
TUMBALIK . . .
Sa pagsumpa ay kasama kaluluwa, puso't diwa
Diwang puno ng pag-asa'y unti-unting nawawala
Pusong puno ng pag-ibig pumalit ay pagdurusa
Dalisay na kaluluwa humalili'y pandurusta.
Ngunit bakit kailangang pagdurusa'y patagalin
Bakit bawat kasawian yon na lamang iisipin
Bakit pag-inog ng mundo ay gusto rin patigilin
Bakit ang ibig na tingnan ay ang bahaging madilim.
PAGMUMULAT . . .
Sa bawat ikot ng mundo mayrong dilim at liwanag
Bawat oras na lumipas may bulaklak na bubukad
Ang sanggol na umiiyak hindi batid kaniyang palad
Ngunit ligaya ang hatid at pag-asang hinahangad.
Lahat ng di magagandang karanasan ay limutin
Ang lahat ng naging sugat ay dapat na paghilumin
Patawarin ang kapwa sariling sala ay limiin
Ialay sa Poong Ama ang anumang suliranin.
PAGTITIWALA . . .
Ang pagsumpa ay palitan ng pangako at pag-asam
Kabiguan ay tumbasan ng ligayang walang hanggan
Ang pagluha ay ihinto at ngumiting buong inam
Katulad ng mga anghel nandoon sa kalangitan.
Makisaya't makigalak sa pagdating ng umaga
Makisunod sa paghingi bawat gabi'y mapayapa
Magsiawit ng papuri sa Poong Amang Lumikha
At tiyak na tatanggapin ang lahat ng pagpapala.
NAKAGAPOS SA KAHIRAPAN
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
April 25, 2004
I
Gaya ng karamihang lumalandas sa kahirapan
Butas ang bulsa't hirap pa ang kalooban
Sari-saring pangarap ang laging tinatanaw
Subalit lahat ng ito'y hindi pa rin maaninaw
II
Gutay-gutay na panaginip sa bawat pag-idlip
Isa-isang iniisip, unti-unting nililirip
Naka-kahong mundong gula-gulanit
Luhaang mga mata'y nakatutok sa langit
III
Ang kinabukasa'y pilit na tinatanaw
Sa basag na salamin, bulag na balintataw
Dusa't pighati sa katauha'y sumasaklaw
Mailap na pag-asa'y pilit na inaaninaw
IV
Maraming bakit at impit na katanungan
Ang isipa'y gulo at hadlang sa katinuan
Buhay ba'y ganito sa lupang tinubuan?
Mabigat ang loob sa dusang pinapasan?
V
Sa malawak na kagubatan, sila'y nagkalat
Walang katarungan, sa karapatan pa'y salat
Dugo na ang ipinawis, bitak na rin ang balat
Kalupitan ng buhay, kailan mamumulat?
VI
Libong mga tao ang nananatiling mahirap
Samyo ng estero ang siya pang nalalanghap
Puno ng kalungkutan, moog ding nalasap
Ito ba ang nakatakda at siyang magaganap?
VII
Napakadaming mga tula, istorya't kwento
Tungkol sa kahirapan na di mapagtanto
Gasgas na nga siguro't laging usapan
Ngunit ano baga ang nasa kapiligiran?
VIII
Konseptong napakataal na nakabilad
Mula sa simula'y hindi na tayo umunlad
Nakagapos na tayo sa kahirapan noon
At iyon pa rin magpahanggang ngayon?
IX
Nakatalungkong madlang nais makahinga
Siksikang kagubatan, mga pawisang dukha
Hangga't mas marami ang luklok sa kahirapan
Wala pa rin tayong magandang kinabukasan!
X
Hindi ka ba nagtataka, ano ba ang dahilan?
Bakit nakalugmok ang mutyang sinilangan?
Bansang mayaman sa likas na kalikasan
Ay nananatiling nakagapos sa kahirapan?
XI
Katiwalian, Kurakot. Krimen at Kahirapan
Ang siyang katotohana't tunay na dahilan
Ito na ang panahon para tayo ay sumulong
Tamang pagpili ng lider, tayo'y magsitulong
XII
Panahon na para ating baguhi't wakasan
Ang maling sistema ng pamimili sa halalan
Tayo na't magsipag-gising sa katotohanan
Upang pumili at bumoto sa may kakayahan
XIII
Ang bulsa ng mga kandidato'y mabubutas
Mapapagod, mapupuyat, ang presyon ay tataas
Ang mga artista man nati'y puno din ng ambisyon
Ngunit sila'y nababagay lamang sa puting telon!
XIV
Maglingkod sa bayan o di makuntento sa yaman?
Iilan lamang sa kanila ang may nalalaman
Mga lumang pangako't mga bagong mukha
Ito ba'y bagong pag-asa o dating pagdurusa?
XV
Politiko'y nangangako, ano kayang pagkakaiba?
Mga pangako sa bayan ito kaya'y magagawa?
Paglilingkod nga ba ang siyang dahilan,
At sa iilang puwesto sila'y nag-aagawan?
XVI
Paano nga baga mababago ang larong ito?
Magbantay, magsuri't para tayo ang manalo
Sa pagsusuri, tamang kandidato'y mapupuna
Plataporma at di porma 'yon ang makikita
XVII
Kasagutan, hawak natin sa ating mga kamay
Ang susunod na anim na taon sa ating buhay
Nakasalalay dito ang ating kinabukasan
Kaya't tayo'y magpasya ng may katalinuhan!
ANG HALIGI AT ILAW
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
April 10, 2004
I
Itinatayo ang isang bahay
Sa pamamagitan ng mga kamay
Ang tahanan naman ay binubuo
Sa pamamagitan ng puso.
II
Ang paggabay at pagdidisiplina
Sa mga magulang makukuha
Masasabing isang batas na tunay
Upang sa tamang landas ay umalalay
III
Tuwing linggo'y sama-sama
Kamag-anaka't buong pamilya
Kumustahan at kuwentuhan
Damang-dama ang kaligayahan
IV
Ilaw at haligi ng tahanan
Sa bahay ay nadaratnan
Ito'y kahit isang dampa man
Puno naman ng pagmamahalan
V
Ang wika'y hindi pwedeng ipantay
Sa anupamang kayamanan
Ngunit itong Ama at Ina
Ay nagpasyang maglakbay
VI
Matatag na bukas ang pakay
Ang tanging minimithing alay
Konkreto na ang kanilang bahay
Ngunit salat naman sa paggabay.
NAGHAHANAP
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
June 14, 2004
i
Nagmula sa walang-wala
Isang kahig, isang tuka
Berdeng bukid, hinahanap
Tanging bitbit ay pangarap
ii
Pinilit hinukay ang karunungan
Sa araw at gabi ay nagbungkal
Ang bawat lakas ay tinakal
Ang kinagisnan ay nilabanan
iii
Maagang naulilang lubos
Mga pagsubok di maubos
Tanging hiling, magtagumpay
Sa mga dagok na walang humpay
iv
Nagsusumigaw na katanungan
Mga kasaguta'y hinahanap
Ano baga ang hantungan;
Ang landas ay nag-uulap?
v
Payo sa sarili'y magdasal
Mga pagkakasala'y ikumpisal
Ang mga pagkukulang, lutasin
Ng ang liwanag ay mapansin
vi
Taimtim na panalangin, sambitin
Ang pagtitika ay pagbutihin
Nang sa gayon ay suminag
Ang tamang landas, liliwanag!
PAGHATOL
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
June 5, 2004
i
Pauna'y nais magpasalamat
Ang nais iparating ng panulat
Sa mga tunay na kaibigan
Mga kamag-anak at kababayan
ii
Isang kaluluwang naghahanap
Sa gitnang silanga'y napadpad
Maginhawang buhay ang pangarap
Ang tanging nais na matupad
iii
Parating malayo ang tinatanaw
Lungkot ang tanging kaulayaw
May pangambang isipa'y pumanaw
Ang mga ala-ala'y nagtutungayaw
iv
Naghanap ng malinis na libangan
Mga libreng oras, mapaglilipasan
Dahil ayaw ng maulit pang muli
Liko-likong landas na mali-mali
v
Maraming taon ang ginugol
Sa paglalaro ng scrabble
Ngunit hindi laging available
Ang schedule, nagkakabuhol-buhol
vi
Sa mga daang aking nilandas
Minsa'y puno ng talangka at ahas
May kahirapan itong maiwasan
Pagkat kadalasa'y nasa tabihan
vii
Sa pagtula isip ay nabaling
Kapos man itong dalang galing
Salita'y sinubukan ang pagkalap
Na ang pagbalangkas, mahirap
viii
Tinanggap mga papuri't panlalait
May tuwa kahit minsa'y nanliliit
Ang wika'y malibang ang mahalaga
Ang hibik ng pusong nangungulila
ix
Walang pwedeng ipagyabang
Itong abang lingkod na nilalang
Sa kung ano mang paraan
Pagkat isang taong pangkaraniwan
x
Ang mga tao'y dugo at laman
Sa Diyos, mundo nati'y hiram
Kung nagkamali ma'y wag hatulan
Ang hiling sana'y maunawaan!
PANGAKO NG BUKAS By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
June 8, 2004
i
Kasabihang libre ang mangarap
Palaging nakabukas ang talukap
Ang mga mata'y kukurap-kurap
Ang bawat kuntil, hinahanap
ii
Sa tuwing nag-iisa sa disyerto
Simoy ng hangin, paruot-parito
Hagupit ng tadhana'y naa-alala
Ng pusong sabik at nangungulila
iii
Parte ng mundong kay ramot ng ulan
Parati kang hinihintay kahit kailan
Ang init dito'y matindi ang sigid
Mistulang umaapoy ang paligid
iv
Parang kaylan lang, puno ng ligaya
Paraisong parisukat, naging masaya
Mga pasani'y nagsilbing musika
Pangako ng bukas na nakabuka
v
Totoo kang ang panaho'y lumilipas
Mabilis ang takbo't kumakaripas
Mga berdeng daho'y pumapagaspas
Na unti-unting sa tangkay, nalalagas
vi
Mahihiga sa kamang buhangin
Sa kalangitan ang hagis ng tingin
Mga panahong lumipas, alalahanin
Dinidinig, bawat bulong ng hangin
vii
Ang buhay ay isang pakikihamok
Sa bawat pagsubok ay nakalahok
Ito'y isang araw-araw na labanan
Makikita ang lakas at kahinaan
viii
Mistulang bilanggo kung di lalaban
Ang mga pangarap, dapat ipagpilitan
Natitirang pag-asa'y di dapat matakpan
Pagkat hatid nito'y lakas at kaligayahan
ix
Bawat isa sa ati'y may katangian
Hindi pagagapi sa bawat labanan
Naglalayong matupad ang pangarap
Upang ang ginhawa'y malasap
x
Sa bawat paglipas ng araw
Ang bagong pag-asa'y muling lilitaw
Kaya't kung ano man ang pangarap
Ito'y may pag-asa pang maganap
PAKPAK
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
June 8, 2004
i
Kung ako ay may pakpak
Ang himpapawid, tatawirin
Sa malasutlang ulap, tatapak
Kaibuturan ng langit, liliparin
ii
Lahat ng lugar, pupuntahan
At ang lahat ay babalikan
Mga kamag-anak at kaibigan
Sa kanila'y makikipaghuntahan
iii
Ano baga itong napagtu-unan
Pati pakpak ay napag-tripan Senyales kaya ito ng paglabo
Ng isang matinong kaisipan
iv
Pasensiya ka na kaibigan
Ito ay daydreaming lamang
Naghahanap lang ako ng lunas
Upang ay pagka-inip ay lumipas
ITABOY SA HANGIN
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
June 2, 2004
i
Ang kagandahan ay kumukupas
Lahat ng bagay ay lumilipas
Mga mahal pwedeng lumisan
Sa kung anumang paraan
ii
Gaano man katindi ang pagmamahal
Ganun din ang sakit ng kabiguan
Katotohanay nag-iiwan ng kalungkutan
Mga pangarap na kay tagal
iii
Bakit ba ganito ang nararamdaman?
Ewan ko nga ba'tdi ko alam
Hindi mapigila't di maiwasan
Palaging puno ng pag-asam
iv
Sa aking mga panaginip
Mga pangarap ay nakalakip
Laging nagtatanong ang isip
Ang kasaguta'y di mahagip
v
Tuwina sa umaga sa paggising
Sa labi ang usal ay dalangin
Laging patnubayan ang hiling
Hibik sa Poon ay dinggin
vi
Hindi lahat ng oras dapat umasa
Na ang mga pangarap, matutupad
Dahil ang ibang pangarap, lumilipad
Mga nabibigong pagnanasa
vii
Ang ibang mga pangarapin
Dapat ihulog sa balon, abuhin
Itaboy at ipakisuyo sa hangin
Ng di na mahagip ng paningin
viii
Tanging Diyos ang makakatugon
Kung bakit sa tagal ng panahon
Mga pangarap na ugnay sa kahapon
Nananatili pa rin hanggang ngayon!
BAWAT ISA'Y MAY DAHILAN
By Amor Kagahastian
May 27 2004
Palakang kokak sa tag-ulan
Talagang nakakabulahaw
Sila ba'y naiintindihan
Pasalamat nila sa Maykapal?
Ang paghuni ng kuliglig
Iyo na bang naulinig?
Tunay na nakatutulig
Batid ba ang kanilang ibig?
Alitaptap sa kakahuyan
Mailap, di mahawakan
Katulad ng kapalaran Sa taong may katamaran.
Yaong pipi, bingi't bulag
Pilay at di-makalakad
Dahop sa magandang bukas
Ngunit puso'y matatatag.
Bawat bakit ay may sagot
Bawat tuwa ay may lungkot
Bawat galaw Diyos ang sangkot
Sa Kaniyang lahat magtatapos.
SA DIYOS LAMANG
By Amor Kagahastian
May 24, 2004
Nakasilip na ang araw doon sa gawing silangan
Nagbabadya ng umaga, panibagong kapalaran;
May huni ang mga ibon, sa parang at kagubatan
May lagaslas ang batisan, sa tumana'y may awitan.
Yaong tandang sa duluhan ang naunang nagsisigaw
"Gising kayo at magpugay, heto na ang haring araw!"
Nagsisunod na ang lahat, sabay-sabay nagsiigpaw
Ang inahin, baka't kambing at pati na ang kalabaw.
Mga isda at halamang sa dagat ay nananahan
May galak sa bawat galaw, bawat kampay na marahan;
Tila baga nagsasabing, "Salamat po, O Maykapal,
Salamat po sa biyayang sa amin ay dumaratal."
Ang sabi ng matatanda, sabay pagsikat ng araw
Salubungin ng may ngiti, sa itaas ay tumanaw;
Pag-ibig, tiwala't galak, hilingin sa Amang mahal
Ito'y Kaniyang ibibigay na wala nang alinlangan.
Matuto sa mga hayop, isda, ibon at halaman
Walang hanggang pasalamat, tuwina'y ibinibigay;
Tao tayong nang likhain, hinagkan at hiningahan
Kawangis ay isang obrang labis-labis pag-ingatan.
Pagka't Ama ay mabait, tayo'y Kaniyang minamahal
Pagsunod sa Kaniyang Utos dapat lamang na ibigay
Magmahalan tayong ganap, maniwala sa Diyos lamang
Pagpapala'y makakamit ngayon at magpakailanman.
AGOS NG BUHAY
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
May 23, 2004
i
Ganito bang talaga
Pag tumatanda ka na
Lagi kang naghahanap
Parating nanghihinagap?
ii
Humihiling, umaasam
Nagtatanong. naghihintay.
Umaasa ng isang buhay
Na mailap makamtam?
iii
Noon pa'y naguguluhan
Ano bagang patutunguhan
Para bang walang saysay
Ang tinutungo ng buhay?
iv
Pwede kayang pagsisihan
Ang lahat ng kamalian
Pagkakataong pinalagpas
Na hinipan ng lumipas?
v
Anupaman ang gawin
Kahit ang sarili'y sisihin
Maglumupasay pa man
Ay wala ng katuturan
vi
Mga panahong lumipas
Sa ilalim ng tulay lumagpas
Ay hindi na babalik muli
At hindi na mababali
vii
Lahat ay may pagkupas
Pagkakataon, umaalpas
Mga bagay, lumilipas
Waring nagpupumiglas
viii
Tayong lahat, natatangay
Matuling na agos ng buhay
Ipagpatuloy ang pagkampay
Upang sa daloy makasabay
ix
Buhay, patuloy ang takbo
Hihip ng panahon, nagbabago
Minsan masaya't nalulungkot
Dapat tanggapin, wag matakot
x
Sa bawat pagpatak ng ulan
Lahat ng bagay sa kapaligiran
Nagsisilbing mga palatandaan
Na may isang Maylalang
xi
Sino ang di nangangailangan
Buhay na may kasiguruhan
Sa oras ng kalungkutan
At kawalan ng katiyakan?
xii
Pananampalataya, kasagutan
Siyang patotoo sa katotohanan
Ating unawain ang kaganapan
Upang tayo'y mabiyayaan!
MANDARAYANG PUSO
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
January 28, 2004
I
Mula sa Luma hanggang sa Bagong Tipan
AngBanal na Aklat ay nagpapakilala sa ating puso
Hindi ito tumutukoy sa pusong nasa dibdib ng tao
Kundi sa puso ng personalidad, emosyon at kaisipan
II
Maliwanag sa mga salitang ito na ang puso
Ang siyang tumatayong kabuoan ng isang tao
Kapag marumi ang puso, ganun din ang pagkatao
Dahil kung ano ang pagkatao, iyon ang nakatago
III
Anumang lalabas sa atin ay nagmula sa puso
Ito ay nangangahulugan ng buhay at kamatayan
At ang lahat ng taong hiwalay sa Panginoon
Mabuting bungang bigay ay hindi matatamo
IV
Makakabahagi lang tayo ng buhay na galing sa Dios
Kung tayo'y mababahaginan ng buhay na pantubos
Paano tayong bibigyan ng buhay na galing sa Kaniya
Kung ang puso natin ay marumi't nahulog sa sala?
V
Wala sa atin ang makapagsasabing siya'y walang sala
At naniniwalang katanggap-tanggap sa harap Niya
Dahil walang sinumang tao ang hindi nagkakasala
At lalong hindi maaaring magmalaki sa Kanya!
VI
Hindi magagamit ang relihiyon bilang pantakip sa sala
Walang makapagsasabing nilinis ang puso niya
Tayo'y mga taong nilalang lamang, walang magagawa
Subalit ang Diyos ay laging nakahandang umunawa
VII
Ang puso ng tao ay mandaraya, hindi mapaparam
At ito ay totoong masama, sinong makakaalam?
Ito'y mahirap malinis, gawan natin ng anupaman
Lalo na't sa ating mga pansariling pamamaraan!
VIII
Kapag sinabi ng tao na siya'y walang dungis
Ang wika naging mabuti siya at malinis
Iyon lang ay sa kanyang sariling mga mata
At hindi ang pagtingin at pagsaliksik Niya
IX
Kung ano ang karumihan sa walang pagkakilala
Malinis ang lahat ng bagay para sa kanya
Kung bakit itinuring itong puso iyan ang dahilan
Na ito'y mandaraya at mapanlinlang sa kaisipan
X
Hindi magkahiwalay ang ating isip at puso
Kaya ang hatol ng Dios ay sa puso't isip ng tao
Dahil lahat ng masamang dala sa kaisipan nito
Ay nanggagaling muna sa ating pagkabuo
XI
Ating tunay na ugali at hibo hindi maitatago
Dahil para sa Dios ito ay isang bukas na libro
Ang puso ang siyang nagsisilbing pinaka-trono
Nang ating katawan at buong pagkatao
XII
Magagawang baguhin ng tao ang kanyang anyo
Ang pangit ay maraming paraan upang gumanda
At maaaring ang ating paningin ay madadaya pa
Pero kung ano ang laman ng puso, di mababago
XIII
Parating sa mukha ang ating unang tingin
Ngunit ang Panginoon, sa puso tumitingin
Ito ay sa dahilang sa ating puso nakatago
Ang lantay at tunay na kagandahan ng tao
XIV
Ang karaniwang tao'y madaling mapaglakuan
Subalit ang daya sa Diyos ay di magagawa
Ang nakikita lang ng tao ay ang ating gawa
At hindi naaarok kung ano ang nasa kalooban
XV
Hindi dahilang gumagawa ang tao ng mga kabutihan
Ay masasabing malinis na ang kaniyang kalooban
Ang kabutihan ay hindi natin magiging katangian
Lalo na't kung ito'y galing sa taong walang kapurihan
XVI
Ang puso ay buong sikap na dapat ingatan
Hindi lamang ang pusong pisikal ang iingatan
Sapagkat ang buhay natin ito ang dinadaluyan
Ang pusong kinaluluklukan ng ating kabuoan
XVII
Ang sala nati'y tinubos 'di pa man isinisilang
Pinatawad Niya lahat ang ating pagkukulang
Sa hirap at pighati Siya ang tanging kanlungan
Kapag nasasaktan, Diyos ang sumbungan
XVIII
Ang payo ko sa aking sarili, bago ang iba
Itatag ang pagdarasal ito ay napakahalaga
Pagdalisayin ang intensiyon para sa Maylikha
At pagsikapang pagbutihin ang pagtitika
XIX
Halina tayo't sambitin, taimtim na panalangin
Nawa'y tagumpay sa biyaya ng Diyos ay tanggapin
Magsumamong taimtim sa mga pagsubok at pasanin
Maging matatag sana't mga problema'y paga-anin
XX
Subalit ito ay hindi lang bigkas ng isang salita
Na uunawain at bibigkasin lamang ng dila
Ito ay dapat ipamuhay at sa puso magmula
Masalamin sa gawa at tunay na paniniwala!
HUBAD NA PAGKATAO By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
January 25, 2004
"Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan;
datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Diyos ay
buhay na walang hanggan." Roma 6:23
Mula sa kasaysayan ng tao:
3096 BC Adam dies (930 years old)
2030 BC Peleg Mesanapada dies (239 years old)
2020 BC Noah dies (950 years old, died 150 years after
the flood)
2000 BC Reu dies (239 years old)
1977 BC Serug dies (230 years old)
1943 BC Terah dies (205 years old)
1930 BC Arphaxad dies (438 years old)
1900 BC Shelah dies (433 years old)
1868 BC Shem dies (600 years old)
1843 BC Abraham dies (175 years old)
1770 BC Nimrod dies (500 years old)
1738 BC Isaac dies (180 years old)
1711 BC Jacob dies at age 147
1657 BC Joseph dies (110 years old)
1474 BC Aaron dies (123 years old)
1473 BC Moses dies (120 years old)
1442 BC Joshua dies (110 years old)
1037 BC David dies (70 years old)
I
Ang pisikal na katawan ay panlabas na pagkatao
At sa alabok muling magbabalik pagkamatay ng tao
Ang katawa'y hinuhubad pagkatapos ng kamatayan
At ang kaluluwa naman ay lalabas sa katawan.
II
Anuman ang nakikita natin sa panlabas na anyo
Masasalamin natin ang kalikasan ng tao
Na siyang pinagmumulan ng buhay at anyo
Kaluluwa, luklukan ng ating tunay na pagkatao.
III
Sa paniwala ng iba ang kaluluwa ay namamatay Ang ilan nama'y naniniwala na ito'y patuloy ang buhay
Ang kaluluwa'y maglalayag pagkatapos ng buhay
At ito'y mananatili sa kalagayan at di namamatay
IV
Noong araw na ang tao ay may pakikiisa sa Diyos,
Buhay na dumadaloy sa kanya'y nanggagaling sa Diyos
Ang sumpa ng Diyos, sa araw na siya'y sinuway
Ang tao'y mahihiwalay sa Diyos at siya'y mamamatay.
V
Nang magkasala ang tao'y namatay sa espirituwal
Bakit nangyari na siya'y patuloy pa ring nabubuhay
Hindi ba ang sumpang kamatayan ng Diyos
Ay hindi lang sa espirituwal kundi pati ang pisikal?
VI
Naranasan din ng tao pagkaraan ng ilang panahon
Ang pagdating ng kanyang kamatayang pisikal
Kaluluwa pa rin ang naging pangunahing dahilan
Kung bakit hindi agad namatay ang tao sa pisikal.
VII
Nang maputol ang buhay mula sa puno ng buhay.
Buhay na dumaloy sa tao'y nagmula na sa kaluluwa
Subalit ang buhay na maibibigay nito sa katawan
Ay hindi na walang hanggan mula sa puno ng buhay.
VIII
Hindi nito kayang panatilihin ang buhay ng katawan
Gaya ng bigay ng Diyos na panghabang-panahon
Kaya't ang pansamantalang buhay na nakamtan
Ng di nanampalataya'y nanggagaling sa kaluluwa.
IX
Sa araw na sila'y manampalataya sa Diyos,
Ibinabalik ng Diyos ang buhay na nawala sa Eden
Ang pangako ng Diyos, kung sila'y mamamatay
Muling pagkabuhay, makasama sa walang hanggan.
X
Bago nagkasala, imortalidad ay dala ng katawan
Ngunit dahil sa pagkakasala ay naghulagpos
Natatanging kaluluwa ang siyang nanggipuspos
Ang naging mortal na katawan ay kanyang tinubos
XI
Ang kaluluwa'y napakahalaga sa ating buhay
Kung hiwalay ito'y walang buhay ang katawan
Kaluluwa ang may kontrol ng pagkakamalay
Kung wala ang kaluluwa'y wala ang kamalayan
XII
Ito ang gumagawa ng mga makasariling desisyon
Kung hindi napapailalim ang kaluluwa sa Espiritu.
Sabihin mang sila ay gumagawa ng kabutihan,
Hindi maikakailang naroon makasariling hangarin
XIII
Sila ang mga naluluwalhati at hindi ang Diyos
Sa mga parangal madalas makita ang paggamit sa Diyos
Mga taong pinararangalan, nagpapasalamat ang gamit
Kung 'di sa tulong ng Diyos, karangala'y di makakamit!
XIV
Ang mga salitang ito'y hanggang sa bibig lamang
Kalooban ng kanilang puso ay iba ang isinisigaw
Masasalamin ito sa kanilang mga buhay araw-araw
At ang makikita natin ay ang lihis nilang patakaran
XV
Kung anumang kakayahan mayroon ang katawan
Ang kaluluwa ang siyang natatanging dahilan
Sa pamamagitan nito ay mayroong kamalayan
At siyang makapangyarihan sa ating katawan
XVI
Kapag ang tao ay nagbago ng kaniyang daan
Lumalapit sa Dios at nagsisisi sa kasalanan
Nawawala ang kanyang pansariling hangarin
At nauuwi ang lahat ng patuwid sa Panginoon
XVII
Tayong mga tao ay nilikha lamang
Para sundin at sambahin ang Maylalang
Ang Kanyang mensahe'y kumpleto't di kulang
Upang mabatid natin ang matuwid na aral.
XVIII
Iisang mensahe sa lahat ng nilikha Niya
Dinala lahat ng mga sugo at propeta, Ang rebelasyon at utos ay ating isapuso,
Maging makatotohanan, alamin ang mga turo
XIX
Hibang ang mga taong hindi naniniwala
Sa utos ng Diyos ay nagwawalang-bahala
At ang akala baga nila sila'y makakawala
Sa kaparusahan ng Diyos na hindi maikakaila?
XX
Estado't kayamanan ang akala'y walang hanggan
Ngunit magwawakas, ito ay walang alinlangan
Ang buhay sa daigdig ay panandalian lamang
Sa kabilang buhay-ihambing, wala sa kalingkingan!
GAMOT NG DAIGDIG
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
May 12, 2004
I
Pag-ibig ay sadyang makapangyarihan
Hindi matanto ang tunay na kahulugan
Sadyang masalimuot ang kahiwagaan
Kay hirap malirip at maunawaan
II
Matagal ko na itong pinag-iisipan
Na ang pag-ibig ba'y isang katangian?
Hindi nga mahagilap, anong kasagutan
Sapagkat ito pala'y sang kautusan
III
Pag-ibig sa ating Panginoong Diyos
Sa Kanya tayo'y nanampalatayang lubos
Ibigin ang kapwa, Siya ang nag-utos
At sa kasalanan tayo'y Kanyang tinubos
IV
Walang kapantay, pag-ibig na handog
Poong mapagmahal kami'y Iyong hinubog
Pagsintang tunay, langit ang may hulog
Sa puso'y natanim hain Mong alindog
V
Sa iniwang mga magandang aral
Pag-ibig ang siyang dapat umiral
Ang Diyos at tao, kundi natin mahal
Di masasabing taimtim itong dasal
VI
Maituturing na gamot ang pag-ibig
Para sa karamdaman ng ating daigdig
Walang sinuman ang magiging matibay
Kung walang pag-ibig sa kanyang buhay
VII
Abutin ang iba, kahit isipa'y sarado
Sa mabuting pakita ng kahit na sino
Ating unawain ang kanilang ginagawa
Ang kakulanga'y tagpuin ng may tuwa
VIII
Pagmamahal na tunay, 'di sumusuko
Sa ating pag-abot 'di dapat huminto
Sapagkat tayo ma'y pinagtiyagaan din
Ng mga taong humaplos sa buhay natin!
Ang Panginoong Diyos ay pag-ibig at ang pag-ibig ay
buhay. Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at
banal na kadahilanan ay kahalintulad ng punong-kahoy
na walang lilim, kundi (man) ang kahalintulad ay isang
damong makamandag.
ANG KALIGTASAN
By Aurel Cagahastian
(Batang Patio)
May 2, 2004
Posted through Paete@yahoogroups.com
I Ano baga ito't nakaka-umay
Mahirap ang lahat ng bagay
Lagi na lang hirap sa buhay
Problema'y lagi pang taglay
II
Sinubukan na ang lahat
Pero talagang napakabigat
Hindi na talaga mabuhat
Nanaisin mo ng pumalakat
III
Ang luha'y ibig ng bumigay
Ang balikat ay nakalaylay
Nanlalabong isipa'y kurtado
At nais ng maghuramentado
IV
Pagsubok ay walang lubay
Sunod-sunod pa ang lumbay
Ang sakit ay walang humpay
At palagi pang sabay-sabay
V
Ginawa na lahat ng paraan
Nagsasaliksik sa kasagutan
Hinahanap ang kaligtasan
Pero anong ilap matagpuan
VI
Easy ka lang aking kaibigan
Ang lahat ay may kalutasan
Ipagpatuloy mo ang paglangoy
At huwag kang ngumuyngoy
VII
Buhay sa mundo'y sadyang ganyan
Ito'y may simula't hangganan
Araw sa umaga'y sisikat doon
At lulubog din sa dapit-hapon
VIII
Tibayan ang loob sa labanan
Sa agos ng buhay sa sandaigdigan
Ang ating dibdib ay dapat tibayan
Lahat ng bagay, may katapusan
IX
Taimtim na panalangin ay sambitin
Nawa'y tagumpay ay tanggapin
Magsumamo na ang mga pasanin
At ang mga problema'y paga-anin
X
Sa dulo ng hirap, ginhawa'y makakamit
Kung tayo'y magtitiis sa mga pasakit
At mararating din ang kaluwalhatian
Nasa piling ng Diyos ang kaligtasan!
XVIII. LIWANAG AT DILIM
By: Noel B. Cadayona
Dear Raul,
Ang matandang manggagawa ng kandilay muling sinindihan ang kandila sa gitna ng nagaagaw na dilim at liwanag. Para sa iyo:
Ngalay na ang bisig at makalyong kamay,
Paghawak ng paet, trispiko at landay.
Maghapong pamukpok ang syang kaulayaw,
Pagal na kataway ibig ng humimlay.
Sampong oras na syang subsub sa trabaho,
Kelangang matapos upisyong dispatso,
Pambili ng bigas, gatas, repinado,
At pangmatrikula pagpasok ni bunso.
O bakit kay tagal dumating ng dilim,
Pagod na ang diwat antok di mapigil,
Isip at kataway ibig ng humimbing,
Sa tabi ng irog tanggal ang hilahil.
Iniisip niya habang gumagawa,
Ang lamig ng gabiy malaking biyaya.
Binubulay - bulay pangarap ng diwa,
Dumating na sana ang isang himala.
Sa wakas dumatal gabing hinihintay,
Hawak na pamukpok agad binitawan.
Masarap na luto ng kanyang may bahay,
Pinaupong manok ay pagsasaluhan.
Nakapagmano na ang mga bata,
Moskiterot banig kanyang inihanda.
Parang tinibang likod ay pumlakda,
Handa ng mangarap palaot na diwa.
Ng biglang pumasok sa kanyang isipan,
Hindi maiwaksit di mapaglabanan.
Parang nagparada sa haba ng hanay,
Ang mga gawain sa kinabukasan.
Alumpihit siyat hindi makatulog,
Nawala ang antok kahit na syay pagod.
Kay daming trabaho dapat ng kumayod,
At walang panahon na dapat itulog.
O bakit kay tagal naman ng liwanag,
Ang inip sa gabi ay bantad na bantad.
Ang bukang liway-way ay pinakahihintay,
Liwanag at sikat nitong haring araw.
Bakit nga ang taoy magulo ang isip,
Gusto ay malamig kapagka mainit,
Gusto ay mainit kapagka malamig,
Kung anong di ari ay siya namang hilig.
Pano malalaman na mayroong dilim,
Kung panay liwanag ang yong inaangkin.
Pano malalaman na mayrong ligaya,
Kung ang puso moy hindi nagdurusa.
Pano malalasa na mayroong pait,
Kung ang ninanamnam ay laging matamis.
Pano maramdaman na mayroong init,
Kung lagi ng lamig ang iyong kadait.
Pano malalaman na mayroong sakit,
Kung lagi ng saya ang syang kahulilip.
Pano malalamang may naghihikahos,
Kung sa toreng garing ikay nakagapos.
Kelangang masanay ang mata sa dilim,
Kahit na pusikit at ubod ng itim.
Pagtagal-tagal nay mababanaag din,
Ang mithing liwanag na wala sa atin.
Kelangang masanay ang puso sa dusa,
Kahit na kay sakit ng pagpaparusa.
Pag nalampasan mo pagsubok na dala,
Bukas na daratnay puspus ng ligaya.
Di mo makikita itong balaghari,
Kung tuyo ang luha ng pusong mahapdi.
Di mo malalamang Diyos ay nakangiti,
Kung hilam sa luha ang masamang budhi.
Dilim at liwanag ganyan nga ang buhay,
Kung minsay maputla kung minsay makulay.
Minsay sa ilalim minsay sa ibabaw,
Ng gulong ng palad sa kanyang paggalaw.
Subalit ano man ang yong kapalaran,
Lagi mong isiping pangsamantala lang.
Ang tao sa mundo habang nabubuhay,
Ay di matitigil hanggat hindi patay.
Iyo ring isiping ang lahat sa buhay,
Ay lalang ng Amang may dakilang kamay.
Dilim at liwanag ang siyang pinagmulan,
Ng lahat-lahat na sa sang sinukuban.
Lahat tayoy galing sa sinapupunan,
Tahimik na buhay walang agam-agam.
Isinilang tayo sa mundong ibabaw,
Liwanag at kulay ating nasilayan.
At sa dulo nitong ating nilalakbay,
Pag lubog ng araw sa gabi ng buhay.
Matay ipipinid nitong kamatayan,
At dilim na muli ang mararanasan.
Subalit hindi dito nagwawakas,
Tulad ng pangako sa ating kay wagas.
Sigun sa buhay nating iuulat,
Panibagong bukas ating mamamalas.
At ito ay bagong simula pa lamang,
Di na magwawakas, dina maghuhumpay.
Ang pag-babasihay iniwanang buhay,
LIWANAG O DILIM sa atiy naghihintay!
III. KANDILA NG BUHAY
By: Noel B. Cadayona
Kaysasa magmurat magalit sa dilim,
Kandilay sindihan liwanag na angkin.
Ang ilaw nitoy tatanglaw sa atin
At magaalis ng iyong panimdim.
Ang buhay ng tao ay parang kandila,
Patay o may sindiy puspus ng hiwaga.
Nasasaiyo na kung anong gagawin,
Sisindihan mo ba ? Lalagi sa dilim?
Pag ikay may ilaw lahat maligaya,
Ang iyong liwanag nagbibigay sigla.
Ang wala pang sindiy sa iyo pupunta,
At katulad mo riy magbibigay saya.
Ang iyong liwanag maglilipat-lipat,
Init ng pag-ibig iyong ikakalat.
Ay bago sa mundo na puno ng hirap,
May bagong pag-asa na pinapangarap.
Nguni ay may ibang sobra ang ambisyon,
Sa kagustuhan nyang agad ay sumulong,
Magkabilang duloy sabay sinindihan,
Kung maupos naman ay sagad-sagaran.
Huwag kang magsisindi sa may lawiswisin,
Hindi mabubuhay at di magtitiin.
Kung inaakalang maraming panimdim,
Maghintay ka muna ng tampay na hangin.
Di maiiwasan na paminsan-minsan,
Malakas na ihip ng hangiy daraan.
Huwag magsasawat walang pakundangang,
Kandilang namatay ay muling sindihan.
At matuto ka na sa yong karanasan,
Malakas na hangin iyong paghandaan.
Kalasag na tabing siyang pananggalang,
Sigwada sa buhay na paglalabanan.
Ayaw mong maupos and iyong Kandila.
Bagong-bago itot wala pa ngang luha.
Pagsinindihan moy madaling mawala,
At natatakot kang ito ay maluma.
Dala nga marahil ng takot o hiya,
Dahil ang buhay moy isang maralita.
Ayaw ipakitang merong magagawa,
Ikay natatakot na maupasala.
Lumakad ang oras, araw mga buwan,
Ang kandila mo ay naron sa taguan.
Kay dami ring taon ang iyong sinayang,
Ang liwanag nitoy hindi nasilayan.
Isang gabing naghahalumigmig,
Matay ipinikit at itoy napinid.
Ang tibok ng pusoy di na rin marinig,
At ang hininga moy kusa ring napatid.
Ang mga kandilay nakita sa kahon,
Kung anong alagay siyang nagging tugon,
Nagbabantay sila sa magha-maghapon,
Ang liwanag nilay sa yo nakatuon.
Sayang at huli na ng silay makita,
Na katulad mo ring aayaw magbadya.
Sa huling hantungan, kayoy magkasama,
Ang liwanag ninyoy tila pinagisa.
Kaya kapatid ko wag mong sasayangin,
Ang iyong liwanag na bigay sa atin.
Iyong parikitin at lagging buhayin ,
Ang tanglaw ng buhay, gagabay sa atin.
Sa Ating Mga Anak By: Noel B. Cadayona
Ang tula ko pong ito ay iniaalay kong pamaskong handog sa lahat ng ating mga anak. Maligayang Pasko po at Masaganang Bagong Taon sa inyong lahat!
II. SINO ANG KAMUKHA NG DIYOS
Sa dalampasigan palubog ang araw,
Si bunso kot akoy nawiling mamasyal.
Ako sana amay mayrong katanungan,
Na di ko maarok at ibig malaman.
Gaano kataas itong panginoring,
At ang dagat namay gaano kalalim.
May ihahawig bat may ipaghahambing,
Sino ang kamukha ng Diyos ama natin?
Sa umpisay di ko maapuhap,
Ang sagot sa tanong na napakahirap.
Sa aking isip agad binalangkas,
At ito ang sagot sa mahal na anak:
Paglipas ng unos, ulan ay napawi,
Ang kahawig Niyay isang balaghari.
Ibat ibang kulay ang siyang palamuti,
Tanda ng pag-ibig, ang siyang maghahari.
Ginintuang mukhay kahawig ng palay
Sa tuwing anihan dito sa tag-araw.
Mga gintong butil nagbibigay buhay,
Sa katawang lupa sa mundong ibabaw.
Buhok Niyay hardin na napakaganda,
Lahat ng bulaklak ditoy nakabuka.
Bubuyog at ibon ay puspos ng saya,
Simoy ng pag-ibig ang ipinagbabadya.
Ang mga mata Nyay papawiring bughaw,
Sa mga anak Nyay laging nakatanaw.
Laging nagmamasid, laging nagbabantay,
Bukas ang biyayang kanyang binibigay.
Puso Nyay sing taas, sing laki ng bundok,
Lahat ay may puwang sa ibig pasakop.
Mga bisig Nyay ulap na kay lambot,
Himlayan ng pusong hindi mapag-imbot.
Ngiti Niyay umagang pinakahihintay,
Hatid ay pag-asa sa bukang liwayway.
Sa mga may hapis at pusong may lumbay,
Ang liwanag nitoy panibagong buhay.
Hininga Nyay hangin, luha Niyay tubig,
Nagbibigay buhay, uhaw pinapatid.
Dakilang biyayang kanyang hinahatid,
Sa lahat ng tao mabuti at ganid.
Tinig Niyay awit ng ibon sa parang,
At ihip ng hanging galing sa amihan.
Dagundong ng kulog sa tuwing tag-ulan,
Hudyat na nanggaling sa Diyos na buhay.
At yaon nga anak ang kahawig Niya,
Ating nakikitat ating nadarama.
Sa akiy may isang hawig Niyang talaga,
Ikaw anak ikaw, ang kamukha Niya!
9 NGAYON, NGAYON, NGAYON KAY BATHALA
Ni Raulito Roque
1. MGA PANAHON
Mapagdudugtong mo baga ang kahapon, ngayon at bukas? Siyempre, dugtong-dugtong na ang mga iyan. Ito ang mga panahon. Mailalagay o maiisilid mo baga ang kahapon at bukas sa ngayon? Samakatuwid isang panahon na lamang, walang kahapon, walang bukas? Aba, aba. Papaano ito? Ano nakatigil ang panahon? Panahon na para pag-aralan natin ito.
2. LAGING NGAYON?
Sa dulo ng walang hanggan. Bahagi ng isang awit. Kung tutuusin kapag sinabing may dulo ang walang hanggan, ito ay hindi na walang hanggan. Isa pa. Ang unang naiisip na dulo ng walang hanggan ay yaong pasulong ang panahon laging may bukas na hindi hihinto. Mahirap isipin yaong paurong ang panahon laging may kahapon na hindi hihinto. Kung baga may dalawang dulo ang walang hanggan; dulo ng kahapon-haponan at dulo ng kabukas-bukasan. Kaya nga lamang kung parehong may dulo, ito ay hindi na walang hanggan. Alisin mo ang dalawang dulo. Ito ang walang hanggan. Pero papaano mo maiisip na walang dulo ang walang hanggan? Walang kahapon. Walang bukas. Laging ngayon? Wala kang gugunitaing kahapong nangyari. Wala ring gugunitaing mangyayari. E, ano ngayon? Ngayon na para pag-aralan natin ito.
3. ISANG PILOSOPIYA
Kung papaano nagsimula ang lahat, ganon din magwawakas ang lahat. Kung papaano walang simula ang lahat, ganon din walang wakas ang lahat. (Siyempre, walang simula, di walang wakas. Hoy, pilosopo ka.) Sa totoo lamang itong ating pinag-uusapan ay karunungang pang-pilosopiya.
Naku, medyo bumibigat yata. Medyo lang. Hindi na tayo bata. Hindi pa tayo matandang matanda. Mahalaga itong ating pinag-uusapan kahit na medyo may kabigatan. Medyo may kalaliman.
4. UNANG PILOSOPIYA
Ang karunungang pang-pilosopiyang ito ay metapisika. Ang metapisika ay hindi pisika. Lampas ito sa pisika. Hindi natin ito napag-aralan sa mababang paaralan. Hindi pa kailangan noon. Hilaw pa ang isipan natin noon. Napag-aralan natin ito sa ating karanasan. Bilang isang karunungan (wisdom) nauunawaan natin ito, hindi nga lamang buong-buo tulad ng matematika. Ito ay nakukuha sa pamamagitan ng malawak at malalim na pag-aninag o pag-unawa o pagtanaw o pagbanaag o pag-arok. Taglay ng tao ang mga pamamaraang ito. Tingnan natin.
5. MAG-ISIP TAYO NG PABALIK
Ang lahat ay may simula. Umurong ka at masasabi mo na may pinagmulan ka, at yaong pinagmulan mo ay may pinagmulan din, at .. naku walang katapusan itong paurong ng paurong kung baga. Pero meron bagang lumitaw o umiral na lamang na walang pinagmulan? Bago natin ito sagutin ay suminga ka muna upang maalis ang mga bara ng ilong mo. Pumikit ka muna upang maging blanka ang iyong isipan. Huminga ng malalim na malalim. Tatlong beses.
6. MAY SIMULA !
Pero meron bagang lumitaw o umiral na lamang na walang pinagmulan? Wala, dapat ito ay may pinagmulan. Yaong paurong na paurong nating naghahanap ng pinagmulan ay hindi titigil. Eh, kung hindi ito titigil, eh, saan tayo nagsimula?
Ito ay titigil lamang doon sa simula na siya rin ang pinagsimulan ng kaniyang kinasimulan. Hindi ito maaring. Bung! At nagsimula ang lahat mula sa wala? Hindi ito puwedeng mangyari. Kailangang magsimula mula sa meron.
Samakatuwid may simula. Ang kalikasan nitong simula ay ang sariling ka-simula-an na walang pinagsimulang iba kundi ang sarili na hindi nanggaling sa iba.
Samakatuwid, ang kalikasang taglay nitong simula ay ang umiral (to be) o
ÂÂ"maging. Walang ibang magtataglay nito kundi sarili.
Samakatuwid, bastat ang kaniyang kairalan ay nandoon na. Bakit nandoon na? Sapagkat ang kaniyang kalikasan ay ang umiral.
Naku po.
Kapag sobra mong ipinaliliwanag ay lalong hindi lumiliwanag.
Sapat na lamang na tanggapin natin na ang kairalan ay umiral mula sa sariling kairalan na ang kaniyang kairalan ay hindi nanggaling sa iba kundi sa kaniyang sariling kairalan. Mandiy umiikot.
Ang Simula ay umiiral at hindi mawawala sa pag-iral sapagkat kung ito ay mawawala sa pag-iral hindi na kalikasan nito ang kairalan. Hindi puedeng mangyari na ang kairalan ay mapunta sa wala.
7. PAMALAGIANG NGAYON
Ang Simula ay hindi panahon sapagkat hindi ito tulad ng kahapon na lumipas na; hindi ito ngayon na lilipas din; hindi ito bukas na darating. Kung baga ang kahapon ay ngayon din; at ngayon ay mananatiling ngayon; at ang bukas ay ngayon din. Samakatuwid, ngayon, ngayon, ngayon. At ang tatlong panahong ito ay sumilid sa iisang pamalagiang ngayon. Walang hanggan.
Walang panahon ang walang hanggan, hindi malilirip.
8. WALANG HANGGAN
Ngayon, ngayon, ngayon. Walang hanggan. Kung baga ang simula at wakas ay sisilid sa ngayon. Ang simula at wakas ay mag-iisa. Iisang walang hanggan.
9. MGA KATANGIAN NG KAIRALAN
Ang Kairalan (being) ay arok ng isipan ng tao. Hindi nga lamang buong-buo tulad ng pagkaunawa natin sa matematika. Metapisika ang ginagamit dito. Ang pamamaraang ito ay may kalaliman.
Ang kamangha-mangha dito ay ang mga katangiang taglay ng Kairalan. Arukin natin ayon sa abot ng ating isip.
Ang Kairalan ay dapat na iisa (one). Sapagkat kung may isa pang Kairalan na tulad na tulad ng unang Kairalan kung baga, ay di silang dalawa ay mag-iisa rin o iisa rin. Itoay payak na iisa.
Ito bagang Kairalan ay hindi maitatanggi ng ating isip? Ito ba ay totoo? Nagbibigay ba ito ng liwanag sa ating isipan? Kung ang sagot natin ay oo, samakatuwid ang Kairalan ay totoo (true) at nagtataglay ng katotohanan.
Kung ang Kairalan ay umiiral dahil sa kaniyang kalikasang kairalan mismo, ito ay dapat na ganap na ganap at mabuti (good). Bakit? Sapagkat ang layon ng Kairalan ay sariling kabutihan at aapaw ang kaniyang kabutihan.
Kung pagsa-samasamahin mo ang mga katangiang iisa+totoo+mabuti ito ay nagbabanaag ng kagandahang (beautiful) may harmoniya, buong-buo at karilagan na nararanasan o matalas na madadama ng ating talino. Mabibighani ang talino natin. Kakabahan ka at mamangha ka tungkol dito sa Kairalan (Being). Aba, parang ito ay si Bathala, a.
10. YAMANG-ISIP
Itong ating nadiskubreng ito ay hindi kathang-isip na wari bagang lumilikha ng katotohanan (creating truth ); manapay itoy yamang-isip na nalagay sa ating talino na naghahanap ng katotohanan (seeking truth).
Tingnan pa natin ang mga iba pang katangiang aagos mula sa Kairalan:
* May kalawakan ang pag-iral na ito. Kahit saan ay nandoon ito. (everywhere)
* Hindi mababago o magbabago ang pag-iral na ito. (immutable)
* Walang hanggan ang pag-iral nito. Walang simula at walang wakas. (eternal)
Kung pagninilay-nilayin natin itong mga katotohanang ito, tunay na tayo ay matutong magpakumbaba sa pamamagitan ng:
* Pagsamba
* Pasasalamat
* Paghingi ng tawad
* Paghiling
Kababata ko sila, ngayon, ngayon, ngayon, kay Bathala.
11. MGA TANONG AT KASAGUTAN
Mga tanong ng isa nating matikas na kababata at kasagutan:
1. Kung ang buhay natin ay isang kisap-mata lamang kumpara sa walang hanggan, gaano kaya kahaba ang panahong nasabi?
(Hindi malilirip ang haba ng walang hanggan.)
2. Kung ang Diyos (ayon sa Kasulatan) ay walang simula at walang katapusan (parang singsing na walang simula at katapusan), ang buhay baga ay isang walang katapusang pag-ikot? May katapusan kaya ang mga nilikha Niya, kung Siya ay walang simula at katapusan?
(Ang kaluluwa natin ay may simula ngunit walang katapusan o magpakailanman (immortal)).
3. Kung ang Diyos ay walang hanggan, titigil kaya Siya sa paglikha matapos ang ating sanlibutan? O lilikha pa siya ng walang tigil?
(Kung lilikha pa Siya ito ay kakulangan sa Kaniyang buong-buong kaganapan (all-perfect). Wala ka nang maiisip na hindi Niya nalikha.)
4. Kung tayo ay mga anak ng Diyos, minana ba natin ang kanyang kabanalan(divinity) at hindi tayo maglalaho kailanman?
(Oo).
5. Maaari kaya tayong maging perpekto tulad Niya?
(Ang Diyos lamang ang buong-buong perpekto. Tayo ay makikibahagi lamang sa Kaniya. Ngunit ang ating perpektong mababahagi ay para ng buong-buong perpekto ayon sa ating kalikasan.)
6. Sa paghuhukom, kung maparusahan tayo ng walang hanggang buhay sa isang lugar na wala ang Diyos, gaano kainip-inip kaya ito? Kung dito ka sa mundong ito at wala kang kamatayan, subalit wala ka sa piling ng Diyos, liligaya ka ba?
(Kababata, ikaw na ang sumagot nito.)